Late actor Rico Yan trends; netizens question Claudine Barretto weeping video

Rico Yan among Twitter trends surprises netizens; Claudine Barretto’s weeping video draws flak.
Late actor Rico Yan trends in Twitter Philippines on Thursday, October 24, after his former girlfriend, actress Claudine Barretto, posted on Instagram a video of her while crying and praying in front of Rico’s tombstone. Rico died on March 2002.

PHOTO/S: ABS-CBN News file, @claubarretto on Instagram

#TheBarrettoFamilyFeud



Napabilang sa trending topics sa Twitter Philippines ngayong Huwebes, October 24, 2019 ang yumaong aktor na si Rico Yan.

Ito ay kasunod ng Instagram post ni Claudine Barretto, dating real-and-reel life girlfriend ni Rico, nitong Miyerkules, October 23, ng video ng kanyang pagdalaw sa puntod nito.

March 29, 2002 nang matagpuang patay si Rico sa Dos Palmas Resort sa Palawan.

Napaulat na inatake sa puso ang noon ay 27-anyos na matinee idol, dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis.

Sa video na ipinost ni Claudine, 40, makikitang umiiyak ang aktres habang kinakausap at nagdadasal sa yumaong boyfriend, sa harap ng puntod nito sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Caption ni Claudine sa kanyang video post: “Rico pls help me.take care of Daddy (four praying hands emojis).”

Sa video, sa pagitan ng mga paghikbi, maririnig na sinasabi ni Claudine, “I’m so scared, Rico.

“I’m scared to lose my dad…

“It’s not going to be the same anymore.”

Ginamit na background music sa video ang Kahit Isang Saglit” ni Martin Nievera.

Sa ulat ng ABS-CBN News tungkol sa naturang post, sinabing batay sa mga sinabi ni Claudine, nai-record ang video noong buhay pa ang ama ng aktres.

October 15, 2019 nang pumanaw ang ama ni Claudine na si Miguel Barretto, 82 anyos, dahil sa acute respiratory failure.

Bagamat maraming Instagram followers ni Claudine ang nakisimpatiya sa kanya, ilan ang nag-usisa kung sino ang kumuha ng video, kung alam daw ba ng aktres na kinukuhanan siya, at bakit kinailangan pang i-upload iyon.

May nagsabi ring nananahimik na si Rico at hindi na dapat na madamay pa sa issue.

Walang sinagot si Claudine sa alinman sa mga nabanggit na tanong ng kanyang followers.

THE BARRETTO FAMILY FEUD

Ipinost ni Claudine ang video sa kasagsagan ng away niya sa kanyang kapatid na si Marjorie Barretto, habang kakampi naman niya ang isa pa niyang ate na si Gretchen Barretto.

Matatandaang sa mga nakalipas na araw, laman ng mga balita ang batuhan ng akusasyon at pahayag ng magkakapatid—sa social media at sa mga media interviews—kaugnay ng nangyaring gulo sa lamay ng kanilang ama.

Nitong October 16, nagkaroon ng kumprontasyon sa pagitan nina Marjorie at Gretchen nang dumating ang huli sa lamay ng kanilang ama sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.

Kinabukasan, October 17, nagkasakitan naman sina Claudine at Marjorie sa lamay pa rin ng kanilang ama.

Sa pagpapatuloy ng mistulang hindi pa rin humuhupa at nagsanga-sanga nang away sa pagitan ng magkakapatid na Barretto, ilang pangalan na ang nadawit sa issue.

Kabilang sa mga nadamay na sa alitan ng mga Barretto ang ama ng bunsong anak ni Marjorie na si dating Caloocan City Mayor Recom Echiverri; ang kapwa Filipino-Chinese businessmen na sina Charlie “Atong” Ang at Ramon Ang; dawit na rin ang mag-inang Ruffa Gutierrez at Annabelle Rama; at ngayon nga, maging si Rico—na 17 taon nang yumao.

Kaya naman ngayong Huwebes, bumulaga sa maraming Twitter users ang pagte-trending ng yumaong aktor dahil sa Instagram post ni Claudine.

Gaya sa Instagram, ilang netizens ang kumuwestiyon din sa video ni Claudine, at nagsabing sana ay hindi na lang nadamay sa isyu si Rico, na matagal nang namayapa.

Ang ibang netizens, ipinagtanggol si Claudine, at sinabing nakaugalian na ng aktres na dalawin ang puntod ng namayapang nobyo, lalo na kung may pinagdadaanan ito sa buhay.

Ilang taon ding naging magkarelasyon ang magka-love team na sina Claudine at Rico.

Nagbida sila sa mga teleseryeng Mula Sa Puso (1997-1999) at Saan Ka Man Naroroon (1999-2000), at maging sa mga pelikulang Dahil Mahal Na Mahal Kita (1998) at Mula Sa Puso The Movie (1999).

Nasa rurok ng kasikatan si Rico, at kasalukuyan pang palabas sa mga sinehan ang pelikula nila ni Claudine na Got 2 Believe, nang biglaang pumanaw ang aktor noong 2002, araw ng Biyernes Santo.