Pepsi Paloma, buhay pa rin sa alaala ng publiko 35 taon pagkatapos pumanaw

Sa May 31, 2020 ang 35th death anniversary ni Pepsi Paloma.
Bukas, May 31, ang 35th anniversary ng pagkamatay ng dating sexy star na si Pepsi Paloma. Kinitil ni Pepsi ang sariling buhay sa edad na 18.

Bukas, May 31, 2020, ang ika-35 taong anibersaryo ng pagkamatay ng sexy star na si Pepsi Paloma.

Noong May 31, 1985, winakasan ni Pepsi ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa apartment na inuupahan niya sa 52-D Iriga Street, Sta. Mesa Heights, Quezon City.



Eighteen years old lamang noon si Pepsi.

Tinawag na kaso ng “Stella Strada Syndrome” ang pagpapakamatay ni Pepsi.

Nagbigti rin sa sarili noong December 28, 1984 si Stella Strada, ang top sexy star ng Seiko Films noong early ’80s.

Seventeen years old lang si Stella noon.

Nagkasunud-sunod ang mga kaso ng pagpapatiwakal matapos kitilin ni Stella ang sariling buhay—limang buwan lang ang pagitan sa pagpanaw ng dalawang batang sexy stars—kaya tinawag ito noon ng media na Stella Strada Syndrome.

Stella Strada

“Walang nagmamahal sa akin”—ito ang nakasulat sa suicide note na iniwan ni Stella.

“Hindi ko alam kung itinuturing akong tunay na anak ng nanay ko”—ito naman ang nabasa ng mga imbestigador sa diary ni Pepsi.

PEPSI’S FORMER LEADING Man

Ang former actor na si Gil Guerrero ang isa sa mga kaibigan ni Pepsi na hindi nakakalimot sa kanya.

Si Gil ang nagkuwento sa Cabinet Files nitong Biyernes ng gabi, May 29, tungkol sa pag-umpisa ng showbiz career ni Pepsi.

Then and Now: Gil Guerrero

Sina Pepsi at Gil ay kapwa discoveries ng talent manager at optometrist na si Dr. Rey Dela Cruz.

Pagbabalik-tanaw ni Gil, na 64 anyos na ngayon, “May ginawa kaming pelikula ni Pepsi noong 1981, yung Brown Emmanuelle.

“Ako ang leading man nila ni Myrna Castillo, at si Celso Ad Castillo ang direktor. Love triangle kami nina Myrna at Pepsi.

“Nakasama ko rin si Pepsi sa The Victim [1982], ako ang leading man niya.”

Ayon kay Gil, nadiskubre ni Rey si Pepsi sa Sariling Atin, isang sikat na beerhouse noon sa Quiapo, Manila.

Read more about

Lahad ni Gil, “Si Pepsi, na-discover ni Rey Dela Cruz dahil may nagrekomenda sa kanya. Nakita siya ni Rey sa Sariling Atin.

“Ang tunay na pangalan niya, Delia Smith. Ininterbyu na ni Rey at pinag-picture-picture, naging artista na siya.”

PEPSI’S AGE WHEN SHE BECAME A BOLD STAR

Ang Katorse ang launching movie ni Dina Bonnevie sa Regal Films noong 1980.

Pero sa tunay na buhay, si Pepsi ang totoong katorse ang edad nang magsimula ang career niya sa showbiz.

Kaya neneng-nene ang ugali at mga kilos niya.

Ayon kay Gil, “Talagang childish si Pepsi, siyempre bata.

“Masayahin siya, nakakatuwa, at saka mabait si Pepsi, lalo sa mga kapatid.”

Pero sa likod daw ng pagiging masayahin ni Pepsi ay may malalim na lungkot.

Saad ni Gil, “Malungkot ang buhay ni Pepsi dahil sa nanay niya.

“Ang nanay niya kasi mukhang pera.

“Mahirap lang talaga ang buhay nila sa Santa Rita, Olongapo. Sa bukid ang tirahan nila. Narating ko ang bahay nila, kubo-kubo rin.

