Carmina Villarroel, may nadiskubre sa asawang si Zoren Legaspi

May isang mahalagang bagay na nalaman si Carmina Villarroel tungkol sa kanyang asawa na si Zoren Legaspi. Alamin DITO:

Taong 2012 nang ikasal ang celebrity couple na sina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi sa isang star-studded at surprise wedding na inihanda ni Zoren. Pero kahit matagal na silang magkarelasyon bago ikasal, may isang bagay pa na nadiskubre si Carmina patungkol sa kanyang asawa.



Sa episode 9 ng podcast nina Carmina, Candy Pangilinan, Janice De Belen, at Gelli De Belen na Wala pa kaming Title na “What’s in a name?,” isang nakatutuwang rebelasyon ang ikinuwento ni Carmina patungkol sa pangalan ng kanyang mister na si Zoren.

Kuwento niya, “Si Cassandra, sinunod ko sa akin, Maria Cassandra, tapos si Maverick naman Peter, si Zoren kasi Peter Zoren, so sabi ko gusto ko sana isunod din sa pangalan ni Zoren tsaka at least may apostle Zoren, ganyan, ganyan.

“Okay so ginawa kong Maverick Peter, Maverick naman kasi nga forever gusto ko si Top Gun.”

Pero hindi akalain ni Carmina na mali pala ang iniisip niyang buong pangalan ng asawa nang makausap niya ang kanyang mother-in-law.

Aniya, “Less than ten years ago, kausap ko si Momsy, mother-in-law ko. Sabi ko, ‘Momsy, bakit po ano, Peter Zoren ‘yung naipangalan niyo kay Zoren?’”

“So nagkuwento siya sabi niya, ‘Actually ‘yung Peter wala naman talaga siyang Peter, gusto ko lang maging Peter siya,’” dagdag niya. “True enough noong nag-re-renew si Zoren, all this time ha, akala ni Zoren, Peter Zoren siya, so lisensiya niya, credit card niya, lahat Peter Zoren.”

“Sabi ni Zoren, ‘Ma, wala nga akong Peter, all my life akala ko may Peter.’ So si Zoren walang Peter so si Maverick na lang ang naiwang Peter,” dagdag pa ni Carmina.

Samantala, napapanood naman ngayon si Zoren bilang si Cesar sa pinag-uusapang drama sa hapon na Apoy Sa Langit, habang aabangan naman ang bagong proyekto ni Carmina sa GMA na Abot Kamay Na Pangarap kasama sina Jillian Ward, Richard Yap, at ang nagbabalik Kapuso na si Dominic Ochoa.