Nora Aunor calls Oro director Alvin Yapan “sinungaling” over dog killing

Superstar Nora Aunor testifies at the Senate hearing on MMFF issues.

Nora Aunor on Oro director Alvin Yapan: “Sorry po, talagang sinungaling po sila. Kasi, unang-una, yung sinasabi niya na pinukpok ang aso ng isang beses, hindi po, e. Kasi magaling po na direktor ‘yan si Direk Yapan, e. Talagang susundin niya kung ano ang nasa script, na pinalo ng dos por dos hanggang sa mamatay yung aso, tapos nilaslas yung bituka na nilagay pala sa sako bago pinukpok. Hindi po ako papayag na magsisinungaling siya.”

Ilang linggo na ang nakalilipas mula nang matapos ang 2016 Metro Manila Film Festival (MMFF), ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos ang mga isyung may kinalaman sa taunang film festival.



Isa na rito ang pagtanggal sa Superstar na si Nora Aunor para sa lead role sa official entry na Oro.

Pinalitan siya ni Irma Adlawan, na nanalong Best Actress sa Gabi ng Parangal ng MMFF.

Pangalawa, ang kontrobersiyal na eksena sa pelikulang Oro kung saan aktuwal na pinatay ang isang aso.

Ang dalawang isyung ito ay nakaabot na sa Senado.

Ngayong Martes, January 24, nagpatawag si Senator Tito Sotto ng hearing sa ipinasa nitong Philippine Senate Resolution 257, kung saan inirerekomenda niya sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na magkaroon ng film festival na eksklusibo lamang para sa independent films sa long semestral break.

Tinalakay sa naturang hearing ang mga isyu kaugnay ng Oro.

Halatang galit pa rin si Nora dahil nagratsada ito ng reklamo laban sa producer at direktor ng pelikulang Oro na sina Shandii Bacolod at Alvin Yapan, respectively, na basta na lang daw siyang tinanggal sa pelikula nang wala man lang pasabi pagkatapos niyang mag-shoot ng ilang araw sa Caramoan, Camarines Sur.

Naglitanya ang premyadong aktres ng mga pangyayari.

Nang umuwi sila ng Maynila mula sa ilang araw na shooting sa CamSur, nagkaroon pa raw sila ng pag-uusap ng producer, pero wala man lang daw sinabi sa kanyang papalitan siya.

Paliwanag ng producer na si Shandii Bacolod, nagkaproblema sa schedule at hindi na raw nila mahintay ang availability ni Nora.

Pero ang ipinupunto naman ng aktres, bakit hindi man lang daw siya sinabihan na papalitan na siya.

May pinirmahan naman daw silang kontrata at hindi man lang daw siya nirespeto ng mga ito.

Himutok ng Superstar, “Wala po silang sinasabi sa akin ni ha ni ho, wala po silang ginagawa.

“Hanggang text lang po sila sa akin na ang dahilan, dun sa text ng line producer, ay hindi na raw makatagal sa akin yung direktor kasi hindi na raw ako makamemorya ng linya.

“Tama po ba naman yun? Siguro kong direktor ka, sabihin ko naman na ang haba naman nitong linya, na hindi naman ganun kahaba ang linya ko. Bakit bigla na lang akong alisin?

“Kung yun naman ang kanilang dahilan, na wala naman silang sinasabi sa akin na ibang dahilan, na nalaman ko na lang po sa ibang tao.”

Binanggit din ni Nora na sa Oktubre ay ipagdiriwang na niya ang kanyang 50 years bilang artista, kaya huwag naman daw sana siyang tratuhin nang ganun lang.

DOG KILLING. Muling pumasok sa usapan si Nora nang kinontra niya ang pahayag ni Direk Alvin Yapan na hindi nila pinatay ang aso sa isang eksenang ginawa nila sa Oro.

Pinabulaanan ito ni Nora dahil nabasa raw niya ang script. Nakasaad daw talaga na may papataying aso at kung paano ito papatayin.

Tinawag pa niyang “sinungaling” si Direk Alvin.

Pahayag ni Nora sa Senado, “Unang-una po, sinungaling po talaga siya.

“Sorry po, talagang sinungaling po sila.

“Kasi, unang-una, yung sinasabi niya na pinukpok ang aso ng isang beses, hindi po, e.

“Kasi magaling po na direktor ‘yan si Direk Yapan, e.

“Talagang susundin niya kung ano ang nasa script, na pinalo ng dos por dos hanggang sa mamatay yung aso, tapos nilaslas yung bituka na nilagay pala sa sako bago pinukpok.

“Hindi po ako papayag na magsisinungaling siya.”

Ayon naman kay Direk Alvin, hindi niya alam kung saan nanggaling yung dos por dos na sinasabi ni Nora dahil wala naman daw iyon sa script.

Para matapos na ang isyung ito sa Oro, kahit mayroon nang kasong dinidinig sa korte, hiniling ni Senator Grace Poe kay Direk Alvin na humingi ito ng paumanhin sa publiko dahil talagang may namatay na aso sa pelikula.

Ginawa naman ito ng direktor, ngunit ipinagtanggol din niya ang sarili.

Saad niya, “Taus-puso, buong puso na paulit-ulit kami na nagpapaumanhin na ang dami kaming na-offend na mga tao at sensibilidad dahil sa mga eksena na ipinakita namin dito.

“Pero paulit-ulit naming sasabihin na kailangan din po maintindihan kung saan ito nagmumula, na hindi ko po ito ginawa upang manggago.

“Ito po ay isang reaksiyon sa mga nangyayari ngayon bilang creative artist, bilang isang direktor.

“Reaksiyon po ito ngayon sa nangyayari sa lipunan natin kung paano yung araw-araw na pagpatay ng tao hindi na natin iniinda.

“Kung yun pang hayop ang mas may karapatan pa na ipinaglalaban natin minsan.”

Patuloy niya, “Ang pinag-uusapan po dito ay ang karapatan ko na magpahayag ng sarili kong galit.

“Kung ang dami pong nagalit sa ipinakita ko, ito po ay galit on my part sa mga nangyayari sa ating lipunan ngayon.

“Iginagalang ko po ang passion din na ipinapakita ng PAWS at mga dog lovers, na nahihirapan ako sa pagsagot sa social media.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

“Mabuti pa nga po napapag-usapan ito. Huwag naman po na ang pagkatao ko ay nayurakan talaga.”

Binanggit din ni Direk Alvin na sana raw ay magkaroon ng Grievance Committee sa loob ng MMFF, kung saan dito pag-uusapan ang kung anumang problema at hindi na muna ikakalat sa social media.

Doon daw sana mapag-usapan nang mabuti at iresolba bago ito kumalat sa social media.