Gretchen at Marjorie Barretto, nagkumprontahan sa burol ng kanilang ama?

Pangulong Rodrigo Duterte, nasaksihan ang mala-teleseryeng kumprontasyon ng mga Barretto sa burol?
Usap-usapan ngayon ang kumprontasyon diumano ng magkapatid na sina Gretchen (kaliwa) at Marjorie Barretto sa mismong burol ng kanilang ama na si Miguel Barretto sa Heritage Memorial Park Miyerkules ng gabi, October 16.



PHOTO/S: Instagram

#TheBarrettoFamilyFeud

GORGY RULA

Sandali lang na pinag-usapan ang tungkol sa pagdalaw ni Gretchen Barretto sa burol ng kanyang amang si Miguel Barretto sa Heritage Memorial Park, Taguig City, nitong Oktubre 16, Miyerkules ng gabi.

Tinabunan agad ito ng isang kuwentong nangyari sa burol.

Eto lang ang nasagap na kuwento ng PEP Troika, at bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa sagot ng mga taong sangkot sa kuwentong ito.

Ayon sa aming nakalap na kuwento, kaagad daw nag-react si Marjorie Barretto nang sinabi ni Claudine Barretto na darating ang kapatid nilang si Gretchen sa burol ng kanilang ama.

May mga sinasabi raw na bakit pa ito pupunta pagkatapos ng ginawa ni Gretchen sa pamilya nila.

May sinabi rin daw si Marjorie na sinira ni Gretchen ang buhay ng mga anak niya.

Noong dumating si Gretchen, tamang-tama na nandoon din si President Rodrigo Duterte.

Sabi ng isang napagtanungan namin, nagwawala na raw si Marjorie sa kanilang family room, lalo na’t nagyakap na ang mag-inang Gretchen at Mommy Inday.

Dagdag pang kuwentong nasagap namin, lumapit pa raw si President Duterte kina Marjorie para kausapin sana ito at pag-ayusin silang magkakapatid.

Pero bago pa raw nakatabi si President Duterte sa kanya, umalis na raw si Marjorie at umiwas na ito.

Ilang sandali lang, lumapit daw ang pamangkin ni Gretchen na Nicole ang pangalan at sasampalin daw sana ang aktres.

Pero napigilan daw ni Gretchen at inawat agad sila.

Bago raw nailayo itong Nicole sa tiyahin niya, nahablot daw ni Gretchen ang buhok nito, kaya lalong lumala ang gulo.

Mabuti at nandoon pa ang Pangulo ng bansa, at naawat na raw ng PSG ang mga nag-aaway na magkakapamilya.

Meron pang dagdag na kuwentong sumigaw na raw si Julia Barretto, anak ni Marjorie, pero hindi lang ganun ka-sure ang source kung ano ang sinabi nito.

Ang isa pang nakarating na kuwento sa amin, sumigaw daw ang isa pang anak ni Marjorie na si Leon na igalang man lang daw sana ang lolo niyang pinaglalamayan pa.

May ilan pang dagdag na kuwento na may konek kay Gretchen at ang pamangkin niyang si Nicole, pero mahirap pa itong pag-usapan sa ngayon.

Si Nicole ay anak ng kapatid ni Gretchen na si Jay-jay.

May isa pang kuwentong mayroon daw isang miyembro ng pamilya na may dalang baril at hindi raw ito nalaman ng PSG na nakabantay roon.

Ewan ko lang kung totoo yun, dahil galit din daw kay Gretchen ang kamag-anak na may hawak ng baril.

Ini-screen kasi nang husto ng mga PSG ang mga dumarating sa burol dahil nandoon nga ang Pangulo, kaya mahigpit talaga.

So far, yun pa lang muna ang maibahagi ng PEP Troika na mala-teleseryeng kuwento ng pamilya Barretto.

Abangan na lang natin kung sino ang unang magsasalita kaugnay sa insidenteng ito.

Nakakalungkot.

Pagkakataon na sana iyon para magkaayus-ayos sila, magdamayan sa pagdadalamhati, at ilibing na ang kanilang hidwaan.

Masyadong malalim ang sugat sa kani-kanyang puso, kaya hindi pa nila magawang magpatawad.

Dalangin natin na mag-truce muna sila alang-alang sa pagpanaw ng Barretto patriarch.

Nakakalungkot na ang opportunity ng pagbubuklod ng pamilya ay naisantabi sa burol na ito.

At hindi riyan natatapos ang kuwento.

Nasa balita ngayon ang pagsemplang ng motor na sinakyan ng Presidente natin.

Buti na lang, ligtas na siya, at gasgas lang ang natamo.

Marahil, nangyari ito pagkatapos ng madramang tagpo sa Heritage Memorial Park at sa pagpag niya.