Lotlot de Leon, nasasaktan kapag kinukwestiyon ang pagmamahal niya para sa kanyang Mommy Nora (Aunor)
Sa latest YouTube video kasi ng aktres entitled “Heart to Heart Interview” na in-upload kagabi, September 8, kung saan kasama n’ya sa online tsikahan via Zoom ang showbiz writer na si Rommel Gonzales, ibinahagi ni Lotlot ang current status ng relationship n’ya with her Mommy Guy.
Nagsimulang maungkat muli ang hidwaan nilang mag-ina nang may nagsulat na nagkabati-bati na umano sa wakas ang Superstar na si Nora Aunor at kanyang mga anak.
Simpleng sinagot ito ni Lotlot na “Hindi pa.”
(On and off kasi ang tampuhan ng mag-iina.)
At dahil dito ay agad na giniyera at pinutakti si Lotlot ng mga batikos. May mga tumawag sa kanyang ingrata at kung anu-ano pa. Pero ang ininda ni Lotlot ang pagmumura sa kanya ng isang diumano ay fan ng nanay niya.
Kilala bilang very poised at patient, tila nawala na rin ng composure si Balot (palayaw ni Lotlot), kung kaya’t sinagot niya ang mga bashers sa kanyang Facebook last September 4. In gist, she said:
“Ang daming accusations sa akin na para bang alam nila kung ano ang TOTOO. ‘Walang kang respeto! Ingrata! Mahalin mong mommy mo! Walang utang na loob! Magpakumbaba ka! Baitbaitan ka lang!’ Yan ang mga sinusumbat nila sa akin.
“Never naging perpekto buhay namin. May masaya, malungkot, magulo lahat na. Pero ang Lahat ng ito ay personal. Hindi na din para isa-Isahin ko pa. Pero isa lang cgurado, alam ko kahit kailan di ako makakalimot. Alam ko, May hangganan din ang lahat…”
At para mas maunawaan ng mga fans at followers, at para masagot na din ang mga tanong ng curious na mga Netizens, ipinaliwanag ni Lotlot sa kanyang YouTube channel na ang relasyon nila ni Ate Guy bilang kanyang mommy ay hindi tulad sa pangkaraniwang pamilya.
“Nu’ng bata kami ni Ian [de Leon], when we were kids, mom used to work all the time, ‘di ba? Kasi s’ya ang breadwinner ng family, e,” pagre-recall ng award-winning actress. “Sa kanya umaasa ang buong pamilya. So, she would always say before na, ‘Anak, kahit hindi tayo masyado nagkikita o nagkakausap, alam mong mahal ko kayo. Andito lang ako.’
“I think it’s the same with me, you know,” pagpapatuloy ni Lotlot. “Marami kasing hindi nakakaintindi sa relationship namin ng mommy ko. My relationship with my mom is not a normal kind of relationship with… How do you say it? We have a different kind of relationship.”
However, hindi man daw sila madalas mag-usap at magkita, alam naman daw nila na mahal nila ang isa’t isa.
“But if there’s one thing for sure, I know that kahit hindi kami nagkikita at nagkakausap masyado alam kong mahal n’ya kami at sana alam din n’ya. Alam ko naman na mahal n’ya rin kami.
“‘Yong mga fans, lalo na ‘yong mga totoong Noranians, I don’t think they ever doubted how much we love each other, ako tsaka si mommy, kami sa kanya at s’ya sa amin.”
Dagdag pa n’ya, ilang fans lang naman daw ang mga masyadong nang-iintriga sa kaniyang pamilya na ikinalulungkot daw n’ya.
“There are those kasi who continuously try to put a color in our relationship [kahit] hindi nila alam kung ano talaga ang nangyayari sa pamilya, which actually minsan nakakalungkot,” paglalahad pa ng actress-entrepreneur. “Kasi parang… Nahusgahan na kami. Kung ano-ano na ang nasabi. Nand’yan ‘yong ungrateful ako o pinabayaan ko na si mommy or nakalimutan ko na s’ya.”
Tugon dito ni Lotlot: “Never. How can I ever forget her? No, it’s not possible po.”
Sey pa n’ya, mahal na mahal daw n’ya ang kanyang mommy at nasasaktan daw s’ya tuwing kinukwenstiyon ang bagay na ‘yon
“Mahal na mahal. Sobra. I love her for who she is,” pahayag n’ya. “For everything that she has done for me at sa mga kapatid ko, I will always be grateful, kami. Hindi ‘yon dapat kinikwestiyon ng kahit na sino.
“Masakit para sa akin na kinukwestiyon ‘yon kasi anak ako, e.
