nora aunor life story
Nora Aunor on her health: “Hindi na ako naoospital! Hindi na ako labas-masok sa ospital!” natatawang tugon ng Superstar ng pelikulang Pilipino. Nagsasabi lang ako ng totoo, pero OK naman ako. Inabuso ko rin naman ang sarili ko, e. Sigarilyo ako noon nang sigarilyo kaya kayo, huwag kayong maninigarilyo. Huwag!”

Isasapelikula ang buhay ng National Artist na si Nora Aunor.



Ito ang isiniwalat ng Superstar na si Ate Guy sa intimate chikahan noong Agosto 12, 2023, Sabado ng hapon, sa studio ni Edward dela Cuesta sa Sct. Tuason St., Brgy. Laging Handa, Quezon City.

Bale trilogy raw ang pagsasapelikula. Sa dami ng pinagdaanan ni Ate Guy sa buhay, kung isisiksik ang mga iyon sa isang pelikula lamang ay baka mas mahaba pa raw iyon sa pelikula ni Lav Diaz.

“May tribute next year sa akin na gagawin, isang malaking ano ang magpo-produce nun,” salaysay ni Ate Guy.

“Plano lang. Plano pa lang, ginagawa pa lang nila. Pero bago yun, baka ituloy o magawa na yung true-to-life. True-to-life story.

“Bale movie yun. Part 1, Part 2, Part 3… Kasi, masyadong mahaba pag pinag-isa. Pag pinanood natin, baka bukas na tayo matapos, e.

“Matatalo pa natin niya si Lav Diaz, e. Mababalewala yun, yung ginagawa niya, pag pinag-isa mo ang kuwento.

“Naku po, dyuskupo po, ‘day!”

May napipisil na ba siya para gaganap na young Nora?

“Magkakaroon siguro ng audition. Kailangang magkaroon ng audition. Kaya kung meron kayong mga kakilala, maglalaan tayo ng araw para sa audition.”

Natapos ni Ate Guy nang maayos ang shooting ng pelikulang Pieta, sa direksiyon ni Adolf Alix Jr.

Co-stars niya rito sina Gina Alajar, Jaclyn Jose, Bembol Roco, Ina Raymundo, at Quezon City Councilor Alfred Vargas na producer ng movie.

“Ay! Napakabait na tao ni Konsehal. Sa totoo lang, napakabait na tao, napakadaling kausapin,” pahayag ni Ate Guy.

“Tapos honest siya kapag umaarte. Pag hindi niya talaga alam, nagtatanong siya talaga. Siyempre. Pero magaling na artista siya.”

Kumusta na iyong Mananambal na horror movie project niya with Bianca Umali?

“Hindi pa nag-start. Kasi, nagpalit ng direktor yung producer. Tapos nagkaroon ng revision ng script,” saad ni Ate Guy.

“So, hindi pa tapos ngayon yung script. So siguro by September siguro, tapos na yun. Baka makapag-start na kami ng September.”

Ang natapos na rin ni Ate Guy ay ang horror movie na Ligalig, sa direksiyon ni Topel Lee. Tampok din dito sina Allen Dizon at Snooky Serna.

“Magaling si Topel, ha?! Saka magaling siya na D.O.P.,” sambit ni Ate Guy.

Ang isa pang movie na natapos ni Ate Guy ay ang Kontrabida, na si Adolf Alix Jr. din ang nagdirek.

Any update sa part 1 ng libro tungkol sa kanyang life story? May mga umasam na na-publish na sana iyon noong Mayo kaugnay sa pagdiriwang ng kanyang ika-70 kaarawan.

“Wala pa. Ang nangyari, iba ang mag-aano, ang pinili kong magsusulat. Wala, wala siguro,” mahinay na sabi ni Ate Guy.

Kino-coordinate iyon ni Direk Adolf, di ba?

“Busy si Adolf. Busy si Adolf yata, hindi niya magagawa yun.”

Inaantabayanan din ang “revival” ng pelikulang The Greatest Performance of My Life na si Ate Guy ang nagdirek.

Naikuwento iyon ni Direk Adolf sa storycon ng Pieta noong Pebrero 4 sa Victorino’s restaurant, Sct. Rallos St., Quezon City.

Ngumiti si Ate Guy na tila may pagsusumamo, “Intayin mo, intayin mo lang. Hindi… Ang mga plano, ganun, pero plano pa lang.”

Kumusta na ang lagay ni Ate Guy pagdating sa kanyang kalusugan? Masigla ba ang kanyang katawan sa mga araw na ito?

“Hindi na ako naoospital! Hindi na ako labas-masok sa ospital!” natatawang tugon ng Superstar ng pelikulang Pilipino.

“Nagsasabi lang ako ng totoo, pero OK naman ako. Inabuso ko rin naman ang sarili ko, e.

“Sigarilyo ako noon nang sigarilyo kaya kayo, huwag kayong maninigarilyo. Huwag!

“Sa paninigarilyo ako naospital nang naospital! Natigil ko na! Wala na!

“Kasi, namatay na ako, e… di ba? So, mabuti nga, talagang mabait pa rin sa akin ang Diyos, buhay pa rin ako.

“Suspetsa ko, meron pa akong misyon sa buhay. ‘Ano po ang gusto Ninyong ipagawa sa akin?’

“Di ba? Baka may misyon pa rin. Kaya hindi pa rin ano… marami pa tayong pasasayahing tao.”

At ngumiti muli nang matiwasay si Ate Guy.