Claudine Barretto, nilinaw na hindi siya co-manager ni Alfy Yan.

claudine barretto alfy yan
Claudine Barretto on Alfy Yan: “Pagpasok ko pa lang ng kuwarto, parang na-goosebumps na ako agad. Kamukhang-kamukha talaga ni Rico, e, so parang namalik-mata ako talaga.” 

PHOTO/S: Jojo Gabinete

Dumalo si Claudine Barretto sa pagpirma ni Alfy Yan ng kontrata sa Viva Artists Agency (VAA) bilang suporta sa pamangkin ng pumanaw na dating karelasyong si Rico Yan.



May kinalaman si Claudine sa pagpasok ni Alfy sa VAA dahil siya ang nagrekomenda sa aspiring actor kay Viva Entertainment CEO Boss Vic del Rosario.

Ayaw raw sana ni Claudine magsalita sa media conference na ipinatawag ng VAA para kay Alfy nitong Martes, Disyembre 10, pero hindi raw siya nakatanggi sa mga reporter na hininging ibahagi niya ang partisipasyon sa pagsisimula ng showbiz journey ng pamangkin ni Rico.

alfy yan contract signing
Photo/s: Viva Artists Agency. Alfy yan, nephew of the late rico yan, enters showbiz.

CLAUDINE BARRETTO ON ALFY YAN

“Bakit ako ninenerbiyos?” reaksyon ni Claudine nang ipakuwento ng entertainment press ang pagtatagpo ng mga landas nila ni Alfy.

“Today is a very special day for Alfy, for Geraldine [Alfy’s mother], for Tita Cita [Rico’s mother], for the Yan family, for me, and sa inyo na nakatrabaho at nakasama si Rico nang matagal.

“Actually, ang nangyari kasi, parang yung kuwento niya, I believe, divine intervention talaga yung nangyari.

“Because, hindi sa nagmamayabang, pero hindi pa talaga lumalabas si Alfy or nagpa-public ng social media niya, marami na siyang followers.

“One, because of Rico.

“But I believe because of his own person.”

CLAUDINE’S FIRST MEETING WITH ALFY

Kinilabutan daw si Claudine sa unang pagkikita nila ni Alfy sa isang Japanese restaurant.

“Noong unang beses ko siyang makita kasi, di ba, November 1 ang All Saints’ Day?

“Hindi ako pumupunta sa Manila Memorial to visit kasi maraming tao, so after na ako nagpupunta,” pagtukoy ni Claudine sa puntod ni Rico.

“Ang birthday ni Tita Cita, ng lola ni Alfy, is October 31. Sa Baguio siya umuuwi.

“So, nung nandito siya for November 1, nag-lunch kami sa Tempura, favorite restaurant namin ni Rico yon.

“Pagpasok ko pa lang ng kuwarto, parang na-goosebumps na ako agad.

“Kamukhang-kamukha talaga ni Rico, e, so parang namalik-mata ako talaga.”

claudine barretto alfy yan
Claudine Barretto with Rico Yan’s mother Cita (leftmost); Rico’s sister and mother of Alfy, Geraldine (second from left); and Alfy. 

Photo/s: @claubarretto on Instagram

Pagpapatuloy ng aktres: “Nung nagkukuwentuhan kami, nakuwento sa akin ni Tita Cita na tumawag yata noon ang ABS-CBN, and ayaw niyang [Alfy] mag-artista.

“So, habang kumakain kami, naitanong ko lang sa kanya, sabi ko, ‘Alfy, aside from baseball, what are you into? Do you wanna join showbiz?’

“And then sabi niya, parang not naman showbiz-showbiz talaga, but parang more of doing commercials and being a brand ambassador, influencer slash actor na rin, di ba?

“Nagulat sila, nagulat sila na yun ang sagot ni Alfy.

“Kasi a few months back, ayaw pa niya. I don’t know what happened. Nagulat kaming lahat.

“That was November 4, and then dire-diretso na.

“Ang bilis na ng mga pangyayari. Ang bilis talaga, so yun lang.”

CLAUDINE RECOMMENDS ALFY TO BOSS VIC

Si Claudine ang nakipag-ugnayan kay Boss Vic del Rosario tungkol sa kagustuhan ni Alfy na pumasok sa showbiz.

Agad namang nagpakita ng interes ang CEO ng Viva Entertainment.

Ayon kay Claudine, “Mula noon, tumawag na ako kay Boss Vic, nasa America siya.

“Sabi ko, ‘Dad, you want Alfy Yan to join Viva?’

“And then, ayun na. Kinukulit na ako araw-araw.

“Kinausap ko si Geraldine at si Tita Cita, tapos tinanong ko kung okay ba na si Alfy kung o-oo na siya.

“At tinanong ko rin naman siya. Ready naman siya pero hindi pa yung mga… nag-i-school pa.

“Parang si Rico noon, di ba? Dahan-dahan lang.”

Mariing itinanggi ni Claudine na co-manager siya sa pamamahala sa showbiz career ni Alfy.

“No! No!” bulalas niya.

Ayon sa aktres, “stage tita” lamang siya nito.

ALFY YAN BRINGS HOPE TO RICO-CLAUDINE FANS

Binanggit ni Claudine na sobra raw ang pagmamahal sa kanya ng pamilya ni Rico, at si Alfy ang nakikita niyang muling magbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa mga matatapat na tagahanga nila ng sumakabilang-buhay na aktor.

 

rico yan and claudine barretto got 2 believe
Rico Yan and Claudine Barretto when they were teamed up and made blockbuster movies.

“Sobra din naman nila akong minahal, so ngayon, parang siyempre, ang daming nangungulila talaga sa pagkawala ni Rico.

“And everybody was rooting for Alfy. Matagal na matagal na.

“And you know, sabi ko nga kay Geraldine at sa daddy niya, si Francis, sabi ko ‘Thank you.’

“Because, parang nung pumayag silang mag-join si Alfy sa showbiz, nabuhayan ng loob ang RYCB, ang Rico-Claudine fans, ang Rico Yan fans.”

Giit niya, “Even yung lola niya, lola’s boy siya, nabuhayan ng loob.”

Matapos ay idinagdag, “So, ako, gusto ko lang magpatuloy, kasi alam ko yung mga hope siyempre ni Rico noon, at walang ibang puwedeng magpatuloy nun kundi si Alfy.”