“Pero mabait si Pepsi. Talagang tumulong siya sa magulang at saka sa mga kapatid.

“Kaya lang, yung ugali ng nanay niya… Wala na akong balita sa nanay niya, pati sa mga kapatid niya.

“Magaganda rin ang mga kapatid niya.”

Sa kaso naman ni Gil, tinalikuran niya ang showbiz dahil nagpunta siya sa Riyadh, Saudi Arabia, noong 1985.

Doon na rin niya nalaman ang malungkot na balita ng pagpanaw ni Pepsi.

“Nasa Saudi na ako nang mamatay si Pepsi. Ang sabi, nagbigti nga raw.

“E, hindi naman natin alam kung ano ang nangyari sa kanya dahil nakita na lang, nakabigti,” ani Gil.

Nang sumakabilang-buhay si Pepsi, lumabas sa mga pahayagan na gumagamit daw ito ng ipinagbabawal na gamot.

Mariing itinanggi ito ni Gil: “Gumagamit siya ng marijuana, pero drugs, hindi. Marijuana lang talaga.”

Pag-uulit niya, “Pero sa drugs, wala!”

ALLEGED RAPE CASE

Nasaksihan ni Gil ang mga pagsubok na dumating sa buhay ni Pepsi.

Naging driver daw kasi siya ni Pepsi at ng manager nilang si Rey noon.

“Oo, kasama ako. Naging driver ako.

“Pumupunta kami ng Olongapo, ‘tapos uuwi kami ng Maynila. Ako ang nagmamaneho sa kanila.”

Ang isa sa pinakamatinding dagok sa buhay ni Pepsi ay ang sinasabing rape niya na kinasangkutan ng sikat na comedians na sina Vic SottoJoey de Leon, at Richie D’Horsey. Nangyari ito noong July 1982.

May rape case, pero winidraw.

Saad ni Gil, “Hindi ko na kasi alam ang nangyari noon.

“Bigla na lang nawala yung kaso.

“Ako naman, e, nagmamaneho lang, hindi ko alam kung bakit nawala na.”

Ang mga abugado raw noon ni Pepsi ay ang yumaong si Atty. Rene Cayetano at si Atty. Lorna Kapunan.

Si Atty. Cayetano, na naging senador din, ang ama nina House Speaker Alan Peter Cayetano, Senator Pia Cayetano, at Taguig Mayor Lino Cayetano.

Si Atty. Kapunan naman ay kilalang abugado ng mga celebrities. Ilan sa mga naging kliyente niya ay sina James Yap (sa kaso nito laban kay Kris Aquino), Hayden Kho Jr. (sa kaso nito kay Katrina Halili), at Rhian Ramos (sa kaso nito sa dating boyfriend na si DJ Mo Twister).

Ayon kay Gil, “Yung kaso ni Pepsi, nagpunta pa kami kay Juan Ponce Enrile, sa PNP [Philippine National Police].”

Si Enrile, noong panahong iyon, ang defense secretary ni President Ferdinand Marcos.

“After sa PNP, punta kami kay Gus Villanueva sa People’s Journal.

“Pumupunta kami sa mga television show, pumupunta kami sa Balita, kay Mario Cabling, sa mga newspaper office.

“Pero, hindi ko na alam ang nangyari dahil biglang wala na yung kaso.

“Siyempre, abogado sa abogado ang kaso, so closed na.

“Hindi ko alam kung nagkaaregluhan,” saad ni Gil.

Sa panayam kay Senator Tito Sotto ng DZMM noong 2016, at sa report na inilabas ng ABS-CBN News noong August 2018, iginiit nitong gimik lamang ni Rey ang rape case ni Pepsi noong 1982.

“Para ho sa kaalaman ng lahat… gimik ho ni Rey dela Cruz yun. Hindi ho totoo yung sinasabi.

“Pinagtangkaan nilang magkaso kasi tinira sila ng libel nina Vic at Joey.

“Idinemanda sila ng libel kaya pinagtangkaan nilang balikan ng kaso,” pahayag ni Sotto, na siyang “T” sa pamosong grupong TVJ—Tito Vic and Joey.

Hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na tuldok sa rape case ni Pepsi.

ERNIE GARCIA ON PEPSI PALOMA

Tinanong din ng Cabinet Files ang aktor at former male sex symbol na si Ernie Garcia tungkol sa mga natatandaan niyang ugali ng pumanaw na sexy star.

Nakatrabaho ni Ernie si Pepsi sa mga pelikulang Virgin People (1984) at Snake Sisters (1984).

Paglalarawan ni Ernie, “Pepsi was a regular innocent girl, but was thrown in the jungle of bold and even bolder film as it was the experimental films.

“She’s an ordinary teenager having crushes, especially when we got together again in Snake Sisters.

“She must be 15 to 16 that time.

“She was a sweet girl but very troubled, as she said people close to her could not care for her but what she makes.

“She was very lonely as she longed for love just like every girl her age, so it didn’t come as a surprise when she committed suicide.

“It was sad.”

Pepsi Paloma and Ernie Garcia in Snake Sisters

VETERAN REPORTERS MARIO AND LHAR REMEMBER PEPSI

Nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga TV reporters na sina Mario Dumaual ng ABS-CBN at Lhar Santiago ng GMA-7 na makilala nang personal si Pepsi noong nagsisimula pa lamang ang kanilang mga career sa entertainment industry.

“Soft spoken, magalang, small sexy frame, pero maganda” ang description ni Mario kay Pepsi.

Nainterbyu ni Mario si Pepsi noong nagsusulat pa ang TV Patrol reporter para sa Times Journal, noong mayroong Manila International Film Festival, January 1983.

Pagbabalik-tanaw ni Mario, “Malakas ang brilyo ni Pepsi.

“Sunud-sunuran siya kay Rey Dela Cruz. At home siya sa optical shop ni Rey.

“At that time, nagtatawanan kami sa Softdrink Beauties, magandang gimik daw.

“Very promising actually si Pepsi.”

Sina Pepsi, Coca Nicolas, at Sarsi Emmanuelle ang “Softdrink Beauties” na tinutukoy ni Mario.

Kilala ang manager nilang si Rey Dela Cruz sa paggawa ng gimik para mapag-usapan at umingay ang pangalan ng kanyang mga alaga.

Gaya ni Mario, madalas si Lhar sa optical shop ni Rey sa Quiapo dahil dito ang tambayan ng Softdrink Beauties at ng ibang mga artistang bini-build up ni Rey.

Lahad ni Lhar, “Nagsisimula pa lang ako noon na writer, palagi akong ipinatatawag ni Rey, kaya pati si Gil Guerrero, kilala ko, kaibigan ko.

“May tirahan si Rey sa second floor ng clinic niya sa Quiapo.

“Ipini-pictorial niya doon sina Pepsi, Coca Nicolas, Sarsi Emmanuelle, mga sikat na sila noon.

“Si Rey kasi, magimik.

“Pero parang balewala kay Pepsi ang mga sexy pictorial.

“Wala siyang malisya, saka malambing siya kay Rey.”

Noong 1999 ay pinatay si Rey sa Quiapo, Maynila. Hindi pa nareresolba ang murder case niya hanggang ngayon.

PEPSI IN THE EYES OF THE NEW GENERATION

Hindi pa rin nakakalimutan ng publiko si Pepsi.

Hanggang ngayon, nagpapakita ng kakaibang interes ang publiko sa kuwento ng kanyang buhay.

Nitong mga nakalipas na araw at hanggang sa kasalukuyan, nakapagtatakang si Pepsi ang topic sa Twitter ng mga kabataang hindi na siya naabutan at walang alam tungkol sa kanyang nakaraan.

Maliban sa mga nababasa nila sa Internet na kanilang pinagdugtong-dugtong para magkaroon sila ng ideya sa mga pinagdaanan ng batang aktres.

Kung sariwa pa sa mga kamag-anak ni Pepsi ang alaala nito, baka-sakaling gunitain nila sa darating na Linggo, May 31, ang ika-35 anibersaryo ng kanyang malagim na kamatayan.