It’s Showtime, “95 percent” nang magre-renew ng kontrata sa GMA-7
GORGY RULA
Mukhang sure to go na ang renewal ng Kapamilya noontime show na It’s Showtime sa GMA-7, base sa mga pahayag ng senior vice-president ng GMA Network na si Atty. Annette Gozon-Valdes.
Nakapanayam ng PEP Troika ang Kapuso executive noong Linggo, December 15, 2024, sa Malacañang Palace, kung saan ginanap ang Konsyerto sa Palasyo para sa 50th Metro Manila Film Festival.
Ang blocktimer noontime show nina Vice Ganda ang kaagad naming kinumusta kay Ma’am Annette.
May linaw na ba ang renewal ng It’s Showtime sa GMA-7 bago matapos ang taong ito?
“May hinintay kaming data kaya natagalan kami bumalik sa kanila. Pero siguro mga 95 percent ano na yan,” sabi ni Ma’am Annette.
“Wala namang problema kasi, e. Konting ano lang, konting pag-uusap lang. Andito sina Carlo, nag-uusap kami.”
Ang “Carlo” na tinutukoy ni Ma’am Annette ay ang ABS-CBN president na si Carlo Katigbak.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Ayon pa kay Ma’am Annette, walang problema sa ratings ng It’s Showtime.
May tinitingnan lang daw sila sa data at ilan pang pag-uusap sa terms bago nila ma-finalize ang renewal.
“Pagdating sa ratings, wala kaming problema. Yung ibang mga ano yung ano namin, mas tungkol sa new terms. Ha! Ha! Ha! Ha!” pagtawa ni Ma’am Annette.
“Sa ratings, walang problema, kasi ang taas-taas ng ratings ng Showtime.”
Photo/s: It’s Showtime Facebook
CONTRACT RENEWAL
If ever, kailan magre-renew ng kontrata ang It’s Showtime sa Kapuso Network?
Ayon kay Ma’am Annette, “Matatapos kasi ang contract nila by end of this year. So dapat, very soon, sana.
“Siguro in the next week, or next few weeks, malalaman na natin.
“Pero yun nga, mukha namang ano…”
Nilinaw rin ni Ma’am Annette na walang pagkakautang ang It’s Showtime sa GMA-7, taliwas sa mga kumakalat na usap-usapan.
Hindi lang niya idinetalye kung ano ang nasa data na tinitingnan nila.
“Wala, wala, wala! Wala silang utang, wala,” sabi ng GMA-7 executive.
Pagdating ni Sir Carlo Katigbak ng ABS-CBN ay kaagad din namin siyang tinanong.
Pero hindi siya nakasagot sa amin nang maayos dahil hinarang kami ni Mico del Rosario, head ng advertising and promotions ng Star Creatives at Rise Artists Studio Corporate Communications.
Hindi niya kami in-allow na makapanayam pa si Sir Carlo.
JERRY OLEA
Pumasok sa usapan ang TiktoClock sa isyu ng renewal ng It’s Showtime.
Pero sabi ni Ma’am Annette, mas priority nila ang It’s Showtime na manatili sa GMA-7.
“As of now kasi, parang ang priority kasi is to retain Showtime. Basta magkaayos lang, di ba, dun sa terms.
“And siguro, ano, parang ang TiktoClock kasi, ganun lang yung format kaya naiisip na puwede siyang pumalit just in case biglang kunyari…
“Bigla na lang later on, ayaw na ng Showtime sa GMA, at least, meron din kaming puwedeng ilagay,” malumanay na sabi ni Ma’am Annette.
Nandiyan din ang isyu sa TAPE, Inc. na posible umanong magbalik sa GMA-7 at magkaroon ng show.
Nakangiting sagot ni Ma’am Annette, “Meron silang letter. Kaya lang, parang inuuna muna kasi namin yung discussions nila with our finance team before we entertain their pitches…
“Basta ang sabi sa akin, mag-uusap na muna ang finances and sila before kami makapag-meeting for a new show.”
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
GMA-7-ABS-CBN COLLAB
Napakagiliw ni Ma’am Annette sa interbyu.
Sinagot niya pati iyong tanong tungkol sa posibleng kasunod na collaboration ng ABS-CBN at GMA.
Itatambal si Barbie Forteza sa isang Kapamilya actor?
“Tingnan natin… May scheduling issues kasi. So, itatanong ko sa kanila, nandiyan naman sila.”
Kabilang ako sa mga lumapit kay Sir Carlo Katigbak upang hingan siya ng konting reaksiyon sa mga sinabi ni Ma’am Annette.
Pero iyon nga, nag-sorry si Mico del Rosario at hinila na palayo sa amin si Sir Carlo.
NOEL FERRER
Dumalo si Ma’am Annette sa Konsyerto sa Palasyo bilang suporta na rin sa MMFF 2024 entry ng GMA Pictures na Green Bones.
Si Ruru Madrid lang sa mga artista ng Green Bones ang nakadalo sa Malacañang event noong Linggo.
Atty. Annette Gozon-Valdes with Green Bones star Ruru Madrid
Photo/s: Jerry Olea
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Pero excited sila dahil base sa trailer nitong Green Bones, mukhang mas maganda ito sa Firefly na nagwaging Best Picture sa MMFF 2023.
Sabi nga ni Ma’am Annette, “Ito lang ang masasabi ko, parang mas maganda itong Green Bones. Kaya medyo masaya naman kami na naka-level up pa yung entry namin this year, compared to last year.
“E, last year, ang ganda-ganda na ng Firely. Pero ito, parang iba pang level.”