David Licauco on possible romance with Barbie Forteza: “What if?”

David stresses that he respects Barbie’s relationship with Jak Roberto.
David Licauco and Barbie Forteza
David Licauco on leaving a bad impression on Barbie Forteza on their first encounter: “Nakukuwento niya lang nun sa kin nung shoot namin, siguro three weeks ago. Parang tinanong ko sa kanya na, ‘Ba’t mo ba ko hate dati?’ Sabi niya kasi lagi daw akong late… First sentence ko sa kanya, ‘Uy, Barbie ,breadwinner ka ba?’ Ang labo ko rin naman talaga.”

Napaamin si David Licauco, 29, na sumagi sa isip niya kung “what if” naging magkasintahan sila ni Barbie Forteza, 25, sa tunay na buhay.



Nang sumalang siya sa lie-detector test sa vlog ni Bea Alonzo, ang unang sagot ni David ay mabilis na “No.”

Pero kinontra ito ng lie detector at sinabing nagsisinungaling si David.

Natawa si Bea at saka sinabi kay David na siya man ay napaisip sa patok na love team nila noon ng perennial leading leading man na si John Lloyd Cruz.

Ayon kay Bea, hindi talaga naging sila ni John Lloyd, pero naisip daw niya kung ano nga kaya kung naging sila dahil marami ang bumubuyo na sana maging sila.

Dito na napasang-ayon si David.

“Siyempre I respect yung relationship nila and all that,” saad ni David, na ang tinutukoy ay ang pagkakaroon ni Barbie ng nobyo, si Jak Roberto, sa tunay na buhay.

Sabay sabi ni David, “Pero, like, totoo naman. What if?”

Agad namang sinabi ni Bea na hindi ibig sabihin na naisip iyon ni David ay aaksyunan niya ito—bagay na sinang-ayunan din ni David.

ON FRIENDSHIP WITH JAK ROBERTO

Nang tanungin kung tingin niya ay pinagselosan siya ni Jak, ang sagot ni David ay mabilis na “No.”

Sabi niya tungkol kay Jak, “We’re friends. Artista rin kasi siya so I think he knows all the ins and outs of this industry.”

Dagdag ni David, “I think si Barbie di rin naman siya nagkukulang sa assurance. Knowing Barbie, she’s a good person. I think she’s a good partner also.”

Aminado rin si David na napi-pressure siya pag sinasabihan sila ni Barbie na sana ay maging sila na lang.

Ang tanging siniguro niya ay naniniwala siyang siya ang “best leading man” ni Barbie.

“I’m not saying di nag-click yung dati [na love teams ni Barbie]. Sinasabi rin naman niya na eto yung love team na marami talagang sumuporta.”

ON BARBIE DISLIKING HIM BEFORE

Naikuwento rin ni David kay Bea na dati ay hindi siya gusto ni Barbie.

Bago naging love team sina David at Barbie sa hit Kapuso prime-time series na Maria Clara at Ibarra, nagkatrabaho na sila sa teleseryeng Mano Po Legacy: The Family Fortune.

Ayon kay David, siya ang tinukoy noon ni Barbie na co-star na hindi nito kasundo nang mag-guest ang Kapuso actress sa vlog ni Bea.

“Nakukuwento niya lang nun sa kin nung shoot namin, siguro three weeks ago,” ani David.

“Parang tinanong ko sa kanya na, ‘Ba’t mo ba ko hate dati?’ Sabi niya, kasi lagi daw akong late tapos di daw ako nagso-sorry, ganon. Yon.

“Tapos kinuwento ko sa kanya kung bakit ako nale-late.”

Jericho Rosales on Janine: “We really like each other a lot.” | PEP Interviews

Ipinaliwanag daw ni David kay Barbie na hirap siya sa health condition niya na sleep apnea.

“Basically, my breathing stops for, like, mga 30 seconds straight, 24 times in an hour. So all throughout the night, hirap ako, e.

“So, stressed ako. So, paggising ko ng umaga, I’m stressed also. So I have to work out, I have to meditate and all that stuff for me to be normal.”

DAVID’S CONVERSATION STARTER WITH BARBIE

Inamin din ng aktor na may isa pang kinainisan daw sa kanya si Barbie noong pinakaunang beses na nagkausap sila.

“Ako kasi medyo mahiyain to approach, especially pag nasa taping. Parang di ko alam, ‘Ano kaya sasabihin ko dito?’

“So, I was overthinking stuff. Na-realize ko weird naman talaga yung sinabi ko sa kanya.

“First sentence ko sa kanya, ‘Uy, Barbie, breadwinner ka ba?’ Ang labo ko rin naman talaga!” natatawang lahad ni David.

Posible raw na narinig niya ang impormasyong iyon tungkol kay Barbie. Sa isip daw ni David, “Wow, galing naman niya! Paano siya naging ganun?”

Pero naging mali raw ang delivery niya lalo pa’t hindi pa sila close noon.

“Yun yung conversation starter ko. Like, siguro late din ako that day,” sabi pa ni David.

Ngayon ay “stronger than ever” na raw ang pagiging magkaibigan nila ng dalaga.