Inihayag ni Arra San Agustin na nagkakausap silang muli ng kaniyang ex-boyfriend na PBA player na si Juami Tiongson.



Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ang aktres tungkol sa relasyon nito kay Juami dahil na rin sa mga naglalabasang balita na nagkabalikan na sila.

“We’re talking again. That’s a good sign,” saad ni Arra.

Napag-usapan din ang naging pahayag noon ni Arra sa nauna nitong panayam na naging pamantayan niya si Juami pagdating sa standard ng isang nobyo.

“Hindi talaga ako nakakita ng mas higit pa doon or even kapantay man lang ‘non, or almost na ganon,” pag-amin ni Arra.

Bagaman may mga nanligaw, sinabi ni Arra na “connection” at “feeling” ang hinahanap niya sa isang lalaki.

Nang tanungin si Arra kung bakit naging pamantayan niya si Juami, tugon ng aktres, “He’s very loyal, he’s so patient. Siya lang po ‘yung tao na nakakita na siguro ng totoong colors ko.”

“I mean, ‘di ‘ba you have masks for everyone? Pero pag naghubad [pag-alis ng masks] ako sa bahay, ‘yon na yung nakikita niya, like nakikita niya na ‘yung totoong ako na hindi nakikita ng lahat. ‘Yung only taong nakakakita ‘non is my mom, my brother, my dad, ‘yun lang. Sila lang ‘yung nakakakilala sa akin ng ganong level plus Juami,” paliwanag niya.

 

Umaasa si Arra na mauuwi sa maganda ang muli nilang pag-uusap ng dating nobyo, o humantong sa pagbabalikan.

Sa panayam ng programa kay Arra noong 2023, sinabi ni Arra na naghiwalay sila ng dating nobyo noong October 2022. Aminado rin siya na nagkaroon sila ng problema sa kanilang relasyon noong 2021.

Kasalukuyang naglalaro si Juami sa Terrafirma Dyip team sa PBA. Samantala, makakasama naman si Arra sa upcoming Kapuso series na “My Ilongga Girl” na kabibilangan nina Jillian Ward at Michael Sager