Mommy Divine, binatikos ng maraming netizens.

Hanggang sa kasal ay tila tutol pa rin si Divine Geronimo (kaliwa) sa pag-iibigan ng kanyang anak na si Sarah Geronimo at ni Matteo Guidicelli (kanan).



PHOTO/S: Facebook / Instagram

Nakumpirmang totoo ang inililihim na civil wedding nina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli na naganap kagabi, February 20.

Ito ay dahil sa police blotter report tungkol sa reklamo ng isang Jerry Tamara, na nagpakilala bilang bodyguard ng singer-actress.

Kung hindi nagpunta si Tamara sa police station, mananatiling pahulaan sa lahat kung natuloy ang balita tungkol sa pagpapakasal nina Matteo at Sarah.

Nakasaad sa blotter report na inirereklamo ni Tamara si Matteo dahil sa panununtok diumano sa kanya sa lalamunan.

Si Tamara ang diumano’y pinagbintangan ni Matteo na nagsumbong sa ina ng aktres na si Divine Geronimo tungkol sa kanilang isinisikretong pagpapakasal.

Ito ang dahilan kaya natunton ng mother ni Sarah ang venue ng wedding reception sa isang restaurant sa Shangri-La The Fort.

Ang pananakit umano ni Matteo at ang paglilihim nila ni Sarah sa ina ng Pop Royalty tungkol sa kanilang pag-iisang dibdib ang pinagpipistahan at pinag-uusapan ngayon ng publiko.

Kaya iilan lang ang nakapansin sa nakalagay sa dulo ng report, na nagpa-blotter lamang sa police station si Tamara, pero tumangging magsampa ng reklamo laban kay Matteo.

Apparently, may pagtatangka sa parte ni Tamara na masira si Matteo sa paningin ng publiko, sa pamamagitan ng pagrereklamo sa police authorities at sa police blotter report na mabilis napasakamay ng media.

Pero tila kabaligtaran ang nangyari.

Si Mommy Divine ang sinisisi ng maraming netizens at umaani ng negative comments dahil sa pagtutol niya sa pagmamahalan ng kanyang 31-year-old daughter at 29-year-old husband nito.

Kapwa nasa legal age na sina Sarah at Matteo para bumuo ng sariling pamilya.

Kung mababasa ni Divine ang mga public opinion, imposibleng hindi siya masaktan dahil masyado nang personal ang mga atake sa kanya at sa asawa niyang si Delfin Geronimo.

On the other hand, pinupuri naman ng marami si Matteo dahil ipinaglalaban daw nito ang relasyon nila ni Sarah.

Lalaking-lalaki ang tingin sa kanya ng netizens dahil sa ipinamamalas nitong katatagan at paninindigan.

Naniniwala ang mga supporter nina Sarah at Matteo na bukod sa civil marriage na naganap kagabi, magkakaroon din ng church wedding ang dalawa.

Dahil hindi dapat ipagkait sa kanila ang pagkakataong mabasbasan ng simbahan ang pagsasama nila.