Tito Sotto on cancelled EB live telecast: “Kinakabahan na baka may gawin kami.”

TVJ, Eat Bulaga!, TAPE Inc., Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon
Former Senate President Tito Sotto on Romy Jalosjos of TAPE Inc. prohibiting Eat Bulaga! Dabarkads from going on live telecast yesterday, May 31: “Siguro, itong isa sa mga anak na nandodoon, nakita kami nagmi-meeting kami, kinakabahan na baka may gawin kami. Aba! Biglang pina-cancel ang live! Nagpa-order ng playback daw si Romy.”

PHOTO/S: Screengrab from Eat Bulaga! Facebook

Hindi na natiis ng Eat Bulaga! Dabarkads ang “pang-aapi” ng TAPE Inc. kaya nagdesisyon ang TVJ—ang trio nina Tito SottoVic Sotto, at Joey de Leon—na tumiwalag matapos ng 44 taon.



Ito ang kuwento ni Tito, dating senador at isa sa tatlong original hosts ng noontime show, sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Huwebes, June 1, 2023.

Nasa studio na raw sila ng Eat Bulaga! kahapon, May 31, nang malaman nilang pinagbabawalan silang mag-live telecast ng Eat Bulaga!. Kaya raw kahapon ay “playback” o replay na lamang ang ipinalabas na EB episode.

Ito na rin daw ang nag-udyok sa TVJ na kumawala sa Television and Production Exponents (TAPE) Inc., producer ng Eat Bulaga!.

Bulalas ni Tito: “Aba’y nag-decision na kami! Ano pa hinihintay namin? Lahat na lang ng kilos namin parang ano, di ba?”

Sukdulan na raw iyon ng hidwaan sa pagitan ng Dabarkads at TAPE.

Nangyari ang pagbubunyag ni Tito sa ambush interview ng PEP.ph via phone call ngayong tanghali.

SUDDEN CANCELLATION OF EAT BULAGA! TELECAST

Ang pamamaalam ng TVJ ay lumikha ng maraming katanungan sa sambayanang sumubaybay sa noontime show sa loob ng apatnapu’t apat (44) na taon:.

“May 31, last day na pala yun,” bungad ni Tito sa PEP.ph.

Hindi raw akalain ng Dabarkads na hindi man lang sila nakapagpaalam sa show na binuo nila sa loob ng 44 taon.

Magmi-meeting pa lang daw dapat sila tungkol sa major changes na gustong ipatupad ng bagong management ng TAPE Inc.

Ang mga anak ni Romy na sina Jon-jon, Bullet, at Soraya ang naatasan ni Romy mangasiwa sa daily operations ng show.

“Last day ng May, usapan namin, pasok kami, lahat, pati ako — di naman ako pumapasok ng Wednesday — para mag-uusap kami kung ano decision, anong gagawin, anong plano, kasi di naman natutupad yung mga sinasabi [ng TAPE].

Sabay diin niya, “Wala sa lugar, e, wala sa hulog e. Kumbaga sa ano, ‘Teka muna, ano ba talaga?’”

Ipinaliwanag pa ni Tito na gusto ng TAPE Inc. na kaltasan ang suweldo ng lahat ng hosts at production staff ng Eat Bulaga!.

“‘Tsaka yung dahilan na nalulugi kailangan bawasan [ang mga suweldo namin], e, bakit panay ang kuha nila ng pera?

“Ganoon yung usapan, kaya mag-uusap kami.”

Tila bahagi ito ng agenda sa meeting ng Dabarkads bago sumalang sa ere noong tanghali ng May 31.

Ginanap ang kanilang meeting doon mismo sa APT studio sa Marcos Highway, Cainta, Rizal, kunsaan kinukunan ang broadcast ng Eat Bulaga!.

Ang regular timeslot ng pag-ere ng Eat Bulaga! sa GMA-7 ay eksaktong 12 noon.

