Nora Aunor natakot nang sigawan ni Gina Alajar ang kaeksena niya

Nora Aunor: “Tapos, sumigaw siya talaga! Natakot ako!”
Nora Aunor and Gina Alajar at presscon of Pieta
Nora Aunor on incident when director Gina Alajar reprimanded a young star who came on the set unprepared: “Tapos, sumigaw siya talaga! Natakot ako! Sabi niya, ‘Late ka na nga, hindi mo pa makuha-kuha ang mga gagawin mong eksena! Kung ano ang iaarte mo!’ Pero totoo naman po yung sinabi niya.”

PHOTO/S: Jerry Olea

JERRY OLEA:



Medyo natakot si Nora Aunor nang sumigaw noon si Direk Gina Alajar sa taping ng Kapuso drama series na Onanay.

Hindi naman ang National Artist ang tinalakan ni Direk Gina, kundi ang kaeksena niyang young star.

“Ang naalala ko kasi, noong Onanay namin, di syempre, magte-take na kami niyan,” kuwento ng Superstar sa storycon ng pelikulang Pieta noong Pebrero 4, Sabado sa Victorino’s Restaurant sa Sct. Rallos St., Quezon City.

“E, yung isang kasama naming artista hindi nakuha yung pinapagawa na akting ni Direk.

“Tapos, sumigaw siya talaga! Natakot ako! Sabi niya, ‘Late ka na nga, hindi mo pa makuha-kuha ang mga gagawin mong eksena! Kung ano ang iaarte mo!’

“Natakot talaga ako,” pag-amin ni Nora, na kilala sa showbiz bilang Ate Guy.

Idiniin naman ni Nora na responsibilidad ng artista na maging handa sa set.

“Pero totoo naman po yung sinabi niya. Kaya hindi na rin ako kumibo noon, Direk,” sabi ni Nora kay Direk Gina na kasama sa presscon ng Pieta.

Patuloy ni Nora, “Sa loob-loob ko lang iyon. Pero iyon talaga siya.

“Iyon bang pagdating mo sa set, dapat alam mo na kung ano ang gagawin mo. Hindi yung pagdating mo sa set, maglalaro ka pa, hindi mo pag-aaralan ang mga eksena, yung dialogue at lahat.

“E, siyempre nga naman, pag-take at hindi mo nakukuha, e, magagalit sa iyo yung direktor mo. Kaya sabi ko, ‘Tama, tama.’”

Ipinaliwanag ni Direk Gina ang bersyon niya ng insidenteng may natalakan siyang young star.

Pagmamatwid ni Direk Gina kay Ate Guy, “Hindi naman din yun. Kasi ikaw ang kaeksena niya. Ikaw naman ang kaeksena niya.

“You know, kung pare-pareho lang silang mga kabataan, siguro I wouldn’t mind.

“But because ikaw yung kaeksena niya, I was expecting that… kailangan, may sistema din siya na minemorize niya yung linya niya. Alam niya kung ano ang gagawin niya, and kung ano man ang instructions sa kanya, masunod agad.

““Kaya ako nagalit. Because unang-una, nahiya ako sa iyo. Because you did your part. You did your part and I know you tried to help these actors…

“Pero kung hindi naman sila seryoso sa ginagawa din nila, di ba? So dun, unang-una yun nahiya ako. Nahihiya ako sa yo, kaya ganun.”

Ayaw sabihin ni Direk Gina kung sino iyong may attitude o pasaway na young star kaya napagsabihan niya.

Dapat bang talakan ang nakakabuwisit na baguhang artista?

Tugon ni Direk Gina, “As much as possible, hindi sana. Kasi, ayoko din naman na nagkakaroon ng tension on the set, you know.

“Kasi siyempre, if I lose my cool, everyone is affected. From the executive producer, yung mga ganyan. Siyempre naka-report din sa management iyan, hindi ba?

“Kaya po ganyan, kasi napagalitan po si ganito. And I don’t like that. Kaya lang, there are certain times, certain points na minsan napipikon din ako, yung ganun.

“Kaya alam mo yun, kailangang you teach them a lesson. Yung ganun.”

Hangga’t maaari ayaw daw talagang dumating ni Direk Gina sa puntong may matalakan siya sa set.

“Mali din yun na kailangang talakan, kasi pag sinabi mong kailangang talakan, it’s in front of everyone. At napapahiya din yung tao, hindi ba?

“So hindi din naman maganda yun na attitude. Kasi meron din naman siyang pride, di ba? Nakakahiya naman.

“So yun, I hope na hindi na mangyari. You know I’m trying to learn. I’m trying to control myself na sana, wala nang ganun. Wala nang outburst na ganun. Kasi it’s not healthy also,” diretsang sabi ni Gina.

Bilang direktor ay meron pang iba na napagsabihan si Direk Gina.

Pero bilang artista, wala siyang tinalakang co-star.

Katuwiran ni Direk Gina, “Sa artista hindi ako naggaganyan because you know kasi wala naman akong pressure, ganun.

“It’s only pag direktor na, you know, when ayaw sumunod sa iyo or something, mga ganun, or hindi kabisado yung mga linya nila.”

 

NOEL FERRER:

So it’s not the case na na-overwhelm iyung batang artista at nagkandautal-utal dahil Nora Aunor ang kaeksena niya.

Kasi, marami akong artistang kilala na ganun na kapag si Ate Guy ang kaeksena ay nadadala sa mata pa lang daw niyo na parang may kung anong kislap daw o liwanag.

At late pa pala itong pasaway na artistang ito. At hindi pa naghanda. A, e, talaga namang di nakakapagtakang mapagsabihan ng kanyang direktor na isang napakahusay na aktres din, na si Gina Alajar.

Naalala ko ang Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina (1990) noon nina Direk Gina at Ate Guy.

Sana, kasintindi ang impact nitong Pieta ang pelikulang pinagsamahaan noon ng dalawang premyadong aktres! All the best!

GORGY RULA:

Nakatrabaho na ba ni Direk Gina si Alex Gonzaga?

“Si Alex Gonzaga, hindi ko pa siya nakatrabaho but I remember, winorkshop ko siya nang mga tatlong araw yata when Channel 5 was just starting and she was being launched for Babaeng Hampaslupa,” sabi ni Direk Gina.

Walang attitude si Alex sa acting workshop?

“As far as I can remember, wala naman,” sagot pa ni Direk Gina.

Ano ang impression niya kay Alex? Nagalingan ba siya rito?

“At that time, she was very raw. So… Alam mo, ang tagal na, ilang taon na ba yun?

“More than 12 years ago, nag-uumpisa pa lang noon ang Channel 5, so hindi ko na maalala,” sey ni Direk Gina.

Nilinaw ni Direk Gina na wala siyang negative experience kay Alex.

Positive ang karanasan niya nang i-workshop ito. Umere ang teleseryeng Babaeng Hampaslupa noong Pebrero-Hulyo 2011 sa TV5.

“Pero I think nagawa naman niya nung tama yung Babaeng Hampaslupa. Kung nagawa niya nang tama iyon, siguro tama iyung itinuro ko.

“Meron naman siyang natutunan sa akin. She was able to learn something from me. So OK naman.”

Suportado rito si Alex nina Susan Roces, Alice Dixson, Eddie Garcia, Jay Manalo, Freddie Webb at Bing Loyzaga.

Iyong teleseryeng P.S. I Love You—kung saan co-star ni Alex sina Dina Bonnevie, Gabby Concepcion at Nadine Lustre—ay umere sa TV5 mula Nobyembre 2011 hanggang Pebrero 2012.