Vice Ganda hindi nakaranas ng murahan, talakan, batuhan kay Direk Jun Lana



Isa sa inaasahang papatok sa takilya ngayong Metro Manila Film Festival 2024 ay ang pelikula ni Vice Ganda, na dinirek ni Jun Lana.

Yes, ang ‘The Breadwinner Is’ nga raw ang puwedeng ipantapat sa tagumpay ng ‘Rewind’ nina Marian Rivera, Dingdong Dantes noong nakaraang taon.

Pero siyempre, hindi mo rin puwedeng ikaila, na super lakas din ng appeal sa takilya ng ibang mga pelikulang kalahok sa MMFF.

Aba, sure ako na hindi magpapakabog ang mga pelikula, mga artista, na tulad ng ‘Espantaho’ nina Judy Ann Santos, Lorna Tolentino, ‘The Kingdom’ nina Vic Sotto, Piolo Pascual, Cristine Reyes, ‘Green Bones’ nina Dennis Trillo, Ruru Madrid, ‘Strange Frequencies: Haunted Hospital’ nina Jane de Leon, Enrique Gil, ‘Isang Himala: Musikal’ ni Aicelle Santos (na sabi ay may special participation si Nora Aunor?).

Nandiyan pa ang mga pelikulang ‘My Future You’ nina Francine Diaz, Seth Fedelin, ‘Uninvited’ nina Vilma Santos, Aga Muhlach, Nadine Lustre, ‘Topakk’ nina Arjo Atayde, Julia Montes, ‘Hold Me Close’ nina Carlo Aquino, Julia Barretto.

Oh, di ba? Wala kang itulak, kaibigan, na hahangarin mo talagang panoorin ang lahat ng mga pelikulang `yan. Sabi nga, pinaghirapan talaga, at bagay na bagayo sa ika-50 taon ng MMFF.

Anyway, sa chikahan kay Vice Ganda, inamin niyang nanibago siya sa paggawa ng pelikula na kasama ang mga taong hindi pa niya nakakatrabaho noon.

“Napakasaya na makatrabaho sila (IdeaFirst Company). Sinasabi ko nga, at pinagmamalaki ko sa ABS-CBN na ito ang pelikula ko na pinaka-mapayapa mula simula hanggang dulo.

“Walang nag-aaway, walang nagagalit, walang nagmumura, walang sumisigaw, walang nagbabato ng upuan. Masaya lang lagi.

“Sobrang galing ng grupo nila. Sobrang professional. Sobrang loving. Sobrang supportive.

“That’s what I felt, I was given so much love and support. And I needed that, at that time. Kasi siyempre, bago ito, eh. Bagong dama, bagong gawa. Parang it’s familiar, but it’s different.

“Hindi ko siya comfort zone, pero sobra ang pinaramdam nila sa akin na pagmamahal. At mukha namang naitawid ko! Hahahaha!” sabi ni Vice Ganda.

“Tawid na tawid!” sagot naman ni Direk Jun.

At siyempre, nangako si Vice Ganda na mas sisipagan niya ngayon ang pagpu-promote ng pelikula, o ng Metro Manila Film Festival mismo.

“Yes! Yes! Kasi parang obligasyon ko `yon para sa sarili ko, para sa pelikula ko, at para sa Metro Manila Film Festival. Kasi sumasali ako, so pag sumasali ako, I made sure, na sa mga nakaraang taon, na makikiramay ako, na karamay nila ako samga gusto nilang i-achieve.

“Na kaisa ako ng Metro Manila Film Fest, na hindi naman sa pagmamalaki, siguro hindi ako masisilipan ng MMFF na hindi ako tumulong sa kanila sa pagpu-promote sa kanila, hindi lang ng pelikula ko.

“Katunayan, may sarili akong pang-float sa bawat munisipyo. Lalo na noong pandemya, na ni hindi alam ng mga tao na may festival na magaganap sa Pasko, kaya ako mismo, kailangan kong tumulong, kailangan kong gumalaw, kasi kung hindi ikalulubog ko rin naman `yon, at ng festival na kasali ako.

“So kung ano ang ginagawa ko noon, baka dagdagan ko pa ngayon. Katulad ng pelikula ko, familiar efforts, but different atake!” seryeong sabi ni Vice.

Well, sa totoo lang, mas exciting ang MMFF ngayon, dahil lahat ng pelikulang kasali, may kanya-kanyang appeal sa mga faney, ha!

At sana nga, dasal naming lahat, na mas marami pang manood ng MMFF ngayong 2024. Na sana nga, bumalik na talaga ang sigla sa pelikulang Pilipino.

Na sa nga, hindi lang isang pelikula ang tumiba sa takilya, kundi lahat ng pelikula, para mas ganahan ang lahat ng prodyuser na gumawa pa ng mas maraming pelikula.

Sana nga… (Dondon Sermino)