Find out how Vice got his screen name.
Vice Ganda on witnessing his father’s death: “Ang bigat, sobrang bigat po. Hard struggle for me during my early days, kasi bata pa lang ako. Kasi siyempre, di ba, sobrang traumatic, di ba? Yung tatay mo duguan, yung tatay ko dinala namin sa Chinese General Hospital, tapos gano’n, patay, namatay sa paa ko yung tatay ko… Sobrang bigat, pero kasi, ano ako, e, kasi yung problema ko, gusto kong solusyunan agad, ayokong patagalin… Kaya hindi rin gano’n katagal ang healing sa akin.



Sa isang presscon na ginanap para sa pelikulang The Unkabogable Praybeyt Benjamin, naibahagi ni Vice Ganda ang kuwento kung paano siya naging “Vice Ganda.”

Jose Marie Viceral ang tunay na pangalan ni Vice.

Paano naging Vice Ganda?

Kuwento niya, “Kaya po may Vice, kasi dati yung teacher ko, tawag sa akin, sa apelyido ko ay Viceral, kaya naging Vice. Kasi yun yung tawag sa ‘kin ng mga kaklase ko.

“E, nung nagsimula po ako sa comedy bar…nag-aaral na po ako nung nag-comedy bar po ako.

“Tapos yung may-ari ng Punchline, yung mga panahong yun, yung usong pangalan, yung maiksi—tulad ng Anton Diva, Inday Garutay, Rey Kilay. Parang may kasunod.

“So, sabi niya, ‘Anong pangalan mo?’

“Sabi ko, ‘Wala din po akong maisip.’

“Tapos nung mga panahong yun, nung nasa labas kami ng bar, kausap ko yung may-ari, yung mga galing sa loob nagpapa-picture, ang address sa akin, ‘Ganda, pa-picture naman tayo!’ ‘Uy, Ganda, ang galing mo kanina!’

“Di ba, yung bakla, pag hindi mo alam yung pangalan, Ganda?”

“E, sabi nung may-ari, ‘A, yun ang pangalan mo—Vice Ganda!’

“Sabi ko, ‘O sige, para pangalan pa lang, alam mo nang joke—Vice Ganda!’

“Kaya do’n po nagsimula ang Vice Ganda.”

GETTING OUT OF THE CLOSET. Naitanong din kay Vice Ganda kung ilang taon siya nang nag-open up siya na bakla pala siya.

Aniya, “Wala po talagang pormal na, ‘O, eto out na!’

“Unti-unti na lang nilang naramdaman.

“Although, nararamdaman na nila, lahat sila in denial, e, hindi ko naman sila masisisi, kasi maski ako in denial.”

Na-frustrate ba ang tatay niya nung nalamang tatlo silang magkakapatid na bakla?

“Sobra, sobra,” mabilis na tugon ng Showtime judge.

Sabay bawi, “E, sa akin po, hindi, kasi namatay siyang hindi naman niya alam na bakla ako, hindi ko naman inamin.

“Ako na lang kasi yung last hope niya, na pinagmamalaki niya ako sa mga kumpare niya.

“Kaya ang taas ng pressure sa akin, kasi bakla ako, pero, ‘Eto yung bunso ko, eto si Totoy, eto ang magtataguyod ng pamilya ko, yung magtutuloy ng pangalan ko, magiging MVP ito sa UAAP!’

“‘O, talaga?’ Yung gano’n. Kaya umasa talaga siya.

“Kaya gano’n na lang kasakit sa dibdib ko, nung namatay siya na pinapaasa ko siya, yung gano’n.”

HIS FATHER’S DEATH. Ano ba ang ikinamatay ng tatay niya?

“Pinatay po, binaril po siya. Meron siya kaalitan, pinatay siya sa harapan namin,” pagsisiwalat ni Vice.

Sa di sinasadya, ganito ang sumunod na tanong ng press: Kumusta naman yung experience?

Pabirong sinambit ni Vice, “Masaya naman yung experience!”

Pati mga taga-press ay napatawa sa sagot na dala lang ng katanungan.

Paliwanag niya, “Ang bigat, sobrang bigat po. Hard struggle for me during my early days, kasi bata pa lang ako.

“Kasi siyempre, di ba, sobrang traumatic, di ba?

“Yung tatay mo duguan, yung tatay ko dinala namin sa Chinese General Hospital, tapos gano’n, patay, namatay sa paa ko yung tatay ko…

“Sobrang bigat, pero kasi, ano ako, e, kasi yung problema ko, gusto kong solusyunan agad, ayokong patagalin…

“Kaya hindi rin gano’n katagal ang healing sa akin.

“Pero ngayon nga, nakikita ko yung pumatay sa tatay ko, okay na lang, binabati ko siya pati yung mga anak niya.”