Lolit Solis remembers Manila Film Festival 1994 scam

Lolit on her present relationship with Gretchen Barretto and Gabby Concepcion.
lolit solis manila film festival 1994 scam
Twenty-eight years after the infamous Manila Film Festival 1994 scam that she masterminded, 75-year-old talent manager talks about her present relationship with some of the key players and characters in that scam.

PHOTO/S: Jerry Olea / File

Ika-28 anibersaryo ng 1994 Manila Film Festival (MMF) Scam ngayong Hunyo 22, 2022, Miyerkules.



Sa awards night ng MFF 1994 sa Ramada Hotel ng Manila, ini-announce ng presenters na best actor at best actress sina Gabby Concepcion at Ruffa Gutierrez, respectively, para sa pelikula nilang Loretta na idinirek ni Mel Chionglo.

Sinabihan ng accounting firm na nag-tally ng mga boto ng judges ang kasalukuyang mayor noon ng Maynila na si Mayor Alfredo Lim na hindi sina Gabby at Ruffa ang totoong nagwagi.

Noong gabi ring iyon ay ini-announce ni Mayor Lim na ang totoong best actress ay si Aiko Melendez para sa Maalaala Mo Kaya: The Movie, at ang totoong best actor ay si Edu Manzano para sa pelikulang Zacarias.

Ang talent coordinator ng awards night ay si Lolit Solis, ang manager ni Gabby. Inako ni Lolit ang pagiging mastermind ng scam.

“Twenty-eight years na yun?” pagbuntong-hininga ni Lolit sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Hunyo 21, Martes, sa SuperSam restaurant, Sct. Tobias St., Quezon City.

“Parang kelan lang. Sa isip ko, parang five years ago pa lang.”

 

GRETCHEN BARRETTO

Sina Gretchen Barretto, Viveka Babajee (Miss Mauritius 1994, na ima-manage sana noon ni Annabelle Rama) at Rocky Gutierrez (17-anyos noon na kapatid ni Ruffa Gutierrez, anak nina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama) ang presenters para sa kategoryang best actress.

Isinigaw ni Viveka na ang nagwagi ay si Ruffa.

Sinabihan ni Viveka ang inaantuk-antok na si Rocky, “Take it! Take it!” na ang tinutukoy ay ang envelope na naglalaman ng best actress winner.

Sa reaksiyon ni Gretchen, halatang there’s something wrong. Nang sumambulat ang scam, star witness si Gretchen.

“Nung time na yun, galit ako kay Gretchen? Ano yun, e…” pagkunot-noo ng 75-anyos na si Lolit.

“Actually, alam mo si Gretchen, kikay lang pero pag aanuhin mo, soft-hearted. Kasi, ano ‘yan, e. Noong panahon kay Mother Lily… di ba, sabay sila ni Nadia Montenegro?

“Si Mother, pag nag-a-assign, ang on top of us, si Douglas [Quijano]. Tapos, kami nina Rod Samson noon, ina-assign-assign ni Mother.

“Pipili ka. ‘Lolit, sino ang gusto mo sa dalawa?’ Ang pinili ko, si Nadia. Ang ganda-ganda talaga ni Nadia, di ba? Tapos, hindi pa ganun kataba.

“Tapos si Gretchen talaga, ‘Ba’t siya ang pinili mo?’ Ano siya… may good memories ako sa kanya.”

Nagbida sina Gretchen, Nadia, at Janice de Belen sa 1984 Regal movie na 14, Going Steady na idinirek ni Joey Gosiengfiao.

Nasa cast din nito sina JC Bonnin, Benedict Aquino, Mon Alvir, at Albert Anido. Ang producer ay si Mother Lily Monteverde.

Sa paglaganap ng pandemya, napaka-generous ni Gretchen sa pamamahagi ng ayudang love box para sa mga taga-showbiz.

“Siya lang ang nakadiskubre ng love box!” maigting na bulalas ni Lolit.

“Sa lahat, di ba? Siya lang ang nag-introduce ng love box. Wala nang iba.

“Ako, may mga hawak ako na artistang pulitiko. Isinumbat-sumbat ko iyon kina Bong [Revilla], ‘Ni hindi ninyo naisipan ‘yan?! Ang nakaisip niyan, si Gretchen Barretto?!’

“Di ba?! For that alone, kailangan talagang nasa isip natin siya. Di ba, siya lang ang nakaisip nun?!

“Kaya yung ibang questions, ‘Galing sa ano ‘yan, galing sa sabong!’ achu-chu-chu-chu.

“Kahit saan galing yun, the mere fact na naisipan niyang i-share sa atin, that’s something.”

