Rey PJ Abellana speaks up about Carla-Tom marital issue

Rey PJ Abellana: “Kasi po, ang pangyayari ay one-night stand, e.”
rey abellana, carla abellana, tom rodriguez
Rey PJ Abellana (left) on “one-night stand” of Tom Rodriguez (right) amid separation issue with daughter Carla Abellana (right): “E, nangyari sa tukso ay hindi po mortal sin. Para sa akin, you know, bilang isang tao, natural na tao lang po ang nangyayari sa mga ganyang bagay, natural sa buhay ‘yan, e, di po ba?”

PHOTO/S: @gmanetwork / @patdy11 on Instagram

Sa unang pagkakataon ay nagsalita si Rey PJ Abellana tungkol sa problema sa pagsasama ng kanyang anak na si Carla Abellana at ng asawa nitong si Tom Rodriguez.



Ikinasal sina Carla at Tom sa Tagaytay noong October 23, 2021, pagkatapos ng pitong taong relasyon bilang magkasintahan.

Pero makalipas lamang ng tatlong buwan, noong January 2022, napabalitang hiwalay na umano ang dalawa.

Sa live na panayam ng veteran TV at radio host na si Cristy Fermin kay Rey sa Cristy FerMinute ng Radyo Singko at One PH ngayong Biyernes, March 11, 2022, isa-isang sinagot ng ama ni Carla ang mga isyu tungkol sa pagsasama nina Carla at Tom.

Una siyang inusisa ni Cristy sa naramdaman niya nang mabalitang, matapos lamang ng tatlong buwan mula nang ikasal sina Carla at Tom, biglang naghiwalay na raw ang mag-asawa.

Tugon ni Rey: “Nay, siyempre, ako mismo bilang partikular na isa akong magulang, siyempre malaking gulat sa akin yun.

“Agad, medyo minessage ko ang anak ko na si Carla, na pilit kong alamin kaagad kung bakit.

“Sabi ko, ‘Ito nakarating na sa akin, may lumalabas na issues, at tungkol sa ganito, ganun, sa inyong dalawang mag-asawa, e, gusto kong alamin,’ sabi ko. ‘Kung ito, ano ba ito, isyu lang ba ito ng showbiz o wala?’

“So, honestly, Nay, ito sasabihin ko, sumpa man sa Diyos, totoo ito, nung una kong minessage yung anak ko ay hindi po kaagad nag-reply sa akin.

“So, alam niyo, dun pa lang sa sitwasyon na yun na hindi kaagad nakapag-reply yung anak ko sa akin, si Carla, e, pumasok na kaagad sa isipan, na, ‘Oy, may laman yung isyu na ito tungkol sa kanila.’

“So, pumasok na sa feeling ko, sa isip ko, na maaaring totoo itong issue na ito.”

CARLA REPLIES A FEW DAYS AFTER

Ayon kay Rey, wala talaga siyang alam sa sitwasyon ng mag-asawa.

“Ganunpaman, e, hindi pa rin ako nagsalita or whatever else, kasi honestly, talagang wala pa rin akong alam.”

Hanggang sa sumagot din si Carla.

“So, ngayon, after a few days, nag-reply na po si Carla sa akin.

“At ang sabi niya sa akin, ganito lang po ang pagkasabi ng anak ko sa akin, a, ‘Tom and I now are not okay.

“‘So, anyway, Papa, we would like people to respect, give us the respect, na i-settle muna namin itong personal na bagay, with ourselves. Pakiusap, Papa, na as much as possible, huwag na lang muna tayong magsalita sa press dahil baka mag-iba-iba pa ang isyu, magsanga-sanga.’

“So, anyway, nakiusap po yung anak ko na, ‘Hold on muna, stay put, at let us be the ones to settle it personally.’

“Considering na personal problem din naman nilang mag-asawa iyan, so that’s what I did.”

Patuloy ni Rey, “So, maraming press po ang kumokontak sa akin, mga kaibigan nating reporters, inaalam at tinatanong sa akin, just like kayo po, tinatanong niyo sa akin kung ano ba talaga ang sitwasyon.

“So, Nay, honestly, to this point, up to this point, hindi pa rin po malinaw sa akin ang mga bagay-bagay sa pangyayari sa kanila dahil po hindi ko pa rin po nakakausap si Carla.”

RIGHT AGE

Dagdag pa ni Rey, umaasa siyang maaayos nina Carla at Tom kung anuman ang problemang kinahaharap nila dahil nasa tamang edad na ang mga ito.

Saad niya, “Alam niyo po, nasa tamang edad na ang anak ko, nag-asawa na nga. At ayoko naman pong ipagpilitan yung sarili ko pa sa sitwasyon nila, na nakikiusap din naman siya na hayaan ko na lang sila na sila muna ang mag-settle ng problema.”

Hindi raw pumasok sa isipan ni Rey na kung kailan nagpakasal sina Carla at Tom saka naman sila naghiwalay dahil ilang taon din ang kanilang relasyon bago sila lumagay sa tahimik.

“Yun na nga po, Nay, that makes it unique in a sense… that makes it unique, very unusual yung sitwasyon na ganyan, napaka-unusual ng sitwasyon na ‘yan. Kung kailan kayo nag-settle down, dun pa kayo maghihiwalay, halimbawa.”

