EXCLUSIVE: Alden Richards, magpapa-buff daw para sa mga “matured scenes” nila ni Bea Alonzo



Photos | videos: Melo Balingit & Anna Pingol

Magkakilala na noong araw pa sina Alden Richards at Bea Alonzo, panahon pa daw ng Bea-John Lloyd tandem. Nagka-bonding na sila sa isang party ng isang common friend as in buong magdamag na nagtsikahan sa isang table.

“Actually, Miss Anna, unang kita…unang meet ko palang kay Bea, for some reason click agad, e,” balik-tanaw ni Alden. “’Yon ang feeling ko towards her. Parang kumportable agad ako sa kanya. Ang haba ng usapan namin… parang feeling ko ang tagal na namin magkakilala for some reason.”

Nadagdagan pa ang bonding nila sa Thailand, kung saan nag-shoot sila ng isang TVC for a shampoo brand, in February 2020. Doon, mas naging malalim na raw ang kanilang k’wentuhan.

“Mga ano lang tungkol sa trabaho… s’yempre sa lovelife…tapos mga experiences niya, experiences ko din. Ganu’n kalalim agad. Hindi kami…walang wall, walang awkwardness na parang kailangan pa nang matagal na pagsasama para mawala ’yon. Hindi ko naramdaman ’yon kay Bea.”

Noon pa man ang very vocal na si Alden na isa sa mga dream leading ladies niya si Bea. Hindi lang niya akalain na sa taong ito pala matutupad ang dream niya.

“Actually, when this movie was presented to me and sinabi po na si Bea ’yong makaka-partner ko, hindi na po ako nagdalawang-isip to accept this. Kasi fan ako ni Bea ever since… hindi pa ako artista nanood na ako… alam naman, sinabi ko na ’yon noon. Fan po ako ng mga Star Cinema movies especially Bea and John Lloyd time. Parang wala yata akong na-miss na movie nila. So, parang sobrang surreal na ngayon ’yong idol ko, ka-trabaho ko na. Idol mo dati, ka-partner mo na.”

At kung dati ay sinasabing siya ang next John Lloyd Cruz, eto nga’t ngayon ay leading lady na niya ang dati’y identified lang kay John Lloyd na si Bea.

“Parang isang level up naman po ’yong challenge as well kasi s’yempre bilang artista, bilang mga actor, hindi naman p’wedeng ’yong mga ginagawa mong projects katulad lang ng mga gawa mo dati.

“Parang sasabihin, ’yong pag-arte mo dito parang ’yong acting mo dito and so forth and so on. And sobrang laking pasasalamat ko rin po sa mga opportunities na nabibigay po sa akin especially to be paired with someone like Bea Alonzo. S’yempre hindi biro ’yon. Hindi mo p’wedeng i-take for granted and at the same time hindi mo p’wedeng hindi paghirapan ’yong proyektong gagawin mo especially pag si Bea ’yong ka-partner mo.”

Like Bea, dumaan din si Alden sa usual process ng pagiging artista—struggling to be known, naging teenybopper, naipareha sa iba’t ibang ka-loveteam, hanggang sa umaktor na. In fact, lamang siya kay Bea in a sense dahil mas maaga, kung tutuusin, ang pagkaka-pedestal sa kanya, so to speak. He now has this premium na nakakapamili o ipinipili ng projects na hindi basta-basta.

“Naisip ko rin po ’yon na parang hindi ba masyadong maaga? Parang ten years palang ako sa industry and yet parang ’yong opportunities na dumadating sa akin is medyo sunod-sunod po and sobrang thankful po ako doon.

“Pero inisip ko din po, parang kung hindi pa ngayon kailan pa po siya dadating? Pag matanda na po ako?”

Siya din ang tila laging alas ng GMA or pambato sa mga mahahalagang collaborations sa ibang kumpanya. This time, ang ka-collab ng GMA ay hindi lang isa, kundi dalawang malaking entertainment companies—ang Viva Films ng mga del Rosarios at ang APT Entertainment ng mga Tuvieras.

“Buti nga pinapayagan ako,” mapagkumbabang say ni Alden. “Kaya po siguro ganu’n din po mag-isip si GMA because ’yong nangyari nga po na successful ’yong Hello, Love, Goodbye na una ko pong ginawa with another network and with Kathryn Bernardo.

“Siguro po, in the sense po, doon po sa risk sa collaboration mukhang malaki na po ’yong tiwala sa atin ng GMA and s’yempre ako naman po as an actor very thankful doon sa opportunity na pinapayagan po akong gumawa sa labas… to think na parang s’yempre ang mga network po may sari-sariling exclusivity yan, may mga hindi p’wede at p’wedeng gawin, may mga hanggang dito lang… pero thankful po ako sa…GMA is very supportive with projects na p’wede ko pong gawin with different networks as well.”

Speaking of Hello, Love, Goodbye na isang giant hit, tila nasa balikat tuloy niya ngayon ang pressure dahil he came from an ultra blockbuster project. Pero ani Alden, mas gusto niyang mas pressured siya para mas nakaka-challenge.

