Noon pa pala dapat may follow-up ang “Hello, Love, Goodbye” pero ipinagbawal daw ni Daniel Padilla na magtambal ulit sina Alden Richards at Kathryn Bernardo na noo’y karelasyon pa ng una.
“Nu’ng kumita ang HLG (2019) may follow-up agad sana at naka-set na kaso nagkaroon ng pandemya kaya 2021 dapat sinimulan, e, umarya ang lolo Daniel mo at binawalan si Kathryn na ‘wag gawin kaya hindi natuloy,” ayon sa aming source.
“E, ngayong hiwalay na, itinuloy na. Wala nang bawal-bawal kay Kathryn ngayon, gagawin niya ang alam niyang makagaganda sa career niya at saka kaibigan niya si Alden noon pa,” paliwanag pa ng taong may alam sa kuwento kung bakit hindi agad nagkaroon ng sequel ang “HLG.”
Tanda rin naming kumalat ang balitang nagselos si Daniel kay Alden noong sinu-shoot ang “Hello, Love, Goodbye” sa Hongkong kaya nga nagpunta roon si DJ para i-check ang kanyang girlfriend pero ang press release ay dumalaw siya sa whole team lalo na kay direk Cathy Garcia-Sampana na kaibigan naman talaga ng aktor.
Tungkol naman sa follow-up ng “Rewind” ay pinaplano at hinahanapan na ng magandang material ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera kung ano ang nababagay sa kanila.
Nabanggit naman ng isa pa naming source na mukhang mananatiling magkaibigan lang sina Alden at Kathryn dahil may ibang gusto raw ang aktres na hindi naman binanggit kung sino.
“Magugulat ka,” ang sagot sa tanong namin kung sino ang gusto ni Kathryn.
Malalaman na ang mga pasabog na rebelasyon sa “FPJ’s Batang Quiapo” pagkatapos maglabas ng ABS-CBN ng isang special trailer na nakalikom na ng higit apat na milyong views.
Napapanood sa maaksyong trailer ang pagsisimula ni Tanggol (Coco Martin) ng bagong buhay pagkatapos niyang makalaya sa kulungan. Desidido na ngayon si Tanggol na magbagong-buhay subalit haharap ito sa sunod-sunod na pagsubok na maaaring makaapekto sa kanyang pagkatao.
Magugulantang si Tanggol sa kanyang pag-uwi dahil babanatan siya nina David at Rigor (Mccoy De Leon at John Estrada) at walang-awa nila itong papalayasin.
Pero hindi lang iyon ang problemang haharapin ng kanilang pamilya dahil mabibisto na ni Marites (Cherry Pie Picache) ang panloloko ng asawa niyang si Rigor kasama ang kabit nitong si Lena (Mercedes Cabral), na nagdadalang-tao na pala.
Sa kabila ng pagpapahirap kay Tanggol, makakahanap siya ng kakampi kay Bubbles (Ivana Alawi) na nangakong tutulungan siyang maging mabuting tao. Bukod sa reunion nina Tanggol at Bubbles, inaabangan din ng mga manonood ang umiigting na sagupaan ng magkaribal na sina David at Pablo (Elijah Canlas).
Paano malalagpasan ni Tanggol ang walang-katapusang problema na ikinakaharap niya? Anong mangyayari sa pamilya ni Tanggol kapag nalantad na ang problema nina Marites at Rigor?
Ang mga bagong rebelasyon sa kwento ang ilan sa mga pasabog ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa pag-arangkada nito para sa ikalawang taon ng programa sa ere.
Huwag palampasin ang maaaksyong kaganapan sa “FPJ’s Batang Quiapo,” gabi-gabi sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.