Nadine Lustre mapait ang pinagdaanan kay James



Bagama’t patuloy na nananahimik si Nadine Lustre at hindi sumasawsaw sa mga negatibong isyu laban sa kanyang ex-boyfriend na si James Reid at Issa Pressman, marami raw itong pinagdaanang masasakit sa piling ng aktor na dati nitong ka-love team.

Nakaranas din pala ng ghosting si Nadine Lustre mula kay James Reid bukod pa sa maraming hirap umanong pinagdaanan ang aktres noong magkarelasyon pa sila.

Naglabasan ang lahat ng ito matapos ang hindi direktang pag-amin nina James at Issa Pressman sa kanilang relasyon.

Ikinuwento ito ni Cristy Fermin at Rommel Chika ng Cristy FerMinute nitong Lunes, March 20.

“Noon puro kayo denial pero ngayon malinaw sa ilog at sa tubig ng batis na talagang ginhosting ni James si Nadine,” banggit ni Cristy base sa mga reklamo ng JaDine fans.

Kaya umano itinapon na ng JaDine fans si James at solid Nadine Lustre fans na lamang sila ngayon. Ang JaDine fans umano ay may 230K miyembro at ibinasura ng mga ito si James.

Panay umano ang deny nina James, Issa at maging ng sister nitong si Yassi Pressman pero lumalabas umano na noon pa pala ay sila na. Alam umano ito ni Nadine at ipinagkibit balikat na lamang.

“Kahit maligaya na si Nadine sa kanyang boyfriend na si French businessman Christopher Bariou meron pa rin itong sakit ng loob na nakabinbin sa kanyang puso na alam na pala niya ang nagaganap noon na pinaiikutan na pala siya. Magkakaibigan na naturingan pero meron na palang anacondahan ito, ahasan, malaking ahasan,” komento ni Cristy.

“Siya pala ay nilulunok na nang buung-buo ng kanyang boyfriend na si James Red pati ni Issa,” dagdag pa ni Cristy.

Sabi naman ni Rommel na dumaan ang panahong may lutang moment si Nadine. Dati umano ay naba-bash na ito dahil tila nawawala sa sarili. Posibleng ito umano ay dahil sa mga ginawa sa kanya nina James at Issa na sinarili na lamang nito.

“Alam mo may nagkuwento sa akin tumawag ang isang kaibigan ko na taga showbiz. Alam mo ba ang ginagawa ni James Reid kay Nadine pagka lumalabas siya nagba-bar, siguro kasama itong si Issa, mga barkada nila, alam mo kung ano ang ginagawa ni James kay Nadine: “You stay home tatawag ako thru your landline.”

Ito umano ay para matiyak ni James na habang nasa bar siya ay nasa bahay lamang si Nadine at hindi siya nasusundan.

“Minamanipula niya si Nadine dati,” sabi naman ni Rommel.

Hindi na umano kataka-taka na maganda ang takbo ng career at lovelife ngayon ni Nadine dahil sa naranasan nitong kaapihan kaya umaani ito ng maraming blessing at good karma.