“Medyo mas malala po ’yong kaba actually,” pag-amin niya. “Kaba na ’yong pressure po kasi… actually mas gusto ko po ’yon kasi mas napipiga ako. When it comes to doing projects, naibibigay ko ’yong lahat kasi… kesa parang…of course sa ten years ko po, nagkaroon po ako ng project minsan na medyo relaxed lang… parang hindi masyadong required ng pressure. Pero the more na mas nape- pressure po ako, mas nabibigay ko po ’yong sarili ko sa proyekto.

“So, looking forward din po ako talaga kasi ako naman po pag nagbabasa po ako ng script and material ng mga projects actually may feeling po ’yon, e. Parang hindi ko po maipaliwanag kung ano ’yong pakiramdam… parang, ‘Ah maganda ’to.’ Parang ’yon ’yong gutfeel. And ’yong gutfeel ko po sa mga projects, madalas po ’yon ang sinusunod ko. And so far, with this movie po, after reading it…pagka basa ko nga po ng script tinawagan ko po ’yong manager ko tapos umiiyak ako.”

Added pressure din daw kay Alden ’yong fact na this movie with Bea is an adaptation project. And so far, ang desisyon niya ay wag panoorin ang original version—which is a Japanese drama series (Pure Soul)—at maging ang Korean film remake (A Moment to Remember) para hindi umano ma-contaminate ang mind niya sa pag-atake ng role niya bilang asawa ng isang nagsisimulang makalimot dahil sa Alzheimer’s Disease.

“Hindi po sa pinagbabawal sa amin, Miss Anna, parang si Bea and I, we agreed na wag nang panoorin kasi baka magkaroon ng… kasi s’yempre si Bea po may sariling siyang proseso, may sarili din po akong proseso kung pa’no ko po iti-take ang isang role.

“Kasi parang ito po ’yong first remake movie ko, e. And isa sa pinakamahirap pong gawing proyekto is remake kasi may nauna na and ang nangyayari po doon, always there’s comparison pagkatapos gawin at pag napanood na ng marami.

“So, ako po personally parang ayaw ko po siyang panoorin kasi kahit pa sabihing panoorin lang for the sake of mapanood, s’yempre doon po sa hindsight, sasabihin ng utak mo sa’yo, ‘Hindi naman yan ’yong acting doon sa eksenang ’yon, e. Dapat ito, dapat ito ’yong maganda.’

“Baka ma-distract lang po ’yong normal process ko po of acting. Gusto ko siyang gawin base on how I understood the role and as a raw material. Parang bago po siya.”

Maraming firsts para kay Alden sa project na ito kabilang na ang pag-tackle sa role ng may asawa.

“Ito rin po ’yong first project ko na nasa gitna ’yong aspect of marriage. Kasi usually po ’yong mga projects ko before, ’yong kasal sa ending. Ito naman po parang within the movie, sa half nu’n parang magiging mag-asawa po kami [ni Bea] and that’s where the story will start, doon pa talaga ’yong naging journey nu’ng dalawang characters.

“So, eto po, workshop… mga tatlong ulit beses ko na pong binasa ’yong script back and forth para maintindihan ko po 100% ’yong story and of course, since it’s a mature movie, medyo kailangan bumalik tayo sa workout para game na game tayo d’yan.”

Isa rin daw sa nagpapa-excite kay Alden about the project ay ang kaibahan ng ugali ng character niya sa kung ano siya in real life.

“Maaga nag-matured [yong character ko] kasi namatay ’yong tatay, ’yong nanay iniwan sila para sa ibang lalaki ta’s tinaguyod niya mag-isa ’yong kapatid niya tapos masikap etc, etc, etc… pero suplado—’yon ’yong gusto kong aspect. Suplado siya sa una, masungit, sarcastic…”

At dahil tungkol naman sa may early onset ng Alzheimer’s ang pelikula, we asked Alden what top three memories he wanted his mind to retain sakaling madapuan siya ng said affliction?

“S’yempre una po ’yong family ko…’yon ’yong ayaw kong makalimutan, ’yong feelings ko sa bawat isa.

“[Pangalawa], siguro ’yong mga tao rin na na-touch ko ’yong mga buhay. Minsan ’yon ’yong nagpu-push sa akin talaga para laging magtrabaho. Minsan pag may mga times na ayoko na, ayoko nang mag-artista…may mga ganu’ng moments din tayo minsan… pag naaalala ko sila, parang bumabalik ’yong passion ko na mag-stay.

“Then, siguro ’yong mga nagawa ko nalang sa buhay…ayoko rin makalimutan mga achievements, mga failures, mga maling desisyon, mga tamang desisyon… kasi baka pag nawala na lahat ’yon sa akin at hindi ko na maaalala, parang mas okey pang mawala nalang ako kesa magkaroon ng sakit…

“So, ’yon po. Parang ang hirap… after reading the script and ’yong Alzheimer’s, ang sakit-sakit niyang sakit. More than the physical, it’s really the emotional [side], especially sa mag-asawa. ’Yon pa ’yong nawala, ’yong love nakalimutan mo, lahat nakalimutan mo, ’yong taong kalahati mo…so, parang ang hirap ng Alzheimer’s. Kung ako… personal opinion, I’d rather be gone than have that disease kasi mahirap siya, especially sa mga taong nakapaligid sa’yo.”

To view the video version of this interview, please click: