Coco Martin says he had premonition about Jaclyn Jose’s death

Coco Martin recalls Jaclyn Jose’s last taping day for FPJ’s Batang Quiapo.
Jaclyn Jose, Coco Martin
Coco Martin gives eulogy on Jaclyn Jose’s wake on March 5, 2024. Coco and Jaclyn are co-stars in the ongoing Kapamilya teleserye FPJ’s Ang Batang Quiapo.

PHOTO/S: Bernie Franco / Cannes Film Fest

Inamin ni Coco Martin na nakaramdam siya ng premonition sa pagpanaw ng katrabaho at kaibigang si Jaclyn Jose.



Si Jaclyn, 60, ay pumanaw dahil sa heart attack noong March 2, 2024.

Magkatrabaho sina Coco at Jaclyn sa ABS-CBN prime-time series na FPJ’s Ang Batang Quiapo.

Crucial ang karakter ni Jaclyn sa teleserye kung saan gumaganap ito bilang Brigadier General Dolores Espinas, ang jail warden.

Inamin ni Coco na hindi nila alam kung paano ang magiging takbo ng karakter ni Jaclyn bunsod ng di inaasahang pagkamatay ng aktres.

Pero higit sa pagiging magkatrabaho at nabuong pagkakaibigan ng dalawa, nanay ang turing ng aktor kay Jaclyn dahil sa pagiging mapagmahal nito.

Sa burol ni Jaclyn sa Arlington Memorial Chapel sa Araneta, Quezon City, nitong March 5, 2024, si Coco ang tumayo at nagbigay ng eulogy sa ngalan ng Batang Quiapo.

Kuwento ng Kapamilya A-lister, ilang araw bago pumanaw si Jaclyn ay may napansin siyang kakaiba sa aktres.

COCO MARTIN SAYS JACLYN WAS ACTING DIFFERENT ON THE SET

Huling pagkikita raw nila ni Jaclyn ay noong February 28, 2024, araw ng Miyerkules, sa taping ng Batang Quiapo.

“Noong last taping namin doon sa [barracks], actually meron kami napapansin sa kanya na hindi namin inaasahan,” simula ni Coco.

Ang eksena raw ay lalaya na si Bubbles (Ivana Alawi), pero hindi dapat malungkot ang eksena ni Jaclyn.

“Nagulat sa kanya yung director namin, ‘Bakit naiiyak si Mommy Jane sa eksena na hindi naman dapat? Parang out of character yung binibigay niya,’” ani Coco tungkol kay Jaclyn, na Mary Jane Sta. Ana Guck ang tunay na pangalan.

Pinaulit daw ang eksena kay Jaclyn, pero hindi nila maintindihan kung bakit emosyonal ang multi-awarded actress.

Kinunan na rin daw ang eksena ng paglaya ng karakter ni Coco sa serye. Sa halip na galit, emosyonal daw ang ipinakitang atake ni Jaclyn.

“Nung nagpapaalam na ako, na lalaya na ako, iba rin yung atake na ibinibigay niya sa akin.

“Na dapat ang atake niya sa akin, tini-threat niya ako na subukan kong magtraydor mapapahamak ang mga kaibigan [ko].”

Kinausap daw ni Coco sa Jaclyn sa labas ng tent nito at tinanong kung may bumabagabag dito.

Sagot daw ni Jaclyn, “Kasi, ano e, nalulungkot ako dahil unti-unti nang nawawala yung characters, unti-unti nang nag-aalisan, kumbaga, yung grupo…”

Wala na kasi ang karakter ni Vandolph at mga kasamahan nito sa serye, at aalis na rin sa kulungan ang karakter ni Ivana, at susunod na rin si Tanggol na ginagampanan naman ni Coco.

“Nalulungkot siya kasi na-attach na siya doon sa buong grupo dun sa kulungan. Napamahal na nga sa kanya pati yung mga nakakulong,” paliwanag ni Coco.

“Nagustuhan niya rin yung ambience doon. And then, nung ako naman, nung mag-eksena kaming ganoon.”

COCO MARTIN HAD A PREMONITION ABOUT JACLYN

Matapos mag-taping, nagpaalam na raw sila sa isa’t isa.

Sabi ni Coco, “Pack-up na ako, pauwi na ako, ‘Tita Jane, bye-bye, love you!’”

Sagot daw ni Jaclyn, “Love you, ‘nak.”

Ayon pa sa actor-director, “Kasi lagi ganoon, kasi sobrang lambing niya sa amin, sobrang… ang hirap ipaliwanag, pero sobrang… parang anak niya kami talaga, doon sa set, mga directors niya…”

Pagsapit ng Sabado, March 2, tumuloy raw ang grupo nina Coco sa Baguio para sa magtanghal sa isang event.

Ibinahagi ni Coco na bukambibig niya noon si Jaclyn sa kanyang mga kasamahan.

“Nung nasa Baguio kami, pagdating na pagdating ko, nagpunta ako agad sa kuwarto ni Cherry Pie [Picache]…

“Pagpunta ko dun sa kuwarto ni Ate Pie, kuwentuhan kami, sabi ko, ‘Ate Pie, alam mo, pinagkukuwentuhan ka namin ni Mommy Jane,’ sabi ko.”

Ibinahagi ni Coco kay Cherie Pie kung paano sinabihan ng aktor si Jaclyn na naaalala niya rito ang yumaong beteranang aktres na si Charito Solis.

“Sabi ko sa kanyang ganoon, kay Mommy Jane, sabi ko, ‘Mommy Jane, alam mo,’ sabi kong ganon, ‘alam mo pag kaeksena kita, kahit hindi ko nakatrabaho si Charito Solis, parang nakatrabaho ko na siya.’

“Tapos parang siya natutuwa, parang siya kinikilig na ano.

“’Tapos nagkuwento na siya [Jaclyn], ‘Alam mo si Tita Chato… tapos nung nawala siya, tapos nung nawala siya ganyan-ganyan…’”

Ibinahagi rin daw sa kanya ni Jaclyn ang pagkakaibigan niya noon kay Fernando Poe Jr.

Sabi raw ni Jaclyn sa kanya, “’Alam mo ba, dati si FPJ, nakakainuman namin. Tanong mo kay Pie,’ sabi niya ganoon, ganoon, ganoon…”

Ibinahagi raw ni Coco ang kuwentong iyon ni Jaclyn kay Cherie noong umakyat sila ng Baguio noong March 2.

Sabado, nag-motorcade daw para sa event sina Coco at nag-perform doon.

Dugtong ni Coco, “Pagkatapos ng show namin, nag-inuman kami.

“Pinagkuwentuhan ulit namin si Mommy Jane, pinagkukuwentuhan namin siya, hindi ko alam ba’t lagi ko siya kinukuwento.

“Hindi ko alam ba’t lumalabas sa dila na nakukuwento ko si Mommy Jane…”

Natapos daw sila ng madaling-araw at pagsapit ng umaga ay umuwi na sa Maynila.

COCO FINDS OUT JACLYN IS GONE

Kinabukasan ng gabi, Linggo, March 3, may tumawag kay Coco para ipaalam na pumanaw na si Jaclyn.

“Tapos after that, tumawag agad ako kay Ate Pie, sinabi ko yung balita. Dali-dali kami nagpunta agad kami ng bahay ni Mommy Jane para alamin ang sitwasyon.

“Yun nga yung nangyari.

“Sabi ko na lang sa sarili ko, nung gabi pala na, naiisip ko siya nung hapon pa lang, ramdam ko nagpaparamdam siya sa akin, hindi ko maintindihan, kung bakit ko siya lagi kinukuwento, kung bakit ko siya lagi nababanggit.

“Yun pala, may nangyari na pala sa kanya.”

Sabi pa ni Coco, “Ang hirap lang tanggapin, kasi ngayon parang nakaka-shock.

“Ang hirap iproseso, hindi mo pa maintindihan kung totoo pa nga, kasi Wednesday lang kami huling magkasama…”

Dahil madalas silang magkausap, sinabi ni Coco na nakita niya kay Jaclyn kung gaano nito kamahal ang mga anak sa kabila ng hindi nila pagkakaunawaan minsan.

Lubos naman ang pasasalamat ni Coco kay Jaclyn na tinrato raw siyang parang tunay na anak, na hindi umano niya naramdaman mula sa tunay na ina.

“Kaya, sa amin, sa amin mga batang mga artista, sa mga artista na tinuring niya na parang mga anak niya, nagpapasalamat kami,” ani Coco.

“Kasi naramdaman namin yung pagmamahal niya, pagmamahal niya sa amin, pagmamahal niya para sa industriya, pagmamahal niya, sa lahat ng mga directors, staffs.

“Wala akong ibang sasabihin kundi maraming-maraming salamat, dahil tinuring niya akong isa sa mga minamahal niyang tao.”