“You know for some other people I think, hindi nila nauunawaan kasi, probably, hindi sila pamilya. So parang ang bilis nila magsabi na ganito ka o gayan ka. Pero hindi ganu’n, e. You know, even if I don’t get to see her often, or even if I don’t get to talk to her often, my love for her is there. Forever. Hanggang sa mawala na ako sa mundo. Everything I am is because of her. Everything that is good in me is because of my parents, mom and dad.”
Ibinida din ng aktres na dala-dala n’ya magpa-hanggang ngayon ang mga aral at payo na itinuro sa kanya ng kanyang mga magulang.
“Lahat ng pangaral nila, lahat ng payo nila, I will always carry that with me,” she said. “And I even share that with my own children. I think sila Ian din ganu’n, sila Matet din. ‘Yong mga kapatid ko, Kiko and Ken din ganu’n, ‘di ba? So whatever good about us is because of them, because of the good things that they have taught us.”
Hiling naman ni Lotlot na sana ay tigilan na ang pang-iintriga sa kanilang pamilya dahil wala naman daw iyong naitutulong at naidudulot na maganda.
“Kaya sana, ‘yong mga nagsasabi ng kung ano-ano, enough na kasi hindi din naman po nakakatulong,” mahinahon n’yang pahayag. “Kumbaga, sabi nga ng nanay ko, sabi ni mommy, kung wala ka din namang magandang masabi huwag ka nang magsalita. So, ako din natutunan ko ‘yon, e.
“And whatever problems we’ve had along the way… wala naman yatang pamilya that don’t go through that. Lahat naman ng family, I think, may panahon na dumadating na pagsubok.
Sinabi din ni Lotlot sa video na makailang ulit daw s’yang nag-reach out sa kanyang adoptive mother.
“Many times I would call her up or I would text her,” salaysay ng aktres. “But I think she’s also busy so minsan hindi rin s’ya nakaka-reply o nakakasagot. But she knows naman na we’re always thinking about her, e, kaming magkakapatid. We’re always just here for her also. Nandito lang din kami.”
Katunayan, inimbitahan pa daw n’ya ito sa kanyang kasal noong December 2018 sa kanyang Lebanese boyfriend na si Fadi El Soury. ‘Yon nga lang, missing in action sa special day na ‘yon si Superstar Nora Aunor kaya umugong ang isyu tungkol sa kanilang “tampuhan.”
“Nag-text ako kay mommy. Sabi ko, ‘Ma, ikakasal na ako.’ Actually, bago pa ako ikasal alam n’ya na meron na akong boyfriend, na I was seeing someone already. Alam n’ya,” k’wento pa ni Lotlot.
“Nu’ng minsang nagkita kami sabi n’ya, ‘O, sino ‘yong lalaki?’ Sabi ko, ‘Sana Ma, makilala mo s’ya, ma-meet mo din s’ya. He’s a very nice man. He’s good to me.’ Ganyan. So, alam n’ya.
Segue pa n’ya: “Kasi kami naman ni mommy, ang nangyayari minsan, e, kahit na hindi kami nakakapag-usap, I don’t know… It’s strange. We would always know what’s happening sa mga buhay namin. Like, I know what’s happening in her life and she knows what’s happening in mine at sa mga kapatid ko. May ganu’n kami, e. Hindi ko alam kung paano pero meron talaga.
“When the wedding was set, I messaged her na, ‘Ma, sana ganito. Ikakasal ako nang ganito. Sana makapunta ka po.’ I did [invite her]. Imposibleng hindi ko s’ya imbitahin. Napaka-imposible po.
“Lahat ng special events sa buhay ko I want her to be part of it. I want her to part of my children’s lives. I want her to be there all the time. So, imposible na s’ya pa ang hindi ko iimbitahin.”
Nalungkot man daw s’ya na hindi nakadalo ang Mommy Guy n’ya sa kanyang kasal, alam naman daw n’ya na masaya ito para sa kanya.
“S’yempre nalungkot ako,” pag-amin pa ni Lotlot sa online tsikahan. “Pero alam ko naman na kahit wala s’ya doon, I know that she’s happy for me. I know that wala din naman s’yang hangad kundi maging masaya din ako, ‘di ba? So I know that she’s happy for me also.”
Nang hingian naman ng mensahe ang aktres para sa kanyang mommy, dito na naging emosyonal si Lotlot at hindi napigilang mapaiyak.
“Mahal ko s’ya. Hindi naman mababago ‘yon, e. Mahal ko s’ya. Always. Nandito lang kami.”
Maikli man daw ang message n’ya, ayon kay Lotlot: “Naiintindihan na n’ya yon, I’m sure.”