Jon Jalosjos on TAPE & TVJ Dispute

#EatBulagaWar
Sa parehong entablado kung saan inanunsiyo nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon ang pagkalas nila sa TAPE, Inc., pinili nina Romeo “Jon” Jalosjos Jr. at Seth Frederick “Bullet” Jalosjos na magsalita sa kauna-unahang pagkakataon tungkol sa pamamaalam ng TVJ.
Ibinigay ng magkapatid na Jalosjos ang kanilang panig sa masalimuot na pagtatapos ng 41 years ng tuloy-tuloy na ugnayan ng TVJ at ng TAPE, na nagsimula pa noong July 30, 1981 at, ikinalungkot ng marami sa loob at labas ng showbiz, ay nagtapos nitong May 31, 2023.
Ang entablado ay ang mismong stage ng APT Studios kung saan ginagawa ang live episode ng Eat Bulaga!, Lunes hanggang Sabado, mula noong December 8, 2018, nang ilipat ang EB mula Broadway Centrum, Quezon City, sa APT Studios sa Marcos Highway, Cainta, Rizal.
Pinili ng Jalosjos Brothers ang lulugaran ng interview, kasama na ang positioning ng malaking EB logo sa likod, nang magpaunlak ng exclusive interview sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph).
Noong Sabado, June 3, 2023—tatlong araw matapos lisanin ng TVJ at maging ng Dabarkads co-hosts ang Eat Bulaga!—humarap ang Jalosjos Brothers sa PEP editor-in-chief na si Jo-Ann Maglipon, ang lead interviewer, na kasama sina PEP associate editor Erwin Santiago, news editor Rachelle Siazon, video editor Rommel Llanes, at contributing writer Jojo Gabinete.
Si Jon, incumbent congressman ng first district ng Zamboanga del Norte, ang bagong CEO at President ng TAPE (Television and Production Exponents Incorporated), ang producer ng Eat bulaga!.
Si Bullet, kasulukuyang mayor ng Dapitan City, Zamboanga del Norte, ang Chief Finance Officer (CFO) ng TAPE.
Silang dalawa, kasama ang kapatid na si Soraya Jalosjos, ay kabilang sa five-member board ng TAPE. Si Soraya ngayon ang TAPE Executive Vice-President for Production.
Ngunit ang nananatiling pinakamakapangyarihan at nagmamay-ari ng TAPE ay ang kanilang amang si Romeo “Romy” Jalosjos Sr., na may 75 percent shares sa kumpanya. Ang dating Zamboanga del Norte congressman ang tumatayong Chairman ng TAPE Inc.
Ang natitirang 25 percent shares ay pagmamay-ari ni Antonio Tuviera, aka Tony o Mr. T, na dating TAPE President at CEO at ngayo’y consultant ng kumpanya.
Sa board ng kumpanya, tatlong taon pa lamang nakaupo si Jon habang limang taon namang nakaupo si Bullet.
THE NEW CEO AND PRESIDENT OF TAPE
Mula nang magsimulang pumutok ang isyu ng Eat Bulaga!, isang beses pa lamang naririnig ng publiko ang panig ng Jalosjos Family.
Ito ay naganap noong April 19, 2023, nang magpa-interview si Bullet sa showbiz talk show ng GMA-7 na Fast Talk With Boy Abunda.
Pagkatapos nito ay naging sunud-sunod ang panayam ni former Senate President Tito Sotto sa media, kabilang na ang PEP.ph, upang sagutin ang mga pahayag ni Bullet bilang CFO.
Dito na nalaman ng publiko kung gaano kalalim ang alitan sa pagitan ng TAPE, o mga Jalosjos, at ng main hosts ng noontime show na sina Tito, Vic, at Joey, o TVJ.
Nanahimik ang mga Jalosjos sa buong panahon ng media blitz ni Tito, na nanindigang sinasagot lamang niya ang TV interview ni Bullet.
Kasunod nito’y nagpaunlak muli ng panayam si Tito nang habulin siya ng PEP.ph para ibahagi ang mga pangyayari noong May 31, ang araw ng kanilang pamamaalam.
Kalaunan, pumayag ang Jalosjos Brothers na makapanayam ang PEP.ph. Ito ang unang pagharap sa entertainment press ni Jon, ang panganay sa mga anak ni Romy Jalosjos at tagapamahala sa day-to-day operations ng Eat Bulaga!.
Mararamdaman sa kanyang pananalita ang ikinikimkim na saloobin sa sitwasyong kinasusuungan nila ngayon.
