QCPD: Ronaldo Valdez found with gunshot wound

QCPD’s investigation is still ongoing.
 Ronaldo Valdez's death
Quezon City Police District: “Si Sir Ronaldo Valdez po ay nakaupo po sa kanyang upuan, wala na pong malay. May tama sa kanyang right temple at yung baril na ginamit ay nasa kanyang kamay pa rin.”



PHOTO/S: Ronaldo Valdez Instagram

TRIGGER WARNING: Self-harm

Wala nang malay habang may tama ng bala ng baril ang multi-awarded veteran actor na si Ronaldo Valdez nang matagpuan sa loob ng kanyang kuwarto sa bahay nila sa Quezon City.

Ito ang bagong impormasyong inilabas ng chief ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit na si Police Major DonDon Llapitan, ayon sa report ni Marisol Abduhrahman sa 24 Oras, nitong Lunes, December 18, 2023.

Ayon kay Llapitan, pasado alas tres ng hapon nitong Linggo, December 17, nang matagpuan si Ronaldo sa mismong kuwarto niya.

Sa statement ni Police Major Llapitan: “Si Sir Ronaldo Valdez po ay nakaupo po sa kanyang upuan, wala na pong malay.

“May tama sa kanyang right temple at yung baril na ginamit ay nasa kanyang kamay pa rin.”

Itinakbo pa umano sa pinakamalapit na ospital ang beteranong aktor pero idineklara na itong dead on arrival.

Dahil may nakitang baril sa crime scene, mabilis na isinailalim sa paraffin test ang lahat ng taong kasama ni Ronaldo sa bahay.

Bahagi raw ito ng standard operating procedure (SOP) sa mga insidenteng posibleng ginamitan ng dahas. Ngunit paglilinaw ng pulisya, hindi nito ibig sabihin na may kasalanan ang mga tinest sa nangyari.

Wala pang malinaw na motibo sa pagkamatay ni Ronaldo dahil sa ngayon ay hinihintay pa ang resulta ng paraffin and ballistic tests.

Sa inilabas na statement ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Lunes ng umaga, December 18, sinabi nilang masusi nilang iniimbestigahan ang insidente.

Ang QCPD ang unang nag-anunsiyo sa publiko sa pagkamatay ng premyadong aktor bago pa maglabas ng maikling pahayag sa Instagram ang mismong anak ni Ronaldo na si Janno Gibbs ngayong araw rin.

 

Mababasa sa pahayag ng QCPD (published as is): “As of today, QCPD is currently conducting a thorough investigation to ascertain the cause of the death of Mr. James Gibbs aka Ronaldo Valdez.

“We understand the importance of this matter; hence, we are working diligently to gather all relevant facts and evidence.”

Tiniyak din ng QCPD sa publiko na agad nilang ilalabas ang impormasyon sa sanhi ng pagkamatay ni Ronaldo sa sandaling matapos nila ang kanilang imbestigasyon.

Kalakip nito ang pagpapaalala nila sa publiko na iwasang gumawa ng fake news, bagkus igalang ang privacy na makapagluksa na hinihingi ng pamilya ng aktor.

Saad nila: “We assure the public that any findings from the investigation will be officially released.

“We also urge the public to refrain from concluding and respect the family’s request to grieve in private.”