Honeylet and Kitty arrive in The Hague to visit Rodrigo Duterte

honeylet avancena kitty duterte
Honeylet Avancena and daughter Kitty Duterte were welcomed by Filipino supporters of former President Rodrigo Duterte when they arrived at the Scheveningen Prison in The Hague, Netherlands, on March 25, 2025.

Nakarating na sa The Hague, Netherlands ang common-law wife ni former President Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña at ang kanilang anak na si Kitty Duterte.



Halos buong araw naglakbay mula sa Pilipinas patungo sa The Hague ang mag-ina para makapiling si Duterte sa ika-80 kaarawan nito sa Biyernes, Marso 28, 2025.

Kasalukuyang naka-detain sa Scheveningen Prison ang dating Pangulo ng Pilipinas dahil sa kasong crime against humanity na dinidinig ng International Criminal Court (ICC).

Nakunan ng video at larawan ng mga nakaabang na mga Pilipino at news reporters sa harap ng Scheveningen Prison ang pagdating nina Honeylet at Kitty noong Miyerkules ng hapon, Marso 25 (Huwebes ng gabi sa Pilipinas, Marso 26), kaya mabilis na nakarating ang balita sa Pilipinas.

 

KITTY DUTERTE’S BIRTHDAY WISH FOR HER FATHER

Nagpasalamat si Kitty sa mga Pilipinong nakasalamuha niya sa The Hague dahil sa suportang ibinibigay ng mga ito sa kanyang ama.

“Maraming-maraming salamat po. We are grateful for you and sana po hindi kayo tumigil hanggang makauwi si former President Rodrigo Duterte,” mensahe ni Kitty para sa mga sumusuporta sa tatay niya.

Nang tanungin tungkol sa birthday wish niya para sa kanyang ama, “Good health” ang sagot ni Kitty.

Pinaunlakan ni Kitty at ng kanyang ina ang hiling na photo op ng mga kababayan at tagasuporta ng dating Pangulo na naabutan nila sa harap ng Scheveningen Prison.

Nakipagkuwentuhan din sina Honeylet at Kitty sa Duterte supporters na natuwa nang makita sila, pero naging mailap ang mag-ina sa pagsagot sa isang nagtangkang makapanayam sila tungkol sa kanilang pakay sa pagbisita sa nakapiit na dating Pangulo.