aicelle pepe nora ishmael himala

Ang pumanaw na National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ishmael Bernal ang nagwaging best director sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 1982 para sa pelikulang Himala.



Pinarangalan din ang pelikula bilang best picture, at nagbigay ng best actress award kay Nora Aunor.

himala 1982

A scene from Himala (1982)

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Noong 2023, si Pepe Diokno ang hinirang na best director sa 49th MMFF para sa GomBurZa.

gomburza

A scene from GomBurZa (2023)

Ngayong MMFF 2024, si Diokno ang direktor ng reimagined version ng Himala ni Bernal — ang musical movie na Isang Himala na pinangungunahan ni Aicelle Santos.

isang himala

A scene from Isang Himala (2024)

Hindi pa isinisilang si Diokno nang gawin ni Bernal ang Himala, at walong taon pa lamang siya nang pumanaw ang beteranong direktor dahil sa atake sa puso.

BACK-TO-BACK WIN FOR PEPE DIOKNO?

May mga umaasang magkaroon sana ng back-to-back win si Diokno sa best director category ng Gabi ng Parangal ng 50th MMFF dahil sa kanyang mahusay na direksiyon sa Isang Himala.

Kapag nangyari ito, parang naulit lamang ang magandang karanasan ni Bernal, apatnapu’t dalawang taon na ang nakalilipas.

Si Senator Imee Marcos ang producer ng Himala noong 1982, at natuwa siya nang malaman niyang may musical version ang pelikulang umani ng tagumpay, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa.

“Nakakatuwa naman, nakakataba ng puso na walang kamatayan ang kuwento ng Himala.

“Talaga namang lumabas na ito, ginanap na ito sa teatro, naging play na siya. Ngayon naman, musical sa sine.

“Kaya I am looking forward to seeing it. I hope it does well,” reaksiyon ni Imee nang itanong sa kanya ang reaksyon niya sa bagong bersiyon ng Himala.

HIMALA: A BIG-BUDGETED MOVIE

Hindi itinanggi ni Imee na malaki ang halaga ng pera ang ginastos ng gobyerno noong panahon ng ama niyang si dating President Ferdinand Marcos Sr. para mabuo ang Himala, na isa na ngayon sa pinakaimportanteng pelikula sa kasaysayan ng Philippine Cinema.

“Ang laki-laki na ng budget. Lumolobo na ang lumolobo. Binabantayan ko, nag-aaway na kami ni Charo Santos, siya kasi ang line producer.

“Sabi ko, ‘Hindi pupuwede yan, hanggang diyan lang ang budget, over-over na tayo. Ang mahal-mahal na niyan,’” kuwento ni Imee sa panayam sa kanya ng entertainment media sa Kamuning Bakery Café.

“Sinabihan ko talaga si Ishma [Ishmael Bernal], sabi ko, ‘Take one yang huling eksena. Take one, wala nang pera talaga. Bahala ka kung papaano mo gagawin yan.’

“Sabi niya, ‘Ang hirap ng eksena. Nasa tuktok ng buhangin, magta-tumbling ang matatanda.’

“’Ay bahala ka sa buhay mo. Basta gawan mo ng paraan yan.’

“So take one talaga yung huling eksena na libu-libo ang ekstra. Yung buong Paoay, [Ilocos Norte] yata, lumabas doon.”

himala 1982