What is the truth behind Alfie Anido’s d@@th on Dec. 30, 1981?

Was it suicide or m@@der?
alfie anido death
Former matinee idol and Regal baby Alfie Anido tragically died on December 30, 1981, also the day he turned 22 years old.

Trigger Warning: Suicide

Ngayong araw, December 30, 2022, ang ika-41 anibersaryo ng kamatayan ng matinee idol at original Regal baby na si Alfie Anido.



Si Alfie ay isinilang noong December 30, 1959.

Winakasan umano nito ang sariling buhay sa mismong ika-22 kaarawan niya noong December 30, 1981.

alfie anido matinee idol

Ang pagpanaw ni Alfie ang pinakamalaking balita noong December 31, 1981 dahil bukod sa sikat na artista, nababalot ng misteryo ang kanyang pagpanaw na may pinagsamang sangkap ng showbiz at pulitika.

Si Juan Ponce Enrile ang Defense Minister noon ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang kanyang anak na si Katrina Ponce Enrile ang kasintahan ni Alfie.

katrina ponce enrile juan ponce enrile

Juan Ponce Enrile and daughter Katrina Ponce Enrile

Nang malaman ng publiko na namatay si Alfie, mabilis na kumalat ang balitang namatay umano ang aktor dahil binaril ito ni Jack Enrile, ang nakatatandang kapatid ni Katrina.

jack enrile dad juan ponce enrile

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Juan Ponce Enrile and son Jack Enrile

Diumano, sinaktan at hiniwalayan ni Alfie si Katrina kaya pinuntahan siya ni Jack sa kanyang tahanan sa June Street, Bel-Air Village, Makati City, at binaril bilang paghihiganti.

Nabuo sa isip ng mga tao na totoo ang tsismis na m@@der at hindi suicide ang sanhi ng kamatayan ni Alfie.

JUAN PONCE ENRILE’S ACCOUNT OF WHAT HAPPENED

Pero sa Chapter 11 ng Juan Ponce Enrile: A Memoir, ang autobiography na inilabas ng dating senador noong September 27, 2012, ibinunyag nitong may kinalaman si Fabian Ver, ang Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noon sa tsismis ng pag-uugnay sa kanyang anak na si Jack sa pagkamatay ni Alfie.

Ayon kay Enrile, bilang Defense Minister noon, pinaiimbestigahan niya ang kaso ng diumano’y pagtatangka ni Ver na patayin ang karibal nito sa isang babae kaya pinaghigantihan siya ng dating AFP Chief.

“To create the impression in the mind of the public that Jack had something to do with the d@@th of… Anido, General Ver unleashed his attack dogs to fish for evidence against Jack.

“Naturally they found nothing because the rumor that Jack killed Alfie was a pure fabrication,” lahad ni Enrile sa kanyang memoir tungkol sa kontrobersiyal na kaso ng pagkamatay ni Alfie.

Ikinuwento ni Enrile na magkasama umano sina Katrina at Alfie nang ipagdiwang ng aktor ang ika-22 kaarawan nito sa nirentahang bahay sa Antipolo noong December 30, 1981.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa nang magising si Alfie matapos malasing at nakita nitong nakikipag-usap si Katrina sa ibang mga bisita. Humantong diumano ito sa pananakit ng aktor sa kanyang kasintahan.

Lumaban daw si Katrina at nagdesisyon itong umuwi sa bahay nila sa Dasmariñas Village sa Makati City, pero hinarang umano ni Alfie ang kanyang minamanehong sasakayan.

Para hindi na lumaki ang eksena, sumakay raw si Katrina sa kotse ni Alfie at ito ang naghatid sa kanya sa Makati City.

Nang makauwi si Alfie sa bahay ng kanyang mga magulang sa Bel-Air, tinawagan niya si Katrina sa telepono pero lalong tumindi ang kanilang pagtatalo nang sabihin umano ng kanyang girlfriend ang pagnanais nitong tapusin ang kanilang relasyon.

Pinagbagsakan daw ni Alfie ng telepono si Katrina kaya ito naman ang tumawag, pero ipinagpilitan ng aktor na bumalik sila sa Antipolo. Nang hindi niya makumbinsi si Katrina, muli umano itong pinagbagsakan ni Alfie ng telepono.

Sa ikalawang pagkakataon ng pagtawag ni Katrina kay Alfie sa telepono, ang ina umano ng aktor ang sumagot. Nang puntahan nito sa kuwarto ang anak, saka niya natuklasang nagbaril sa sarili si Alfie.

Sumugod daw agad si Katrina sa Bel-Air.

Ang ama ni Alfie ang sumalubong sa kanya at nag-abot umano ng suicide note na may nakasulat na: “Dad, sorry about this but I can’t take it anymore. Tell Katrina that I love you!”

alfie anido suicide note

THE INVESTIGATION

Ayon kay Enrile, hindi nagkaroon si Katrina ng kopya ng suicide note dahil kinuha ito ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).

