Isang malugod na pagbati sa Obra Maestrang Pelikula ng nag-iisang Superstar at National Artist, Ms. Nora Aunor, na ‘Bona’, na itatanghal sa Revivals Section ng 62nd New York International Film Festival mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 14, 2024.



Kasama ang pelikula ng Superstar sa mga pelikula nina Sembène, Bresson, Akerman, Duras, Barker, Wiseman, Amirkulov, at marami pang iba sa nasabing filmfest.

Ang ‘Bona’ ay isang masigasig na obra ng melodrama na pinagsasama ang popular na sine at politikal na galit. Ang 1980 na pelikula ng premyadong direktor na si Lino Brocka ay nananatiling isang buhay na kuwento tungkol sa kalagayan ng mga kababaihang Pilipina noong panahon na iyon.

“Isang pangarap ang pagpili para sa aming pelikulang ‘Bona’ at nasasabik kaming makipagkita muli sa aming mga kaibigan at kasamahan sa New York,” sambit ng Superstar.

Kasama rin ang pelikulang ‘Bona’ ng Superstar sa 2024 Toronto International Film Festival. Dalawa sa pinakamalalaking pandaigdigang film festival ang magtatampok ng mga pelikula ni Nora at ng Hollywood actor na si Daniel Craig.

Ang pelikulang ‘Bona’, na idinirek ni Lino Brocka, at ‘Queer’ ni Luca Guadagnino ay magpapakita ng kani-kanilang husay at galing sa North American premiere nito.

Ang ‘Bona’ ay kabilang sa mga pelikulang pinili para sa Revivals Section habang ang ‘Queer’ ay kabilang sa Spotlight Section .

Congratulations, Nora Aunor. Tunay kang world-class artist at proud kaming lahat sa’yo. (Jemuel C. Salterio)