Milyun-milyon ang halaga ng love boxes (food ayuda) na ipinamudmod ni Gretchen. Nakatanggap maski na ang mga hindi niya kakilala. Pinagbigyan din ni Gretchen ang mga nag-request ng wheelchair.

“At wala siyang pinili! Kahit sino! Kung ano ang ibinigay niya dun sa artistang ito, yun din ang ibinigay sa yo,” pagdidiin ni Manay Lolit.

“To the point na tinatawagan pa ako ni Tonton Gutierrez, ‘Nay, sabihin mo naman kay Gretchen, padalhan ako.’

“Naiinggit kasi yung isang anak niya sa anak ni Pauleen [Luna] dahil nakitang pinadalhan ng malaking-malaking lollipop.

“Gustong manghingi ng lollipop, e, hindi pinadalhan ng ganun. Siguro, wala sa isip ni ano, at alam niya, dalagita na ang anak nina Tonton at Glydel [Mercado].

“E, gustong manghingi. Kaya tinawagan ko, ‘Gretch, kawawa naman yung anak ni Tonton, nainggit sa anak ni ano…’”

GABBY CONCEPCION

Wagas ang pagmamahal noon ni Lolit sa alaga niyang si Gabby Concepion. Handa siyang ilaban ito ng patayan.

Aniya, nagawa niya ang scam dahil sa pagmamahal niya kay Gabby. Kinamuhian din ba niya noon si Gabby nang nag-testify ito laban sa kanya? She felt betrayed?

“Hindi… Ako naman talaga, admitted ako, isa sa mga perfect na alaga, si Gabby,” pagngiti ni Lolit na may bahid ng pait.

“Talagang ano, saka by nature, mabait talaga. Yun nga lang siguro, baka wala siyang lakas ng loob na…

“In fairness, all throughout noong scam noon, yung tatay ni Gabby na si Rollie Concepcion, kumokontak pa sa akin.

“Talagang chu-chu-chu-chu. Parang worried siya na magalit ako kay Gabby dahil yun nga, parang… binetray ako, di ba?

“Nung ano nga, ang ano pa niya, ‘Lolit, pwede bang ikaw uli ang mag-handle kay Gabby?’

“Sabi ko, ‘Dad naman, ang pangit naman nun!’ Siyempre, kahit papaano, wala na ang respeto namin sa isa’t isa.

“Wala na! ‘Hayaan mo na yun,’ tsuk.”

Si Gabby ang leading man ni Sanya Lopez sa Kapuso primetime series na First Lady, ang pinaka-sakalam na serye sa local television, ayon sa AGB Nielsen NUTAM Ratings.

Ang kasalukuyang manager ni Gabby ay si Popoy Caritativo.

RUDY FERNANDEZ & BONG REVILLA

Ayaw raw ni Lolit na madamay sa kasalanan niya ang mga alagang artista, kaya gusto niya noong lumayo sa mga ito.

“Ang bilib na bilib ako noon, not for anything, kay Rudy [Fernandez] saka kay Bong [Revilla]. Baka naman dahil mature din sila,” salaysay ni Lolit.

Alaga ni Lolit sina Rudy at Bong, pati si Nanette Medved na presenter sa kategoryang best actor ng MFF 1994.

Pagpapatuloy ni Lolit, “Alam ko na nun, may political ambition ang dalawa. Kaya sabi ko, ‘Huwag, huwag kayong ano…’

“Pero hindi. Hindi mo pa rin sila napigilan, si Bong saka si Rudy. Sabi nila, ‘Kung dahil lang diyan, maaano kami… hindi ka naman namin igi-give up.’

“Ganun, di ba? Talagang dumadalaw pa rin sila sa hospital. Ipinapakita pa rin… Yun talaga ang naka-save, na talagang grateful na grateful ako dun.”

Gusto nang mamatay noon ni Lolit. Gusto niyang mag-suicide.

Natawa si Lolit, “Sabi nga ni Douglas, ‘Naku, ha?! Ikaw talaga kasi!’ Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! ‘Ang dami-dami mong gagawin…’ sabi niyang ganun. Ha! Ha! Ha! Ha!

“Sabi talaga ni Douglas, ‘Kung alam ko lang na kailangan mo ng award, ihiningi na lang sana kita kay Charito Solis!’ Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!

“Talagang ang Douglas na ‘yan, isa sa mga galit na galit sa ginawa ko!”

Best friend ni Lolit si Tito Dougs (palayaw ni Douglas Quijano) na kakontemporaryo niya sa pagsusulat at pagma-manage ng mga artista.