Ara Mina: “I felt bad sa mga ganitong news na di alam ang totoong nangyari.”

Ara Mina defends sister Cristine Reyes



Ara Mina (left, with their mom Venus Imperial) defends her sister, Cristine Reyes (right, also with their mom), against allegations that she walked out of the 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal after not winning an award
PHOTO/S: Courtesy: Instagram

Ikinalulungkot ni Ara Mina ang mga nagsilabasang balita tungkol sa kapatid na si Cristine Reyes.

Kumalat kasi sa social media na umiiyak si Cristine nang umalis sa Solaire Resort, Parañaque City, ang venue ng ginanap na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024 Gabi ng Parangal, nitong nakaraang December 27, 2024.

Ayon sa mga nag-post, hindi raw kasi ito nanalo ng award.

Si Cristine ay bahagi ng The Kingdom, na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Piolo Pascual.

ARA MINA: “sinugod nga mom namin sa hospital that night.”

Sa isang Facebook page, ipinakita rito ang larawan ni Cristine na paalis ng venue ilang sandali matapos niyang mag-present ng Best Supporting Actor award, kasama ang co-star na si Sue Ramirez at ang actor turned politician na si Yul Servo.

Mapapansing aburido at malungkot ang mukha ni Cristine.

Nakalagay sa caption, “CRISTINE REYES NAPAHIYA AT UMIIYAK PAALIS NANG MMFF 2024 AWARDS NIGHT”

cristine reyes fake news
Sa pamamagitan ng isang Viber message, sinabi ni Ara ang totoong rason sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kagabi, December 29.

Ayon sa kanya, kaya mabilisang umalis si Cristine ay dahil isinugod ang ina nilang si Venus Imperial sa ospital.

Nagkaroon daw kasi ito ng mild stroke.

Labis na ikinalungkot ni Ara ang mga nagsilabasang fake news.

Aniya, “Kaya siya umiiyak paalis ng awards night at di tinapos dahil sinugod nga mom namin sa hospital that night hindi dahil sa hindi siya nanalo or napahiya siya.

“I just saw this I felt bad sa mga ganitong news na di alam ang totoong nangyari.”

Sa ngalan ng views at engagement, maraming netizens ang mag-iimbento ng kuwento at hindi man lang aalamin ang totoo.

Ang nakakalungkot: Maraming naniniwala.

Kaya mas maiging i-check ang mga balita sa mga lehitimong websites.

Samantala, si Judy Ann Santos ang nagwaging Best Actress para sa Espantaho at si Dennis Trillo naman ang Best Actor para sa Green Bones.

Bukod kina Judy Ann at Dennis, naiuwi naman ni Ruru Madrid ang Best Actor in a Supporting Role award dahil sa pagganap niya sa Green Bones.

Best Actress in a Supporting Role si Kakki Teodoro (Isang Himala).