Kim Chiu: “Sabi nila, ‘Kim, alis na kami! Hahaha!”

Kim Chiu says she had closure with her two ex-boyfriends Gerald Anderson and Xian Lim
Kim Chiu says she had closure with ex-boyfriends Xian Lim and Gerald Anderson.



PHOTO/S: @starmagicphils Instagram

Hindi naranasan ni Kim Chiu, 34, ang ghosting.

Ito ang sinabi ng aktres nang tanungin sa presscon ng pelikulang My Love Will Make You Disappear noong February 19, 2025.

“Hindi kasi ako na-ghosting. Nagpaalam naman sila nang maayos!” natatawang sagot ni Kim.

Inaasar kasi si Kim ng co-star na si Wilma Doesnt na “Okay lang iyan, girl.”

Okay lang ma-ghosting dahil, base sa personal na karanasan ni Wilma, kung hindi raw siya na-ghost ng dalawa niyang ex-boyfriend ay hindi nito makikilala ang kanyang “last love.”

Pero nilinaw ni Kim na may closure siya sa mga dating nakarelasyon.

Nagbibirong hirit ni Kim, “Sabi nila, ‘Kim, alis na kami! Hahaha!”

Sabi naman ni Wilma, “Buti nga sa yo nagpaalam. Sa akin, the end.”

“Nagpaalam naman sila,” ulit ni Kim.

Hindi pinangalanan ni Kim, pero hindi kaila sa publiko na ang mga nakarelasyon niya ay ang mga aktor na sina Xian Lim at Gerald Anderson.

Naging magkasintahan sina Kim at Xian mula 2012-2023; habang sina Kim at Gerald ay mula 2006 to 2010.

Naniniwala naman daw si Kim na “rejection is redirection.”

Panunukso sa kanya, “Redirection to?”

Nagmuwestra si Kim na waring magtuturo kung kanino siya mare-redirect, pero hindi niya itinuloy na itinuro ang leading man na si Paulo Avelino kundi tumuro ang dalaga sa ibang direksiyon.

KIM CHIU ON NOT GIVING UP ON LOVE

Sumunod na tanong kay Kim ay kung bakit hindi dapat sumuko sa pag-ibig.

Sinagot muna ni Kim ang komento ng vlogger na nagtanong na “very experienced” na siya sa pag-ibig.

“Grabe naman yung ‘sobrang experienced na,’ ilan lang naman dyowa ko, dalawa lang sila. Wooo! Walang comparison!” paglilinaw ni Kim.

Paliwanag niya: “Kasi love naman ay isang bagay na nararamdaman natin. Di siya nabibili.

“Kahit sobrang trabaho mo, kahit sobrang mabait kang tao, di naman siya kusang binibigay. Ine-experience siya.

“Tsaka part siya ng pagkatao natin.

“Pag nagmahal tayo, masaya tayo, pag nagmahal tayo malungkot tayo.

“Madami binibigay sa ating ating emotions that make us human.

“Hindi lang dapat sukuan ang love. Wag mag-close ng doors.

“Dahil di man siya dumating ngayon, malay niyo bukas, or malay niyo katabi niyo lang. Charot!”

Katabi noong oras na iyon ang leading man na si Paulo.

LESSON ON LOVE

May isang punto ng presscon na nagbahagi si Kim ng kanyang pananaw tungkol sa hangganan niya pagdating sa pag-ibig.

Payo ni Kim: “Siyempre pag niloko ka, mag-disappear ka na.

“Kasi, ano? Tatanga-tanga ka na lang? Di ba?

“Pag niloko ka, iwan mo na. Kasi prioritize yourself. Self-love muna.

“Sabi nga nila, kung di mo mahal ang sarili mo, hahayaan mo lang na paulit-ulit kang sinasaktan.”