Inamin ng Kapuso actress na si Bea Alonzo na Enero pa lang ng taong kasalukuyan ay hiwalay na sila ng ex-fiancé niyang si Dominic Roque.

Sa panayam ni Bea sa digital magazine na Tatler Asia nitong July 5, 2024, ibinahagi ng aktres ang pinagdaanan niya sa mga nakalipas na buwan matapos ng breakup nila ni Dominic.

Pagbabahagi ni Bea, buong akala niya noon ay si Dominic na ang lalaking makakasama niya habambuhay, ngunit sa kasamaang palad ay hindi ito natupad dahil sa ilang hindi nila pagkakaunawaan.

Saad niya, “I saw myself marrying this man. But sometimes, things don’t go according to plan. Sometimes God’s plan is better, and I have learnt to embrace that.”

Noong June 13, 2024, sa panayam niya sa 24 Oras ng GMA-7, inamin ni Bea sa kauna-unahang pagkakataon na si Dominic ang tumapos sa mahigpit apat na taon nilang relasyon.

Taliwas ito sa kumalat na impormasyong si Bea ang nagdesisyong hindi na ituloy ang nakaplano nilang kasal ng aktor ngayong 2024.

“Hindi ako ang nakipag-break,” paglilinaw ni Bea sa panayam sa kanya ni Nelson Canlas.

Bagay na naungkat muli sa panayam niya sa digital Tatler Asia.

Ayon sa Widows’ War star, hindi naging madali para sa kanila ni Dominic ang desisyong tuldukan ang kanilang relasyon.

Noong February 11, 2024, nag-post ang dalawa sa social media upang kumpirmahin ang kanilang desisyong tapusin na ang kanilang relasyon, halos pitong buwan matapos mag-propose ni Dominic kay Bea noong July 18, 2023.

bea alonzo dominic engagement

Photo/s: Dominic Roque Facebook. dominic roque on the day he proposed to bea alonzo

Sa pamamagitan ng Instagram at Facebook, ibinahagi ni Bea na mutual decision nila ni Dominic na maghiwalay.

Pahayag ni Bea sa Tatler Asia, “Before we announced it, we had been trying to work things out for months. It’s not like it happened overnight; it was a process for both of us.

“It always takes two to tango. Sometimes relationships don’t work, and that’s fine.”

Hindi rin daw sinisisi ni Bea si Dominic sa naging desisyon nitong makipaghiwalay sa kanya dahil alam niyang inisip lang nito ang makabubuti para sa kanilang dalawa.

Ginawa rin daw nila ang lahat para maisalba ang kanilang pagmamahalan ngunit sa huli ay napagtanto nilang hindi na ito sapat para ituloy pa nila ang kasal.

Saad ni Bea, “The two people in the relationship are the only ones who know the truth. In my case with Dom, we didn’t want to get married anymore.

“We tried to patch things up, but it did not work.”

Hindi sinabi ni Bea ang mismong dahilan ng kanilang hiwalayan. Ngunit paglilinaw niya, hindi ito dahil sa third party, na kadalasang rason ng paghihiwalay ng dalawang magkasintahan.

WHAT PEP KNOWS ABOUT BEA-DOMINIC BREAKUP

Samantala, sa hiwalay na pagsasaliksik ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), napag-alamang may iba’t ibang dahilan kung bakit nauwi sa hiwalayan ang relasyon nina Bea at Dominic.

Tatlong sources ang nagdetalye sa PEP kung ano ang nangyari sa relasyon nina Bea at Dominic.

May First at Second Sources ang PEP na nagkumpirmang tinuldukan na nina Bea at Dominic ang higit apat na taon nilang relasyon.

Nakalap ng PEP ang mga impormasyon sa pagitan ng February 1 – February 5, 2024.

May Third Source na nakausap ng PEP na alam ang tungkol sa breakup, pero nagsabing hindi sarado ang pagbabalikan ng couple kung maaayos ang kanilang problema.

