Bakbakang umaatikabo! Walang humpay na bugbugan, salpukan, barilan, saksakan at literal na umulan ng dugo!

Ganiyan nga ang nasaksihan ko sa unang limang episode ng ‘Incognito’ na pinagbibidahan nina Ian Veneracion, Richard Gutierrez, Daniel Padilla, Baron Geisler, Anthony Jennings at Maris Racal.

At nakakaloka dahil bukod sa kanilang anim, sangkatutak na malalaking artista pa, na mga nagbida, nagbibida pa rin, ang makikita mo, ha!

Grabe as in grabe, na maituturing mo ngang ito na ang pinakamalaking serye na prodyus sa Pilipinas, sa pangunguna ng Star Creatives ng Kapamilya Channel.

Sabi ko nga, sa itsura pa lang ng mga bida, sa bonggang location, at malalaking eksena, para kang nanonood ng international series, ha!

Mamamangha ka nga sa mga lugar na pinag-taping-an nila, tulad ng Sagada at siyempre ng Palawan. Ang ganda-ganda, na siguradong maraming foreigner ang maakit na puntahan ang mga lugar na `yon, kapag napanood nila ang serye.

Anyway, yes, napanood ko na nga ang limang episode ng ‘Incognito’ kasama ang mga piling-piling social media influencer, pati na ang mga atleta, tulad ng mga basketbolistang sina Ricci Rivero, Tomas Torres, ang mga balibolistang sina Faith Nisperos, Cherry Rose Nunag.

Sa unang episode pa lang, pinakita na agad ang malaking eksena at bongga agad ang mga guest nila dahil may Belle Mariano at Aljur Abrenica agad, ha!

Hindi ko na lang ikukuwento ang eksena ng dalawa pero siguradong mapapaigtad at mapapatayo kayo sa mga upuan niyo dahil sa kanila.

Bagay na bagay kay Belle ang role niya, na prinsesang-prinsesa ang dating, ha! At yes, kering-keri rin ni Aljur ang role niya, na action star level, ala-bodyguard nga ang dating.

Pero sure ako na maawa rin kayo kay Belle sa mga sumunod pang episode. Pinahirapan din talaga siya nang husto ng mga direktor, ha!

Anyway, sa simula pa lang ay malinaw na ngang inilapat ang kuwento ng mga bida. Kung sino sila, kung saan sila nanggaling at bakit sila nasa sitwasyon nila ngayon.

Walang duda na pagdating sa action scene, bakbakan scene, barilan scene at lutang na lutang si Richard Gutierrez. Sanay na sanay na nga siya sa mga ganung eksena.

Pero si Daniel Padilla, na first time ngang sumabak sa ganitong eksena, papalakpakan mo talaga. Maiisip mo talaga na Padilla talaga siya, na heto talaga ang bagay na genre sa kanya.

Kakaibang Daniel ang mapapanood mo, na seryoso, madrama, pero hitik na hitik sa action. Bet na bet ko yung ang angas-angas talaga niya habang nakikipagbugbugan siya!

Sabi ko nga, tinapatan talaga ni Daniel ang angas ng tito niyang si Robin Padilla, sa mga pelikulang ginawa ng senador noon, ha!

Well, dapat ding abangan ang mga karakter ni Jane De Leon at Elijah Canlas at marami pang iba. Ganun katindi ang ‘Incognito’! (Dondon Sermino)