Sharon Cuneta, may inamin sa naging pagkukulang niya kay KC

Inamin ni Sharon Cuneta ang kanyang naging pagkukulang sa panganay niyang si KC Concepcion.

Aminado si Megastar Sharon Cuneta na nagkulang siya ng oras sa panganay niyang anak na si KC Concepcion.



Si KC ay ang anak ni Sharon sa kanyang ex-husband at dati niyang ka-love team na si Gabby Concepcion.

Sa ikalawang bahagi ng interview ni Boy Abunda kay Sharon at sa kaibigan nitong si Jackie Lou Blanco sa Fast Talk with Boy Abunda, tinanong niya ang dalawa kung saan sila nagkulang at sumobra bilang ina.

Sagot ni Sharon, “Kay KC, Kakie, kay Miel, kay Miguel, hindi ako nagkulang sa pagmamahal, sa paalala. Kay KC, nagkulang ako malamang sa oras.”

Paliwanag niya, “Kasi, I had to be both mom and dad and I had to… someone had to put food on the table, someone had to pay for her tuition fee. I didn’t want to depend on sa parents ko.

“I told my dad, because he said, ‘Kapag ‘di ka umuwi, wala kang ama.’ And I said, ‘Daddy, if I don’t do this now, I will never learn. Ano po ang ituturo ko sa apo n’yo?’

Dahil dito, natuto raw umano agad si KC na hindi dumepende sa ibang tao upang mabuhay.

“So, KC, at a very young age, learn to also, ‘I would always tell you, you don’t need a man to have a good life. You just work. So, you have something,’” ani Sharon.

Dagdag pa niya, “But I was also over protective to KC. Remember, halos hindi ko ipakita in public no’ng medyo nag-13 na, 14, ‘yung maraming offers na.

“I was so scared kasi anak namin siya ni Gabby. Iba ‘yung anak namin ni Kiko [Pangilinan].”

RELATED GALLERY: Sharon Cuneta declares her love for her children

Natakot umano si Sharon noon na paglaruan ng mga tao si KC lalo’t anak nila ito ni Gabby, kung saan kasagsagan din ng kanilang sikat na love team.

“Kasi, parang Gabby [and I] was a love team, ‘di ba? So, ayokong magulo ‘yung buhay ng anak ko. Dahil baka paglaruan noon ng ibang tao, ibang press. Marami akong kaibigan sa press pero meron ding mga nasty,” paglalahad pa ni Sharon.

“So, I was so overly protective. Pero later on, no’ng nalaman ko kung ano ‘yung gusto niyang gawin, naging okay na ako,” anang Megastar.

Matapos ito, muling nagtanong si Boy, “How much of KC is you?”

Tugon ng batikang singer-actress, “She’s more like her papa. A little bit of me, of course. Nung maliit akala ko akong-ako, e.”

Nito lamang Oktubre, nagkaroon ng reunion concert sina Sharon at Gabby na tinawag nilang “Dear Heart.” Dito ay naging guest nila ang kanilang anak na si KC.