Security na ‘binosohan’ umano si Marian nagsalita na: ‘Wag kayo one-sided!
HINDI na nakapagpigil at nagsalita na ang viral security officer na si Earl Nerona-Pressman matapos kumalat ang malisyosong video nila ni Marian Rivera.
Ito ‘yung viral post na mapapanood na lumapit nang todo ang security sa may bandang dibdib ni Marian at makikita ang reaksyon ng celebrity mom na hindi ito naging komportable sa sitwasyon.
May bahagi rin sa clip na mababasa sa labi ng aktres na may sinabi siyang, “Kanina ka pa, kuya. Kanina ka pa eh.”
At dahil nga riyan, maraming netizens ang bumatikos kay Earl at pinagbintangan itong namboboso kay Marian.
Sumagot naman ang security officer sa pamamagitan ng Facebook at ipinaliwanag ang tunay na nangyari.
Ayon sa kanya, sinadyang i-edit ang video upang magmukha siyang masama at siraan siya.
“Actually hindi naman na issue ito talagang kumalat lang ang video dahil sa taong one sided ang utak. Kung malawak lang sana ang pagkakakuha ng video ay makikita ninyo ang totoong sitwasyon,” bungad niya sa post, kalakip ang picture nila ni Marian.
Sinabi ni Earl na very crowded ang lugar at lahat ng mga nandoon sa event ay gustong makalapit kay Marian.
Nandoon daw siya upang protektahan ang aktres: “Paano na lang kaya kung wala ako sa designation ko edi mas nabastos si Marian at hindi na mapipigilan ang mga taong halos lumapit sa kanya.”
Paglilinaw pa niya, “Bumulong ang kasama ko at nagtanong about sa crowd control at sa buong makakaya ko nilapit ko ang tenga at sana man lang kung may audio na malinaw ang video ay nag-excuse talaga ako kaya nga nilapit ko ang tenga ko sa kasamahan ko dahil mahihirapan ka sumenyas, mahihirapan ka igalaw ang katawan mo dahil sa dami ng tao sa paligid mo na sana ay nakunan din ng video.”
“May isang crowd na nagpupumilit na makalapit kay Marian at nakikipagtalo sa amin kung makikita ninyo sa video na sinabihan na ‘Kuya kanina ka pa.’ I swear hindi ako iyon, sinundan niya ng tingin iyon at nagkataon na sa akin ng tingin dahil nga kami ng mga kasamahan ko ang nagse-secure ng kanyang safety,” patuloy niya.
Iginiit din niya na okay sila ni Marian after ng pangyayari kaya nakapagpa-picture pa nga siya habang sila ay nasa holding area.
“Nag-usap pa nga kami saglit about sa crowd control at walang isyu na nangyari. Pinalaki lang ng mga taong walang ibang hangarin kundi manira ng kapwa tao at pagkakakitaan ang paninira sa ibang tao,” sambit ni Earl sa FB.
Mensahe niya sa nag-edit at nagpakalat ng malisyosong video, “Kaya sana makonsensya kayo sa mga ginagawa ninyo. Huwag kayo maging one-sided kung hindi naman ninyo alam ang kabuuan ng story.”
“Nakakabulahaw kayo ng taong tahimik na nagtatrabaho at kumakayod sa araw-araw,” sey niya.
Nabanggit din niya na anim na buwan na ang nakalipas nang mangyari ang nasabing event.
“Sana patulugin po kayo ng inyong konsensya sa mga ginagawa ninyong ito. Salamat po [smiling face emoji],” ani pa ni Earl.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.