Diin ni Rey: “Pero, Nay, hindi ko pa sinasabi na hiwalay na yung anak ko, sa kanilang mag-asawa, hindi ko pa po sinasabi na hiwalay yung dalawa.

“Ang point ko dito po, ang sinasabi ko lang po na kung anuman ang problema ng mag-asawa ay sini-settle lang nila muna, na sila lang para naman po maayos ito.

“Dahil hindi naman po sila lulugar sa pagpapakasal para maghiwalay.”

TOM REACHES OUT TO REY

Inamin naman ni Rey na lumapit sa kanya si Tom upang ipaliwanag ang sarili.

Lahad ng ama ni Carla: “Honestly, nakausap ko na po si Tom.

“Nagkusa po one time si Tom na mag-message sa akin, na kung puwedeng magkita kami. Pumunta siya dito sa akin sa bahay para magpaliwanag po siya ng side niya sa akin.

“So, nagawa na po namin, Nay, pero hindi ko pa rin sinasabi na hiwalay na yung dalawa o may judgement na po ako dito sa sitwasyon nila.

“Hindi ko pa rin masabi dahil ang narinig ko lang side ay yung kay Tom. At yung sa side ng anak ko, honestly, yung sa anak ko ang hindi ko pa nakakausap pa.”

Gigil na gigil na nga raw siyang usisain si Carla sa panig nito.

Ani Rey, “In a way, nanggigil ako sa anak ko kung bakit ayaw pa ako kausapin…

“Well, sa edad ko pa kasi, sa status ko bilang ama, as much as possible, uunawa ko na kasi lalaki kasi ako.

“Ang anak ko, babae. Baka naman may difference iyan kung babae ang mag-o-open up sa lalaki. Baka may hindrance.

“Baka mas madali, automatically mas madali siyang mag-open up sa nanay niya kaysa tatay niya. Particularly na hiwalay po kami ng bahay ng tirahan and all of that.

“Iyan ang kinu-consider ko diyan. As much as possible inuunawa ko, ipinagdadasal ko yung dalawa, na maayos nila the soonest ang kanilang sitwasyon.”

Matagal nang hiwalay si Rey sa ina ni Carla na si Rea Reyes, anak ng veteran actress na si Delia Razon.

TOM’S “ONE NIGHT STAND”

Naitanong din ni Cristy kay Rey ang mga umiikot na usap-usapan tungkol sa diumano’y infidelity sa side ni Tom.

Balik-tanong ni Rey, “Infidelity particularly sa anong…?”

Ipinaliwanag ni Cristy na ang ibig niyang sabihin ay nahuli umano ni Carla na may third party sa parte ni Tom.

Dito na isiniwalat ni Rey na nagkaroon umano ng “one-night stand” si Tom.

Maingat na sabi ng ama ni Carla: “Nay, honestly speaking, hindi po natin maku-consider na third party, e, ang sitwasyon.

“Kasi po, ang pangyayari ay one-night stand, e. So, hindi natin kinu-consider yun na third party.”

Ayon kay Rey, bilang isang lalaki ay hindi talaga nila maiwasan ang matukso.

“Inaamin ko na lang, bilang ako lalaki ako, ako, way back, nangyayari din po ‘yan sa akin.

“E, medyo normal na ‘yan sa buhay ng mga lalaki.”

Kaya naiintindihan niya si Tom?

Sagot ni Rey, “Opo, opo, kaya naintindihan ko po ‘yan.

“E, nangyari sa tukso ay hindi po mortal sin. Para sa akin, you know, bilang isang tao, natural na tao lang po ang nangyayari sa mga ganyang bagay, natural sa buhay ‘yan, e, di po ba?”

Hindi krimen?

“Opo. May kasabihan nga po na ang isang tao, e, mabibilanggo depende po sa bigat ng kanyang kasalanan.

“Kung mababaw na krimen ay hindi po kinukulong ‘yan. Pero kung mabigat na krimen ang kanyang atraso, e, yun…”

Hindi na idinetalye ni Rey kung kailan naganap ang sinasabi niyang “one-night stand” ni Tom at kung sino ang babaeng involved.

MONEY, SEXUAL PREFERENCE

Inusisa rin si Rey tungkol sa umano’y pera ni Tom na naglaho dala ng sinamahang grupo nang sana’y tatakbo ito bilang congressman ng isang party list group.

Hindi raw nila ito masyadong napag-usapan.

Nagtanong pa si Cristy kung “bakla” si Tom.

Sagot dito ni Rey: “I don’t think so, hindi ko po nakikita ‘yan, at hindi ko pinaniniwalaan ‘yan.

“Ako, bilang lalaki, kasi hindi ko masyadong abot, e. Totoong lalaki ako kung magpapakasal ako sa isang babae, yun po ang realistic dun.

“So, paano mo papakitaan ng kabaklaan yung sitwasyon na yun kung ako ay isang straight?

“Kaya hindi ko nakikita ‘yan, hindi ko nai-imagine ‘yan, at hindi ko pinaniniwalaan ‘yan para kay Tom.

“Sa tingin ko po, opinion ko po ng personal ‘yan.”

Hanggang ngayon ay nananatiling tikom ang bibig nina Carla at Tom tungkol sa isyung ito.