Ivana Alawi reacts to psychic Rudy Baldwin’s grim prediction

Ivana Alawi: “Walang katotohanan na magkaka-cancer ako.”
ivana alawi endorsement
Ivana Alawi on handling success: “Huwag mong ilagay sa ulo mo, siguro yun. Anuman ang nangyayari or sumisikat ka, ang importante huwag mong ilagay sa ulo mo.”

PHOTO/S: @ivanaalawi on Instagram

Hindi nababahala ang actress-vlogger na si Ivana Alawi tungkol sa masamang hula na tumutukoy umano sa kanya.



Marami ang nag-alala nang magbigay ng prediction niya para sa taong 2025 ang kilalang psychic reader na si Rudy Baldwin sa programang Rated Korina noong nakaraang buwan.

Ayon kay Baldwin, isang sikat na vlogger at aktres ang mamamatay ngayong taon dahil sa sakit na cancer.

Ayon sa manghuhula, ang vlogger-actress ay nagkasakit nang malubha kamakailan. Taliwas daw sa akalang maayos na ang kalagayan nito ay kumalat na raw ang cancer nito sa katawan.

Paglalarawan pa ni Baldwin sa vlogger-actress na tinutukoy niya: “Isa siyang vlogger. Isa rin siyang artista. Maganda. Sexy.

“Dalawa lang silang magkapatid na babae at isang lalaki. Ibang lahi yung papa niya.”

korina sanchez rudy baldwin
Korina Sanchez (left) interviews psychic Rudy Baldwin (right) for Rated Korina. 

Photo/s: Rated Korina YouTube

IS IT IVANA ALAWI?

Dahil sa halos giveaway na clues na ibinigay Baldwin, marami ang humuhulang si Ivana Alawi ang kanyang tinutukoy.

Si Ivana ay kilalang vlogger at aktres.

Pasok din ang “maganda” at “sexy” bilang paglalarawan sa kanya.

Mayroon siyang kapatid na isang babae at isang lalaki.

Ang kanyang pumanaw na ama na si Samier Al-Alawi ay isang Moroccan.

 

Sa thanksgiving party na inihanda ni Ivana para sa media noong March 7, 2025, ay kinuha ang kanyang reaksiyon sa nakababahalang hula ni Rudy Baldwin na, base sa mga clue, ay tumutukoy umano sa kanya.

Inamin ni Ivana na isinugod siya sa ospital noong 2024 dahil sa ascites, isang kumplikasyon na dulot ng polycystic ovary syndrome (PCOS).

Ang ascites, ayon sa John Hopkins Medicine, ay isang kundisyon kung saan napupuno ng fluid ang abdomen.

Dahil dito, sabi ni Iva, naapektuhan pati ang kanyang baga.

Pero sa ngayon daw ay maayos ang kanyang kalusugan sa kabila ng pagkakaroon niya ng trangkaso ilang araw bago ang thanksgiving party niya para sa entertainment press.

Lahad niya: “Okay siya.

“Actually, heto lang nung last week nagkatrangkaso ako kasi sunud-sunod talaga yung trabaho. Pero so far, yun pa lang.

“Much, much better na and tumaba akong very light kasi nga dahil nga sa tubig and all.

“But now, it gets much, much better na.”

Hindi rin daw siya apektado sa hula tungkol sa kanya kaya walang dapat ipag-alala ang mga taong malapit sa kanya.

Saad niya: “Walang katotohanan na magkaka-cancer ako.

“Huwag kayong mag-alala, wala kaming sakit.

“Yung mama ko nga nag-alala dun [sa hula] tapos inaano niya ako.

“Sabi ko, ‘Mama, kalma, walang mangyayari sa atin.’

“Wala namang makakapag-predict kung kailan ka mawawala, and that’s something you should not be scared of.

“Lahat naman tayo darating dun. Ang nakakaalam lang nun ay ang Diyos.”

IVANA ALAWI ON ACCEPTING REJECTIONS

Maganda ang itinatakbo ng career ngayon ni Ivana.

Kagabi, March 9, pumasok si Ivana sa Bahay ni Kuya bilang special houseguest sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.

ivana alawi pbb celeb collab edition
Ivana Alawi enters Bahay Ni Kuya as special houseguest. 

Photo/s: GMA Network

Pero sa kabila ng magagandang kaganapan sa kanyang showbiz career, inamin ni Ivana na dumaan din ang panahong muntik na niyang tuluyang iwan ang showbiz.

“Oo naman, nung nag-i-start ako, nag-quit talaga ako.

“Pero nabigyan ako ng opportunity with Kuya Perry, kinuha niya ako. Pinasok niya ako sa dream network ko, which is ABS CBN.”

Ang “Kuya Perry” na tinutukoy ni Ivana ay ang kanyang talent manager na si Perry Lansigan, na siya ring humahawak sa mga career nina Dingdong Dantes, Jolina Magdangal, Wendell Ramos, Max Collins, Rochelle Pangilinan, at marami pang iba.

 

Pagpapatuloy ni Ivana: “Para siyang hindi para sa akin, mapi-feel mo yun, e.

“Pag try ka nang try tapos lahat rejections, di ba, mag-iisip ka, ‘Ah, change of career na ako, hindi ito para sa akin.’

“It’s painful but the reality is that not everything is meant for you.

“Masakit, pero naging happy naman ako. Nag-aral ako at kung anu-ano ang ginawa ko.

“Tapos dumating naman yung blessing, di ko talaga in-expect na babalik ako.”

Si Ivana ay sumali sa artista search ng GMA-7 na StarStruck Season 6 noong 2015. Pero hindi siya nakaabot sa Top 14.

Noong 2018 ay naging bahagi siya ng ABS-CBN, at ilan sa mga naging proyekto niya ay ang FPJ’s Ang Probinsyano at FPJ’s Batang Quiapo.

IVANA ALAWI ON HANDLING SUCCESS

Ngayon ay kinikilala na si Ivana bilang isa sa pinakasikat na vlogger sa bansa.

Sino pa ang pangarap niyang maka-collab sa ngayon?

“Actually, ang gustung-gusto ko na naka-collab ko lately is si Fyang.

“Kasi tuwang-tuwa ako sa ugali niya and I really wanted to meet her kasi pinapanood ko siya sa PBB.

“Yung hindi pa, tataasaan ko na ang pangarap ko—si Ms. Anne Curtis.”

Bukod sa pagiging sikat na vlogger, stable ang kanyang showbiz career at may mga produkto siyang iniendorso.

Paano hina-handle ni Ivana ang kasikatan at pinapanatili ang kababaan ng loob sa kabila ng tagumpay?

Sagot niya: “Huwag mong ilagay sa ulo mo, siguro yun.

“Anuman ang nangyayari or sumisikat ka, ang importante huwag mong ilagay sa ulo mo.”

Kung maraming natutuwa ay may ilan ding namba-bash na netizens kay Ivana.

Ayon sa actress-vlogger, hindi siya nagpapaapekto sa mga ito. Pero nagre-react daw siya kapag pamilya na niya ang bina-bash.

Saad niya: “Ever since wala akong pakialam sa bashers, deadma.

“Kung gusto nilang mam-bash, siyempre hahanap at hahanap yun, wala kang magagawang perfect para sa kanila.

“Ang iniisip ko ay yung mga nagmamahal sa akin, yun, mas nakakatulong ako.

“Yung mga bashers, wala naman akong paki sa kanila, e.

“Pero pag sa pamilya, oo, sumasagot ako. Pero pag sa sarili ko, wala naman akong comment.

“Pinakamatindi, basta tungkol sa kapatid ko, yun ang ayoko.”