Pagkalipas ng halos sampung taon, muling babalik sa mundo ng romantic comedy ang Kapamilya actress na si Kim Chiu sa pelikulang My Love Will Make You Disappear, isang proyektong hatid ng Star Cinema. Sa isang media event na ginanap noong Pebrero 19, 2025, sa ABS-CBN, ibinahagi ni Kim ang kanyang excitement at kasiyahan na muling makapagbigay ng saya sa mga manonood sa pamamagitan ng isang romantic comedy, pati na rin ang muling pagtambal nila ni Paulo Avelino sa pelikula. 

“Napa-O to the M to the G talaga ako! Sabi ko, ‘Is this a new rom-com?’ Kasi ‘yung last rom-com ko, All You Need is Pag-Ibig, ten years ago pa. ‘Yung bago pa nun, Bride For Rent. So medyo matagal-tagal na rin talaga,” kwento ni Kim sa mga dumalong media.

Ayon pa sa kanya, labis siyang natutuwa at excited dahil sa mainit na pagtanggap ng mga tagahanga sa trailer ng pelikula. “It feels amazing! Parang fresh air siya para sa akin. ‘Yung trailer namin, nakaka-shock tapos ‘yung suporta pa ng madlang people. Gustong-gusto ko ‘yung reaction nila,” dagdag pa ni Kim.

Ibinahagi ni Kim na sa loob ng dalawang dekada niyang karera sa industriya, ilang love teams na rin ang kanyang nakasama. “Siyempre, mula 16 years old hanggang thirties, masasabi ko talagang lumaki ako sa harap ng mga sumusuporta sa akin. Pangatlong love team ko na ito, kasi per decade ako nagla-love team (laughs),” aniya. Sa kabila ng tagal ng kanyang karera, nararamdaman pa rin niya ang supporta at pagmamahal ng kanyang mga tagahanga.

Nang tanungin kung kailan siya huling kinilig kay Paulo, tumawa si Kim at ibinahagi na, “Binigyan niya ako ng tinapay kanina. Mahina si ate mo (laughs). Pero dinalhan niya ako ng pasalubong kanina after Showtime. Lahat kami binigyan. ‘Yun lang (laughs).”

Ipinakita ni Kim na kahit simpleng gesture ng aktor ay nakapagpapasaya sa kanya, at naging daan upang magkapatawa sila sa set.

Pagdating naman sa mga natatanging katangian ni Paulo, agad na tinukoy ni Kim ang expressive eyes ng aktor.

“Kahit hindi siya magsalita, parang may pinapahiwatig ‘yung eyes niya. Kasi ‘di ba, eyes are the windows of the soul? So nakita ko na ‘yung soul mo,” biro ni Kim, na may kasamang pagtawa. Ipinakita niya sa kanyang mga pahayag na sa kabila ng pagiging seryoso sa trabaho, may lighthearted na samahan sila ni Paulo sa likod ng kamera.

Muling binigyang-diin ni Kim ang kanyang kasiyahan sa pagbabalik-loob sa romantic comedy genre, isang uri ng pelikula na naging bahagi na ng kanyang mga mahahalagang proyekto sa showbiz. Dahil sa malaking suporta ng mga tagahanga, nasabi niyang masaya siya na muling magbigay saya at kilig sa kanilang mga tagapanood. Tila nga mas naging matamis ang kanyang pagbabalik sa rom-com na isang uri ng pelikula na pinahahalagahan ng kanyang mga fans, at tiyak na magbibigay ng bagong saya sa mga mahilig sa ganitong klaseng mga pelikula.