Photo Courtesy: Screenshot from One PH (YT), ABS-CBN News
Tila hinahanapan si Kapamilya star Daniel Padilla ng congratulatory message para sa tagumpay ng “Hello, Love, Again” kung saan bumida ang ex-jowa niyang si Kathryn Bernardo.
Sa latest episode kasi ng “Cristy Ferminute” nitong Miyerkules, Disyembre 11, sinabi ni showbiz columnist Cristy Fermin na nabasa umano niya sa dyaryo na tila wala raw pakialam si Daniel sa nasabing pelikula.
“E, ano nga ba ang magiging pakialam niya do’n? Siyempre wala naman talaga,” komento ni Cristy.
“Pero dapat nakialam siya,” saad ng co-host niyang si Romel Chika. “Nag-congratulate man lang siya para naging…gentleman.”
Saway naman ng showbiz columnist, ”Sa panahon ng social media kung nag-congratulate siya, sisibakin na naman siya nang buhay na buhay; walang kalaban-laban. Mas maganda na no talk.”
Matatandaang idineklara noong Nobyembre 24 na ang “Hello, Love, Again” ang kauna-unahang pelikulang Pilipino na naitala sa kasaysayan na kumita ng bilyon sa takilya.
Samantala, bagama’t hindi bumati si Daniel sa tagumpay ni Kathryn, masaya naman daw ang ina nitong si Karla Estrada para sa aktres.