Nora Aunor, nangangamba sa kahihinatnan ng mga pelikula sa MMFF

After four years, balik Metro Manila Film Festival ngayong taon ang nag iisang Superstar na si Nora Aunor para sa pelikulang Isa Pang Bahaghari.



Under the direction of Joel Lamangan, isang kakaibang family story ang ibabahagi ng superstar kasama sina Philip Salvador, Michael De Mesa, at mga bagong henerasyon ng bituin tulad nina Zanjoe Marudo, Joseph Marco, Sanya Lopez, Albie Casiño, at Maris Racal.

Ayon kay Ate Guy, masaya siya na finally maipapalabas na ang kanilang proyekto na isa ngayon sa mga pelikulang bahagi ng Metro Manila Film Festival.

“Masayang masaya po ako, dahil alam ko na maganda ang ginawa naming pelikula na ang nag-direk po na si Joel Lamangan,” tugon ni Nora sa panayam ng Cinema News.

Originally, isa sana ang pelikula ni Nora sa mga pelikulang ilalaban sa unang edisyon ng Metro Manila Summer Film Festival nitong 2020 pero, dahil na rin sa pandemya ng COVID-19, naudlot ito.

“Noong hindi kasi napasama yan noon, parang nawalan rin ako ng ano ba tawag doon, hindi naman gana, nawalan ako ng posibilidad na nalungkot ako kasi hindi napasama,” sambit ni Nora.

Patuloy niya, “Ngayon nga na napasama, masaya po ako ngayon at sigurado ako na maganda ang pelikula.”

Nasasabik man na maibahagi ang kanilang proyekto, naghahalong pangamba rin ang inamin ni Ate Guy para sa mga pelikulang bahagi ngayong taon ng MMFF.

Kasunod ito nang pagsubok na hinaharap ngayon ng mga pelikula sa pansamantalang pagsasara ng mga sinehan bilang pag-iingat na rin sa COVID-19.

Aminado ang veteran actress na ramdam niya ang takot para sa kahihinatnan ng mga pekikula.

“Mahihirapan,” ani Nora. “Kasi maraming, marami sa mga kababayan natin ang hindi alam kung paano, bumili ng ticket.

“Kailangan muna turuan sila kung paano sila bumili online para makapanood po nang mga pelikulang kasali po sa Metro Manila Film Festival,” patuloy pa ni Ate Guy.

Mungkahi ng aktres: “Dapat po siguro, magbahagi lang ng kaalaman paaano natin sila matuturuan (bumili ng ticket)? Hindi naman natin sila maabot lahat ‘di ba? So ewan ko kung paano ang gagawin. Pero dapat po ay mayroong silang makikita at ipapakita kung paano gagawin na makabili sila ng ticket online,” pahayag ng aktres.

Taong 2016 nang huling napanood si Nora sa Metro Manila Film Festival para sa pekikulang Kabisera.

Mapapanood ang Isa Pang Bahaghari sa December 25 sa pamamagitan ng digital streaming na Upstream na partner ng MMFF sa pagpapalabas ng mga pelikula ngayong new normal set up.