Patuloy ni Tito: “Nung pagdating namin dun, nagmi-meeting kami mga 11, 11:30 [a.m.], nag-uusap na kami.

“Siguro, itong isa sa mga anak na nandodoon, nakita kami nagmi-meeting kami, kinakabahan na baka may gawin kami.”

Ang tinukoy na “Romy” ay si disgraced Zamboanga del Norte District 1 Congressman Romy Jalojos, na majority shareholder ng TAPE Inc.

Ayon kay Tito, ang anak ni Romy na si Soraya ang nagsabi sa TVJ na utos ito ng kanyang ama.

Dito na nagdesisyon ang TVJ na kumalas.

“Oo, right there and then,” pagkumpirma ni Tito sa PEP.ph. “Basta ang message, ‘We will disengage.’ Ganun, ‘Papasalamat tayo sa mga tao, pasalamat tayo sa kanila. We are disengaging [from] TAPE.’

Ano na ang susunod na hakbang ng TVJ at ng Dabarkads?

“E, pag-iisipan namin,” sagot ni Tito. “Kung saan kami dadalhin ng tadhana, parang ganun.”

LIVESTREAM VIA EAT BULAGA! & MAINE MEnDOZA’S FACEBOOK

Sa pagkuwento ni Tito, hora-horadang nag-isip ng paraan ang Dabarkads kung paaano maiparating sa mga masugid ng tagasubaybay ng Eat Bulaga! ang kanilang desisyon.

Ito na ang nangyaring Facebook Live sa official Facebook account ng Eat Bulaga!.

“So, nangyari, sabi namin, ‘What are we going to say?’

“Sabi namin, ‘Kung di tayo makapag-live [sa TV], e, di mag-Facebook Live tayo.

“Yung Facebook Live ni Maine Mendoza, merong 18 million followers. Hehehe.

“Kahit pagsabayin mo Channel 2, Channel 5, Channel 7, talo ni Maine pag nag-Facebook Live.

Sa huli ay hindi napigilan ni Tito na maglabas ng himutok sa naging trato sa kanila ng TAPE sa huling araw nila sa programang pinaghirapan daw nila sa loob ng 44 na taon.

“All of a sudden, bigla mo kaming pakikialaman, 44 years, may naiintindihan ka ba sa production? Makakarating ba kami dito kung hindi kami experts dito?”

BACKSTORY

Halos apat na buwan na ang mainit na hidwaan sa pagitan ng Dabarkads at TAPE Inc.

Gawa ito ng major overhaul na gustong ipatupad ng TAPE Inc. — mula sa salary scale ng mga host at employee hanggang sa reinvention ng segments at change of hosts.

February 28, 2023 nang mag-General Assembly ang lahat ng hosts at production staff ng Eat Bulaga! kunsaan inanunsiyo ni Romy ang tungkol dito.

Naisapubliko ang isyu noong March 1, nang maglabas ng blind item ang PEP.ph at iba pang reports na may kinalaman sa isyung rebranding ng Eat Bulaga!.

Lumabas din ito sa iba-ibang media outfits.

Noong April 19, lumabas si Dapitan Mayor Bullet Jalosjos sa isang TV interview kunsaan pinabulaanan nitong may problema sa pera ang TAPE Inc. Siniguro rin noon ni Bullet na mananatili ang TVJ at ibang Dabarkads sa Eat Bulaga!.

Sa TV interview rin na iyon sinabi ni Bullet na boluntaryong nagretiro si Tony Tuviera bilang president at CEO ng TAPE Inc., at ang bagong management na aktibo sa daily operations ay pangungunahan na ni Bullet at ng mga kapatid niyang sina Jon-Jon at Soraya.

Ang tatlong nabanggit na mga anak ni Romy ay bahagi ng Board ng TAPE Inc. Si Bullet ang chief finance officer, habang si Jon-jon ang president. Si Soraya naman ang ang executive vice-president for production.