Kyle Echarri, Pumalag Sa Nang-iintriga Kay ‘Bella’
Nagbigay ng reaksiyon ang Kapamilya actor na si Kyle Echarri tungkol sa mga netizens na nagkokonekta sa kanyang nakakabatang kapatid na si Bella sa mga isyu at intriga. Sa isang post sa X (dating Twitter) account ni Kyle kamakailan, iginiit niyang wala siyang pakialam sa mga opinyon at komento ng ibang tao patungkol sa kanya, ngunit hindi niya kayang palampasin kapag ang pamilya niya ang nadadamay sa mga isyung iyon.
Ayon sa post ni Kyle, “Question whatever you want about me but never question the love me and my family have for Bella. Tsaka please… patapos na yung taon… kakatapos lang ng pasko… Masaya ka sa buhay mong ganyan ka magsalita sa buhay ng iba? Happy new years mwah mwah.”
Ipinahayag ni Kyle na hindi niya akalaing magiging tampulan ng intriga ang kanyang pamilya, at binigyan diin niyang hindi dapat isama sa mga ganitong isyu ang kanyang kapatid.
Bilang karagdagan, sinabi pa ni Kyle, “Hays I was gonna stay quiet since it’s Christmas and we should be ending the year on a good note. Say all u want/think about me bahala na kayo diyan. Pero wag na wag mong idamay yung pamilya ko lalo na yung kapatid kong anghel na si Bella.”
Ayon sa kanya, pinili niyang magbigay ng pahayag sa kabila ng kanyang desisyon na manahimik na lamang, sapagkat ayaw niyang magpatuloy ang mga hindi magandang komento laban sa kanyang pamilya, at lalo na sa kanyang kapatid na si Bella.
Ang post na ito ni Kyle ay lumabas matapos niyang ibahagi sa social media ang isang serye ng mga larawan mula sa kanilang Kapaskuhan. Sa mga litrato, makikita ang masayang pagtanggap ni Kyle kay Bela Padilla bilang bahagi ng kanilang pamilya, at ipinakita niya pa na tinuturing nila itong bagong “Bela” ng kanilang pamilya.
Ang mga komento at reaksiyon ng ilang netizens sa post na ito ay naging sanhi ng mga intriga na nagdulot ng alingawngaw sa social media, kaya’t si Kyle ay nagdesisyong magsalita at ipagtanggol ang kanyang pamilya.