Vice Ganda says And The Breadwinner is… co-stars Maris Racal and Anthony Jennings have undeniable talent and charm as actors.
PHOTO/S: Mark Angelo Ching
Kasama man ang tambalan nina Maris Racal at Anthony Jennings sa And the Breadwinner Is… ay absent sila sa grand media day ng pelikula kagabi, December 5, 2024, sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound sa Quezon City.
Ngunit kahit wala ang MaThon love team sa mediacon, nakapagtanong pa rin ang press tungkol sa kanila.
Ang tanong na ibinato kay Vice Ganda, na bida ng pelikula, ay kung bakit pinili niyang makasama sa bago niyang Metro Manila Film Festival (MMFF) movie ang pinag-uusapang loveteam.
Sagot ni Vice, “charming” daw kasi ang MaThon loveteam.
“Charming naman talaga sila. Nag-work yung kanilang partnership dun sa mga una nilang mga seryes. Magaling talaga,” sagot ng komedyante.
Pumutok ang love team ni Maris at Anthony nang magkatrabaho sila sa seryeng Can’t Buy Me Love, na umere mula October 16, 2023 hanggang May 10, 2024.
Marami sa mga nakakakilig na eksena nina Irene at Snoop, mga karakter ng dalawa sa serye, ang nag-viral sa social media.
Dagdag pa ni Vice, kinikilala niya raw ang talento ni Maris sa pag-arte.
“Maris is very talented. Di ba? Hindi natin puwedeng i-discount yun o i-disregard. Talented talaga si Maris,” saad niya.
Unang nakilala si Maris bilang teen housemate sa Pinoy Big Brother: All In noong 2014.
Maraming taon siyang naging support sa mga teleserye at pelikula bago nakilala sa ilang risky roles tulad ng sa The Kangks Show (2021-2022), Here Comes the Groom (2023), at Marupok AF (2023).
Saad pa ni Vice, dapat ay nakasama na niya ang young actress sa mga nauna niyang pelikula pero hindi lang natutuloy.
Samantala, nakikita naman ni Vice na may kakaibang kinang kay Anthony.
“Si Anthony Jennings din naman, hindi natin puwede i-deny na meron siyang kakaibang brilyo pag pinapanood niyo siya sa screen,” saad niya.
Noong 2019 lang nagsimula ang karera ni Anthony sa showbiz bilang kapatid ni Alden sa pelikulang Hello, Love, Goodbye.
Na-cast din siya sa The House Arrest of Us (2020), na pinagbidahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, at pagkatapos ay bumida sa pelikulang Love at First Stream (2021) na ang director ay si Cathy Garcia-Sampana
Ang management daw ang humiling na idagdag sina Maris at Anthony sa And The Breadwinner Is…
Pumayag naman daw agad si Vice.
“So, kaya nung sinabi ng management at ng Star na isama natin tong ano [MaThon], sabi ko, ‘Let’s go.’ Sabi ko isama natin sila. Go ako agad,” sabi pa ni Vice.
Sa December 25 na ipapalabas ang And The Breadwinner Is…
Bukod kay Vice, Maris at Anthony ay kasama rin sa pelikula sina Eugene Domingo, Gladys Reyes, Jhong Hilario, Kokoy de Santos at si Malou de Guzman.
Ang director ng pelikula ay si Jun Lana.
Direk Jun Lana and Vice Ganda
Photo/s: Mark Angelo Ching