Nadine Lustre, binistong mahilig siyang magkalikot at magkumpuni gaya ng tatay Ulysses niya
Photos: Melo Balingit, @niceprintphoto (inset)
Si Bodjie Pascua ang gumanap bilang ama ni Nadine Lustre sa action-thriller mini-series na Roadkillers, na iikot ang kuwento sa malalim na pagmamahal ng anak sa kanyang ama.
Sa ginanap na screening/mediacon ng Roadkillerskamakailan, may naging rebelasyon si Nadine. Si Bodjie raw at ang tunay niyang amang si Ulysses Lustre, ay magkapareho sa maraming aspeto.
“Noong napanood ng Dad ko ‘yung Roadkillers, parang sabi niya, ‘Parang ako lang si Bodjie [Pascua].’ Which is, noong nagsu-shoot nga po kami, talagang Tito Bodjie reminds me of my Dad,” k’wento ni Nadine.
“Kasi, everything…like his jokes, the way he talks, and ‘yung character ni Tito Bodjie [Nato Sunico]. Since my Dad is a mechanic talaga, his profession. So, ako, I grew-up as tinkerer talaga. So, mahilig akong magkalikot talaga, alam niyo ‘yung even Wite-Out tape ng classmate ko, inaayos ko just because na-fascinate ako sa dad ko na mahilig… magaling siyang magkumpuni ng mga stuff like controller ng play station, naayos niya.
“So, lumaki ako na gano’n just how Stacey is.”
(Si Stacey ang character niya sa Roadkillers.)
“Pero ang Dad ko, hindi naman siya henchman ng pulitiko,” natatawang kambiyo niya, referring to Bodjie’s character in the series.
“But he’s the same [as Nato],” patuloy pa rin niya referring pa rin to Bodjie’s character. “Sobrang naaastigan din ako sa dad ko.
“So, while we were shooting the series, every time na meron akong interaction or scene with Tito Bodjie, naaalala ko talaga ang dad ko.”
Kakaibang Nadine Lustre na naman ang mapapanood dito. Ito ay dahil naging mantra na nga ni Nadine na maghanap ng mga out-of-the box projects. Parang the darker, the better.
In the case of Roadkillers, ang journey daw ng mga karakter talaga ang tututukan, lalo na ang karakter niyang si Stacey.
“I don’t think there’s a lesson or takeaway after watching the series,” pagpapaka-totoo niya. “It’s really more of the journey of Stacey and actually, lahat kami. As you can see, ‘yung character ni Jerome (Ponce), may pinagdaanan din siya from the very beginning of the series and I guess, with my character naman as Stacey, it’s really showing the kind of relationship that she has with her father and I guess, the length that she’s willing to do.”
Sa k’wento, lumalabas na kasagsagan pa ng pandemya at isa ang ama niya sa dinapuan ng virus at nahirapan silang makahanap ng kuwarto sa hospital. Doon ay ipinakita na sa sobrang pagmamahal niya sa ama, kaya niyang pumatay ng iba para madugtungan ang buhay ng ama.
Sabi naman ni Nadine, sa totoong buhay raw, hindi naman niya kayang gawin ‘yon.
“I think, I won’t be able to take someone else’s life just to save my father,” umiiling na pag-amin niya. “Ako, personally, parang hindi ko kakayanin ‘yon. Pero I commend Stacey kasi, gano’n niya talaga kamahal ang father niya. Bahala na ang values niya and until the very end, ginawa niya talaga ang wishes ng father niya.”
But more than the dark character, isa pa umano sa nakapag-pa-oo kay Nadine para tanggapin ang Roadkillers ay dahil sa mga action scenes na involved. Type na type din pala niya kasing maging action star.
“Alam n’yo naman po, gustong-gusto kong mag-action. And nang ipinitch sa akin ni Direk [Rae Red] ang project, s’yempre, I would say yes. Kasi, matagal ko na talagang gustong mag-action.”
And for Roadkillers, sumabak daw muna siya sa mga stunts training bago sumalang sa set.
“Nag-training ako sa firing with the gun and assembling it. ‘Yung mga stunts din namin, we really had to rehearse that.
“Lalo na ‘yung environment condition, nakita n’yo naman ang mga eksena… sa buhangin, mabato. So, very tricky talaga. And as much as possible, sina Direk, they wanted the stunts to be realistic. Hindi siya ‘yung action movie, just realistic kasi at the end of the day, hindi naman superhero si Stacey, normal naman siya na tao. So, it’s really a lot of that. Pero, sobrang na-enjoy ko po siya.”
That is, kahit na aminadong nasaktan siya at mga co-stars niya sa pagi-stunt sa mababatong lugar.
“Actually, ‘yung bato po ang nakasakit sa amin. Kapag bumabagsak po kami, masakit talaga. But, sobrang nag-enjoy kami.”
After Roadkillers, ano pa kaya ang mga roles na suungin ni Nadine?
“Ako po, mas darker,” lahad n’ya. “And it’s really just because ‘yung mga projects ko before, sobrang romcom, drama…so, ngayon po kasi, I’m at a point na gusto kong mag-explore sa different genres. I wanna do more challenging roles.
“And I always say this, parang gusto ko talaga ng role na…well, nakakatawa kasi, parang may nabasa po akong article na ang headline: ‘Nadine ayaw nang mag-loveteam. Gustong maging psychopath…’”
“‘Yun naman po kasi ang palagi kong sinasabi. It’s very interesting doing a role of a psychopath or a killer or someone who is a villain. Just trying to figure out how this person’s mind works.
“Ako po kasi, mahilig ako sa gano’ng intricate details. ‘Yung pinag-aaralan ang mga tao and personally, I really like watching ‘yung mga documentaries. Alam n’yo naman po, mahilig ako sa horror, psychological thriller, gusto ko pang mag-dive into that.
“So far naman po, all of the projects or at least, ‘yung direction that I am taking, papunta naman po talaga do’n. So, I’m really, really excited kung ano ang susunod na project na ipi-pitch sa akin.”
Ang Roadkillers, na produced ng Studio Viva, ay mapapanoood na worldwide through the Viva One app simula March 1.