Vice Ganda, Billy Crawford pinagbati ni Coleen Garcia



Ikinuwento ni Vice Ganda kung paano sila muling nag-usap ni Billy Crawford.

Nakita raw ni Vice si Coleen Garcia sa isang lugar at binati ang dating TV host.

Nakiusap daw sa kanya si Coleen na magbati na sila ni Billy.

“Story time kung paano kami nagkita ni Billy. Si Coleen ang nakita ko, sabi ko, ‘Hi Coleen, bye. Tas sabi niya, ‘Magbati na kayo please’ tapos nung nakita ko si Billy hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Sabi niya, ‘Sige na please’,” kuwento ni Vice sa “It’s Showtime” kung saan dumating ang mag-asawa kasama ang kanilang anak na si Amari.

Paano raw makaka-“hindi” si Vice kay Coleen kung nakita niya ang sincerity ng pakiusap nito sa kanya.

“Paano ka mag-no no kay Coleen, tapos ‘yung mukha niya ang sincere. Tapos alam niya kung gaano kahalaga ‘yung relationship namin ni Billy, nasaksihan niya,” ani Vice.

Saad naman ni Coleen, pinaliwanagan niya si Billy na parehas lang silang nasaktan dahil mahal nila ang isa’t isa.

“Pareho kayong nasaktan. ‘Yun ‘yung sinasabi ko kay Billy. Sabi niya, ‘Eh sinaktan niya ako eh.’ Sabi ko, ‘Eh kasi you’re also in pain so lahat ng nasasabi n’yo, nagagawa n’yo its all coming from a place of pain. You have to understand din na minsan may nagagawa tayo, may nasasabi tayo because nasasaktan din tayo. It’s not because masama ‘yung iniisip mo tungkol sa isang tao pero dahil nga mahal na mahal mo ‘yung isang tao kaya ka nasasaktan’,” wika ni Coleen.

Naramdaman daw ni Vice na perfect ang timing na iyon para sa pagbabati nila ni Billy.

At sa ngayon ay okay na okay na raw sina Vice at Billy.

“It was the perfect time. I felt so good kaya nung naghiwalay kami, text kami agad ni Billy. As in pagsakay ko pa lang ng kotse nagte-text na kami, nagtatawagan na, nagsesendan na kami ng kung anu-anong picture. Ganun agad, parang this is the perfect time ang sarap-sarap sa pakiramdam,” sabi ni Vice. (IS)