Ayon sa Kapuso actor na si Rayver Cruz, naka-move on at masaya na siya sa buhay n’ya ngayon matapos ng breakup nila ni Janine Gutierrez. “Okey na ako…Naka-move on na, 2022 na, e, so masasabi ko na naka-move on na ako and I’m happy.”

Masaya at naka-move on na raw ang actor na si Rayver Cruz mula sa breakup nila ng ex-girlfriend n’yang si Janine Gutierrez.

Ito ang sinabi n’ya sa virtual interview n’ya with GMA reporter Nelson Canlas na ipinalabas sa 24 Oras noong February 16.

Aniya, natutunan na raw n’ya from his past relationships na tanggapin ang katotohanang kakambal na ng pagmamahal ang posibilidad na masaktan.

Pag nagmahal ka dapat marunong ka ring tumanggap ng sakit sa mga circumstances na p’wedeng mangyari,” nakangiting lahad ni Rayver kay Nelson.

Nilinaw din n’ya ang usap-usapan na third party daw ang dahilan kaya nauwi sila ni Janine sa hiwalayan.

May mga nang-iintriga kasi tungkol sa closeness nila ng fellow performer n’ya sa All-Out Sundays at co-host sa The Clash na si Julie Anne San Jose. And si Janine, for her part, ay nali-link naman sa bago nitong leading man sa ABS-CBN na si Paulo Avelino.

Kinaklaro ko pa na there was no third party involved, especially from my end,” pagdidiin ng All-Out Sundays performer.

Pagtitiyak pa ng Kapuso actor, naka-move on na s’ya at masaya sa buhay n’ya ngayon.

“In time magiging okey ang lahat. Okey na ako, e. Naka-move on na, 2022 na, e, so masasabi ko na naka-move on na ako and I’m happy,” pahayag pa n’ya.

Excited din ang aktor sa kanyang upcoming teleserye na Bolera kung saan makakatambal n’ya si Kylie Padilla.

Natutuwa s’ya na gaganap sila sa serye bilang mga pool players dahil malapit daw ang larong ito sa puso niya dahil natutunan daw niya ang paglalaro noon mula sa namayapa n’yang ama.

May background naman ako sa paglalaro ng billiards. Marunong naman ako. Hindi ako sobrang galing pero nandu’n  naman ’yong basics,” masayang paliwanag n’ya.

Nagturo pa nu’n sa ’kin dati nu’n, ’yong papa ko nu’ng nabubuhay s’ya. Favorite ng papa ko ’yong game na ’yan kaya natutunan ko rin kahit papano,” pagtatapos ni Rayver.