Lolit Solis: Walang experience si Bong sa bading, hindi complete ang buhay niya

Lolit Solis at Bong Revilla



 

PINAIYAK ni Manay Lolit Solis ang kanyang alagang si Sen. Bong Revilla, Jr. sa naging mensahe nito sa kanya bilang nanay-nanayan at talent manager sa mahabang panahon.

Hindi napigilan ng tinaguriang Titanic Action Star ng Philippine showbiz ang maluha nang muling sabihin ni Manay Lolit na gagawin niya ang lahat para protektahan at ipagtanggol ang aktor at public servant.

Ramdam na ramdam daw ng tumatakbo uling senador ang pagmamahal at walang hanggang suporta sa kanya ng veteran entertainment columnist kahit na nga may iniinda itong karamdaman.

“Basta ako, isa sa pinakaalam kong totoong tao at mabait na tao, si Bong Revilla. Kahit na mahina na ako ngayon, I will take a bullet for him anytime.

 

“Sabi ko nga, kapag may umaway sa kanya ngayon, ingungudngod ko!” ang matapang at palaban pa ring pahayag ni Manay Lolit sa pa-presscon ni Sen. Bong para sa mga kaibigan niya sa showbiz.

Kitang-kita naman ng members ng media ang pagluha ni Sen. Bong. “Pinapaiyak mo pa ako, eh,” ang sabi ng aktor kay Manay Lolit habang nagpupunas ng mata.


“Okay Nanay, pinaluha mo ako doon, ah. Well, thank you sa pagmamahal mo, sa lahat-lahat,” ang sabi pa ng mister ni Lani Mercado.

Tawa naman nang tawa ang press people nang humirit si Manay Lolit nang biglang mapag-usapan ang LGBTQIA+ community sa showbiz industry.

Marami raw kasing mga male celebrities sa showbiz na nagkaroon ng karanasan sa mga bading pero sabi ni Manay Lolit, isa raw si Sen. Bong sa mga artistang hindi raw natikman ng mga beki.

“Naiirita nga ako kay Bong, wala siyang ano, ‘no, wala siyang naging experience sa bading, no! Hindi complete ang buhay ni Bong Revilla. Hindi siya nagdaan sa kamay ng bading!” ang chika ni Manay sabay laugh.

Tawa lang nang tawa ang aktor sa mga punchline ni Manay Lolit sabay sabing napakarami niyang kaibigang bading at nirerespeto niya ang mga ito lalo na yung marami ring naiaambag sa society.

Samantala, ipinagdarasal naman ng senador na abutin pa ni Manay Lolit ang 100 years old, para makuha nito ang P100,000 na insentive o regalo, mula sa Expanded Centenarians Act, o Republic Act No. 11982.

“An act granting benefits to Filipino octogenarians and nonagenarians amending for this purpose ‘Republic Act No. 10868’ otherwise known as the ‘Centenarians Act of 2016’ and appropriating funds therefore,” ang nakasaad sa nasabing batas.

“P100,000 and a congratulatory letter from the President upon turning 100 years old. P10,000 upon reaching 80, 85, 90, and 95 years old,” paliwanag ni Bong Revilla.

Turning 79 na si Manay Lolit sa darating na May 2025 kaya ang hirit niya kay Sen. Bong, “Puwede ko bang i-advance na!?”