Naniniwala ang Third Source na mabuting direktang marinig kina Bea at Dominic ang anumang kumpirmasyon ng breakup dahil ang mga ito raw ang tanging nakakaalam ng kanilang buhay pag-ibig.

Sa pagsisiyasat ng PEP, lumalabas na panay sensitibo ang mga hinihinalang isyung nakapalibot sa biglaang pananamlay ng pag-iibigan ng dalawang kilalang showbiz personalities.

Tinatayang nagsimulang magkaproblema ang couple pagbalik galing sa kanilang holiday vacation sa Japan, na nangyari noong December 26, 2023 hanggang first week ng January 2024.

Kabilang sa mga nausisa ng PEP sa Tatlong Sources ang tungkol sa prenup agreement. Ito ang kumalat noong dahilan umano ng hiwalayan ng dalawa.

Dito napag-alaman ng PEP na totoong pinag-usapan nina Bea at Dominic ang pagkakaroon ng prenup agreement.

Ayon sa First Source, ang prenup agreement ang simula ng di nila pagkakaunawaan, hanggang magdesisyon silang maghiwalay sa huli.

Kinontra ito ng Second Source ng PEP.

Ayon sa Second Source, si Dominic ay “willing to sign” sa prenup agreement.

Ibig sabihin, naiintindihan ni Dominic ang karapatan ni Bea na protektahan ang properties at assets na na-accumulate niya habang dalaga pa siya.

Tila hudyat din ito ng pagpapatunay ni Dominic ng kanyang malinis na intensiyon sa pagpapakasal kay Bea.

May Third Source ang PEP na nagpapatunay na hindi naging isyu sa dalawa ang prenup.

Ni-reveal nitong bago pa magbakasyon ang dalawa sa Japan ay naayos na umano ang prenup agreement.

Hindi naman idinetalye ng Third Source kung ang ibig sabihin ng “naayos na ang prenup agreement” ay natapos na nilang lagdaan ito o natapos lamang nilang pag-usapan ito.

Isa pang lumutang na anggulo noong bagong hiwalay sina Bea at Dominc ay ang tungkol sa gastos sa kanilang kasal.

Sabi ng First Source ng PEP, hindi nagkasundo sina Bea at Dominic sa logistics ng wedding.

Hindi malinaw kung si Bea mismo, o isang taong malapit kay Bea, ang may isyu sa hatian nina Bea at Dominic sa gastusin ng kanilang destination wedding.

Nalaman ng PEP mula sa Second Source na sa Italy sa Europa ang dapat sana’y wedding venue.

Pero tikom ang bibig ng Second Source kung may naging pagtatalo kina Bea at Dominic sa wedding expenses.

Maging ang Third Source ay walang kumpirmasyon sa isyu ng wedding expenses.

Ang sabi lang ng Third Source ay hindi ito kumbinsidong isyu ng pera ang mitsa ng hiwalayan.

Kung titingnan daw kasi ang dating history ng aktres, hindi naging kunsiderasyon sa aktres kailanman ang social status sa pagpili ng nobyo.

Isa pang lumutang na dahilan ng hiwalayan ay may kinalaman sa mga taong nakapaligid kay Bea.

Sabi ng First Source, tutol kay Dominic ang ina ni Bea na si Mary Ann Ranollo.

Tugma ito sa impormasyong ipinarating ng Second Source sa PEP.

Ngunit kinontra ito ng Third Source.

Taliwas daw kasi ito sa nakita niyang closeness ni Dominic sa pamilya ni Bea.

Sa pagsusuri ng PEP sa dating history nina Bea at Dominic, makikitang malapit nga ang pamilya nila sa isa’t isa.

Bagay na kinumpirma ni Bea sa eksklusibo niyang panayam sa PEP noong August 2021, kunsaan dito ay sinabi niyang boto ang kanyang ina kay Dominic.