Pahayag ni Jon: “Remember, after nila magsalita, ang titindi ng mga sinabi nila, narinig niyo ba kami nagsalita? Narinig niyo ba ako ni once na nagsalita?
“This is the first time.
“I did respect kung ano ang ginagawa naming negotiation, because sayang yung negotiation. Sayang yung target naming 50 years or beyond…
“Alam mo, malaki ang respeto ko sa kanila, 44 years na parang pamilya ang turing namin sa kanila. Hindi ko na problema kung ang turing nila sa amin ay iba.”
Diin pa ni Jon: “Ang turing namin sa kanila ay part ng family namin. Forty-four years is not a joke.
“Alam namin habang bata kami, ‘Ay, Tito, Vic & Joey—sa production namin yan, bossing namin yan, idol namin yan!’
“Yun ang tingin namin sa kanila. I don’t know kung ano ang tingin nila sa amin.
“Only them can tell you kung ano ang tingin nila sa amin—pamilya ba, kasama ba?”
STANDING L-R: Current TAPE President/CEO Jon Jalosjos, Vic Sotto, Tito Sotto, TAPE CFO Bullet Jalosjos, and former TAPE President/CEO Tony Tuviera. SEATED L-R: TAPE EVP for Production Soraya Jalosjos, TAPE Chairman Romy Jalosjos, and Marjorie Jalosjos, wife of Jon.
MAY 31, 2023, EAT BULAGA!’s day of farewell
Hindi raw iyon biglaang reaction lamang ng TV hosts sa hindi nila pagkakasalang nang live sa Eat Bulaga! nang araw na iyon, na siyang paliwanag sa media ni Tito Sotto sa pamamaalam ng TVJ.
Inamin din ni Jon na siya, hindi ang kanilang ama, ang nag-utos sa araw na iyon na huwag mag-ere nang live ang Eat Bulaga!. Wala raw siya sa studio noong mismong araw at iniutos ito sa kapatid na si Soraya.
Taliwas ito sa nasagap na kuwento ni Tito, na ibinahagi niya sa PEP noong June 1, na si Romy Jalosjos Sr. ang nag-utos na “playback” ng EB ang i-ere at siyang pumigil sa pag-live ng TVJ at Dabarkads.
Paano nakakasiguro si Jon na hindi biglaan ang pag-alsa balutan ng TVJ? Na ito’y kasado na sa araw na iyon?
Kuwento ni Jon: “Before the day itself, somebody told us that they would do something live.
“Plus, given that one of the [wives] of the [hosts] posted, ‘Watch out on 2 p.m., there will be a big announcement.’
“Another is, as the President, I asked them to present to me weekly plans for the production. Like, who’s the hosts, who’s the artists, the guests.
“On that day, Tito Sen was not part of the hosts. And my sister [Soraya] called me and told me, ‘Why is he here?’
“In fact I told my sister, ‘Don’t worry, relax.’
“She heard a lot of murmuring already from the staff—’This is it! This is it!’
“I told her to go inside the dressing room. She was not allowed to go inside.”
Ang sinasabing “dressing room” ay ang pinaka-holding area ng cast bago sumalang sa stage. Maaliwalas at kumpleto ito ng mesang kainan, mga sofa, mga banyo, kitchenette at iba pang amenities. Kapag wala sa entablado, dito mahahanap ang TVJ at Dabarkads.
Pinapunta roon ni Jon si Soraya para kumatok sa TVJ. Nang hindi siya pinapasok, noon na raw sinabihan ni Jon si Soraya na huwag payagang mag-live ang Eat Bulaga!.
Ngunit iisa lang daw ang motibo ni Jon sa desisyong iyon: “I was in Dapitan at that time, in the province, and I want to continue the negotiation, if ever we can salvage it. Because once it’s live [and something is said], you cannot pull it back again.”
THE NEGOTATIONS BETWEEN TVJ & TAPE
Bilang CEO at President, si Jon ang nangunguna sa negosasyon kina Tito, Vic, at Joey para sa mga pagbabagong gusto ng producers para sa Eat Bulaga!.
Saad niya: “We’ve been negotiating back and forth about the changes, our entry to the family or to the management of Eat Bulaga!.
“We tried. I tried to meet in the middle to the point that everybody agreed already. We agreed to their wants, but not 100 percent of course. That’s the point of negotiating.
“But 90 to 95 percent, we agreed already. I know that they agreed face to face—me; Tito Tony Tuviera; the new EVP for Production, my sister Soraya; and the TVJ.