“Katrina wanted a copy but she did not succeed in getting one,” sabi ni Enrile.

Isinulat din ng dating senador sa kanyang autobiography ang tungkol sa pagtataka umano ng ama ni Alfie dahil nakisali sa imbestigasyon ng NBI ang Malacañang Palace. Dahil dito, nabuo ang paniniwala ni Enrile na may kinalaman si Ver sa pagdadawit kay Jack sa kaso ng pagkamatay ni Alfie.

Ipinahayag noon ng Makati Police na hindi ipinaalam sa kanila ng pamilya ni Alfie ang malagim na insidente.

Nalaman lamang daw nila ito nang humingi ng tulong ang security guard ng Bel-Air dahil sa mga taong sumugod sa St. Andrews Chapel, ang unang lugar na pinagdalhan sa mga labi ng pumanaw na aktor bago ito inilipat sa Loyola Memorial Chapels sa Guadalupe, Makati City.

Sa imbestigasyong ginawa ng Makati Police, napag-alamang .38 caliber revolver ang ginamit ni Alfie nang barilin nito ang sarili at dead on arrival nang isugod sa ospital.

KATRINA PONCE ENRILE’S BIG REVELATION

Sa exclusive interview ni Wilson Flores ng The Philippine Star kay Katrina noong June 1, 2014, ipinagtapat ng anak ni Enrile na nagpaplano na sila ni Alfie na magpakasal at inalok siya ng aktor ng kasal, isa’t kalahating buwan bago ito nagpakamatay.

Ang pinakamalaking rebelasyon ni Katrina: buntis siya sa magiging anak nila ni Alfie pero nakunan siya sa ikatlong buwan ng kanyang pagdadalantao dahil naapektuhan umano siya nang husto sa masakit na pagkawala ng aktor.

Lahad ni Katrina, “Mother Lily was the first godparent we visited and invited. Alfie brought me to her because he was then a Regal baby, one of her actors. The wedding, a church wedding or probably a civil wedding.

“I suffered a miscarriage in the third month because of all the stress after Alfie’s d@@th. Our family suffered suffered a lot too during that time.

“Alfie never knew that I was pregnant. I also didn’t know yet when he died that I was already pregnant. This is the first time I’m telling anyone outside our family about my pregnancy and miscarriage.”

WHO IS ALFIE ANIDO?

Sumikat si Alfie bilang matinee idol, kasabayan nina Gabby Concepcion at William Martinez, sa bakuran ng Regal Films.

Ipinakilala si Alfie sa pelikulang Nympha, na pinagbidahan ni Alma Moreno, noong 1980.

nympha movie poster

Pinagpistahan din noon ang relasyon nila ni Dina Bonnevie, na nakapareha niya sa mga pelikulang Temptation Island (1980) at Katorse (1980).

alfie anido dina bonnevie love team

Alfie Anido and Dina Bonnevie

Habang nag-aartista ay kinukumpleto rin ni Alfie noong panahong iyon ang kanyang kursong management sa Ateneo de Manila University.

Sa maikling panahon ng kanyang pag-aartista ay nakagawa siya ng labing-apat (14) na pelikula.

Nang mamatay si Alfie, apat na pelikula ang naiwan niya: Throw Away Child, Dormitoryo, Diosa, at The Diary of CG (Cristina Gaston) na ipinalabas sa mga sinehan ilang buwan bago siya namatay.

Hindi natapos ni Alfie ang Diosa, na pinagbidahan ni Lorna Tolentino, kaya gumamit na lang ng double para sa kanyang mga hindi nakumpletong eksena.

diosa movie poster

Inihatid si Alfie — Alfonso Serrano Anido sa tunay na buhay — sa kanyang huling hantungan sa Manila Memorial Park sa Parañaque City noong January 2, 1982.

alfie anido's grave

Ipinagluksa nang todo ng mga tagahanga ni Alfie ang kanyang pagkamatay dahil hindi nila matanggap na nawala ang aktor sa murang edad na 22 at sa isang bayolenteng paraan.

Maraming mga tagahanga ni Alfie ang pumupunta at dumadalaw sa kanyang puntod, hanggang magkaroon ng balitang inilipat ng pamilya Anido ang libingan niya dahil sa vandalism na ginagawa ng obsessed fans.

ALFIE ANIDO’S BROTHER

Hindi natapos kay Alfie ang pagkakaroon ng artista sa kanilang pamilya dahil sinubukan ng kanyang nakababatang kapatid na si Albert Anido na sundan ang yapak niya sa showbiz.

albert anido then and now

Albert Anido then and now

Tulad ni Alfie, si Mother Lily Monteverde ng Regal Films ang nagbigay kay Albert ng break sa showbiz. Kasama sina Gretchen Barretto at Nadia Montenegro, ipinakilala siya sa 1984 youth-oriented movie na 14 Going Steady.

Makalipas ang dalawang taon at pitong pelikula, pinili ni Albert na balikan ang kanyang pribadong buhay kaya hindi na niya napantayan ang popularidad ni Alfie.