“It was a couple of series of meetings here at the studio, in their room.”
Ang tinutukoy na “room” ni Jon ay iyon pa ring “dressing room” ng TVJ at Dabarkads.
Pinanghihinayangan ni Jon na matapos nang pabalik-balik na negosasyon ay nauwi ito sa wala.
Ayon kay Jon, “Sana dun nila sinabi, ‘Jon, akala ko ganito, bakit ngayon ganito?’
“Either [way] I can adjust it. There’s room naman, open naman kami. Alam naman nila yun na palagi ako open makipag-usap.”
Bukod kina Tito, Vic, at Joey, nag-resign din sa TAPE ang co-hosts ng Eat Bulaga! na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Allan K., Ryan Agoncillo, Ryzza Mae Dizon, at Maine Mendoza.
Sumama rin sa kanila ang ilang key people sa production, kabilang si Jenny Ferre, Production Head, at si Poochie Rivera, Director, at ilang sales personnel.
Pagpapatuloy ni Jon: “Well, I was really saddened because I was working for the negotiations.
“I was the one who was there talking to them, hearing them out, and telling them also, trying to meet in the middle, and the company’s changes, what to implement and what they want to retain.
“So, I’m saddened. I was really, wow, sayang yung pagod.
“Sayang, sana na-continue namin ito. Nanghihinayang.”
Tugon ni Jon, “Well, he did not say directly, but he did not say na against siya. He was there in the negotiation.“He was the one who was advising. He was advising me on what to do.”
THE “EXODUS,” according to TITO SOTTO
Pinabulaanan naman ni Jon ang deklarasyon ni Tito Sotto na “exodus” ang nangyari sa Eat Bulaga!.
“Walang maiiwan! It’s exodus!” pahayag ni Tito sa panayam ng PEP.ph noong June 1.
Sa simula pa lang ng taong 2023, ibinuhos na raw ni Jon ang oras at kakayanan niya sa pakikipag-usap sa mga taong nagtatrabaho sa Eat Bulaga!, mula sa malalaking stars hanggang sa crew, para ipakita ang kanilang mabuting hangarin.
Ang katapusan, ayon kay Jon: “Out of 100 percent, 21 percent lang ang umalis.”
Balik-tanong niya: “Now, I ask you, do you think I [succeeded] or not? Sila ang puwedeng magsabi niyan.”
Sumang-ayon naman si Jon nang sabihin ng PEP na baka natakot mawalan ng trabaho ang mga nagpaiwan at hindi sumama sa TVJ.
“Could be,” sabi niya. “E, yung motivation ng 21 percent?”
Ang malinaw, sambit ni Jon, ay walang “exodus” na nangyari.
News
GANITO pala HIRAP ni TONI GONZAGA sa Panganganak sa Second Baby nila ni Paul Soriano
Toni Gonzaga Opens Up About the Difficulties of Giving Birth to Her Second Baby with Paul Soriano Renowned actress, singer,…
Vice Ganda at Jhong Humagulhol Sa Iyak Ng Makita Ang Sitwasyon Ni Vhong Navarro Sa Loob Kulungan!
It’s Showtime host na sina Vice Ganda, Jhong Hilario at Billy Crawford, dumalaw kay Vhong Navarro sa detention center….
Kim Chiu Binuking Ugali Ni Sinag Maynila Best Actress Rebecca!
Puring-puri ni Rebecca Chuaunsu, na kamakailan lamang ay tinanghal na Best Actress sa Sinag Maynila, ang kapwa aktres na…
Andrei Sison Last Day Ng Burol Binisita Ng Kapwa Sparkle Gma Arists Niya, Nakakaiyak!
Binisita si Andrei Sison ng kanyang mga kaibigan at kanyang kapwa GMA Sparkle Artist sa huling araw ng…
Nakakaaliw!! Kim Chiu Nag Lambing Kay Direk Lauren! Humingi Ng Pera at Nagmistulang Anak O Baby?!
Pumatok sa mga netizens ang pinakabagong Instagram story ni Kim Chiu, kung saan makikita siyang nakikipagbiruan at nagiging tila…
Carlos H. Conde Iginiit Ejk Victims, Mas Dapat Pagtuunan Ng Pansin Kaysa Pagkaaresto Kay FPRRD
Nagbigay ng kanyang opinyon ang mamamahayag na si Carlos H. Conde tungkol sa pagkakadakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte…
End of content
No more pages to load